top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Marso 14, 2024




“Mahirap  lokohin ang pag-ibig,” nasisiyahang sabi ni Via sa sarili habang nakatitig sa guwapong mukha ng kanyang mister na natutulog. Dahil doon, naramdaman niyang nagdya-jumping jack ang kanyang puso.


“Mahal na ba niya ito?” Gilalas niyang tanong sa kanyang sarili. Gusto sana niyang sabihin ang katagang ‘hindi’ pero parang ang hirap gawin. Napakaimposible dahil hindi nakukumpleto ang kanyang araw kapag walang nangyayari sa kanila. Umabot pa nga siya sa puntong nag-research siya ng iba’t ibang paraan kung paano mapapaligaya ang isang lalaki dahil ibig niyang siya lang ang makapagbigay ng kasiyahan sa kanyang asawa.


“Baka naman matunaw na ‘ko sa kakatitig mo,” wika ni Nhel.


Bigla siyang napaigtad. Hindi niya kasi akalain na mararamdaman ng kanyang asawa ang kanyang pagtitig. Tatayo na sana si Via sa kanyang kinahihigaan, pero pinigilan siya nito dahilan para ma-out of balance siya at masubsob kay Nhel.


Muli, inangkin na naman nito ang kanyang labi. Ayaw sana niyang magpahalik dahil hindi pa siya nagtu-toothbrush pero hindi siya makawala rito.


“Gusto mo ba talagang kumawala?” Tanong niya sa sarili. Napahagikgik siya dahil alam niyang hindi rin naman iyon ang gusto niya.


“Ano ang nakakatawa?” Inis na tanong sa kanya ni Nhel.


Lalong lumapad ang kanyang ngiti. “May naalala lang ako.”


“Wala kang dapat isipin kundi ako lang.”


“Masyado naman.”


“Seryoso ako.”


“Okey, pero hindi naman maaaring ako lang.”


Kumunot ang noo nito. Kahit sabihin pang lukot ang noo nito, hindi pa rin nabawasan ang kaguwapuhan nito at para bang lalo pa iyong nadagdagan. 


“Ayoko rin na magkakaroon ka ng iba.”


“Lalaki ako.”


“Babae ako at kaya ko rin gawin ang ginagawa mo.”


“Subukan mo.”


“Huwag mo akong hamunin dahil buking ko na ang plano mo,” inis niyang sabi sabay tingin sa asawa. 



Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Marso 13, 2024




Ngayon ay unti-unti nang nalilinawan si Via. Paghihiganti lang pala ang dahilan kaya siya pinakasalan ni Nhel Zamora. 


Aware naman siyang malas siya pagdating sa lalaki. Una, hindi siya pinanindigan ng kanyang tunay na ama, sinalo nga ni Pedro ang responsibilidad, ngunit may hangganan naman. Natapos iyon mula nang mawala ang kanyang ina at ngayon na mayroon na siyang asawa, paghihiganti naman pala ang rason kaya siya pinakasalan.


“Ini-expect mo ba talagang tunay ang pag-ibig niya?” Sarkastikong tanong niya sa sarili. 


Gayunman, umaasa pa rin siya na may ibig sabihin ang mga nangyari sa kanila. Nais sana niyang kumbinsihin ang kanyang sarili na nakakaramdam din siya ng pag-ibig sa bawat haplos ni Nhel, ngunit may malaking kamay na sumasampal sa kanya, marahil iyon ang katotohanan.


“Hindi ko rin naman maramdaman na mahal mo ako at ganundin ako sa iyo.” Sinikap pa niyang makipag-eye to eye rito dahil nais niyang mabasa nito ang katotohanan.


“Baka ang ibig mong sabihin ay kasinungalingan?” Sarkastikong sabi niya sa sarili.


“Talaga ba?” Matabang nitong sagot.


“Pinagbigyan lang naman kita eh. Ayokong marinig na may masabi kang hindi sulit ang mga natalo sa iyo, kaya puwede ba ‘wag mong isipin na inlab ako sa iyo dahil hindi iyon totoo.”


“Bakit ba ayaw mong maniwala?” Buwisit niyang tanong.


Mabilis din ang naging pagsagot ni Via, “Dahil imposible.”


“Wala ka talagang tiwala sa sarili mo, ‘no?”


“Mapagkakatiwalaan ba talaga kita?” Sarkastikong tanong nito kay Nhel.


Sa isang sandali, gusto niya tuloy itong saktan. Saktan hanggang sa mamaga ang labi ni Via sa kanyang halik.



Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Marso 12, 2024




“Good job, Nhel!” Bati niya sa kanyang sarili. 


“Isa nga lang ba iyong palabas?” Dagdag tanong niya sa sarili na may kasamang pagdududa. Para naman kasing bukal na bukal sa loob niya ang mga ginagawa niya para kay Via.


“Tumigil ka nga!” Iritadong sabi niya, marahil kailangan niyang ulit-ulitin ang sinasabi ng kanyang sarili para matandaan niya iyon. May mga pagkakataon kasi na nakakalimutan niya rin ang kanyang paghihiganti.


“Ang lalim naman niyan,” wika ni Via.


Kumunot ang noo niya. Sa ilang sandali kasi ay hindi niya alam ang ibig nitong sabihin, pero agad din niya itong naunawaan nang dugtungan ni Via ang sinabi niya na, “Ang lalim ng buntong hininga mo. Narito lang naman ako, kaya ‘wag mo na akong isipin.”


“Ang lakas ng fighting spirit mo. Mana ka talaga sa ama mo,” sarkastiko niyang sabi.


“Talagang galit ka kay Tatay Pedro no?”


“Kailanman, hindi mawawala ang galit ko sa kanya.”


“Why?”


“Mind your own business,” inis niyang sambit. 


“Pakiramdam ko, may kinalaman ang pagiging magkamukha n’yo.”


“Ang nanay ko ang kamukha ko.”


“Mas kamukha mo ang Tatay Pedro.”


Naningkit ang mga mata ni Nhel. Hindi niya kasi akalain na paprangkahin niya ni Via.


Gayunman, wala naman siyang naramdamang galit dito. Bagkus mas lumambot pa ang kanyang puso, para tuloy gusto niyang mainis sa kanyang sarili dahil hindi naman siya mabait na tao.


“Tumigil ka nga sa sinasabi mong kalokohan. Kailanman, hindi ko matatanggap na ama ko si Pedro Pedral!”


“So ibig sabihin, anak ka talaga niya?”


“Inanakan niya lang ang ina ko!” Galit na galit na bigkas ni Nhel. 


Bigla na naman kasing pumasok sa isip niya ang pambu-bully na natanggap niya noong siya’y bata dahil lang sa wala siyang ama.


Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page