top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Marso 22, 2024




“There's something wrong,” wika ni Mariz sa kanyang isipan, ngunit hindi niya ito magawang ibulalas at aware rin siyang ‘di rin aamin si Nhel. Kilala niya ito dahil dalawang taon na rin naman silang magkarelasyon.


“Magkarelasyon?” Sarkastikong ulit niya sa kanyang sarili. Umiling siya para itaboy ang kalokohang sumagi sa kanyang isipan. Alam naman kasi niyang hanggang kama lang ang kanilang relasyon.


Kahit pa sabihing nag-propose sa kanya si Nhel Zamora, alam niyang hindi nito gusto ang kanyang naging desisyon. Na-trigger lang ito nang sabihin niyang kapag pinaibig nito si Olivia Castro, tiyak na mahulog din ito sa kagandahan ng babae.


Matigas na matigas ang pagsasabi nito ng ‘hindi’ kaya naman alam niyang dinidepensahan niya ang kanyang sarili sa abot ng kanyang makakaya. Hindi naman siya tanga para hindi makita na ang nagkikislapang mga mata nito kapag nakatitig sa larawan ng babaeng iyon. Ni minsan, hindi niya ito nakitang tumitig nang ganu’n sa kanya.


“Paano mo pa ako pakakasalan, kung kasal ka na pala?” Tanong niya kunwari, pero habang tinatanong niya iyon kinapa niya ang kanyang nararamdaman. Natapakan ang kanyang pride, pero hindi ang kanyang puso. Sa madaling salita, hindi rin niya mahal si Nhel. 


“Sabi ko na nga ba, mamahalin mo rin siya.” Dagdag pa ni Mariz.


“Hindi ko siya mahal.”


“Defensive.”


“Peke lang ang kasal namin.”


Nagsalubong ang kilay ni Mariz, nakakasiguro kasi siya na sinasabi lang ito ni Nhel dahil ayaw niyang matapakan ang kanyang ego at maaari rin naman ayaw lang nitong masaktan siya.


Nang makapag-isip-isip, parang gusto niyang tumawa. Wala sa bokabularyo ni Nhel ang pagiging concern tungkol sa damdamin ng iba. Malupit nga ito dahil wala itong ibang inisip kundi ang magkaroon ng pera. Hindi niya lang alam kung nagawa na siyang baguhin ng babaeng anak-anakan ng taong kanyang kinamumuhian.


“Kung ganu’n, tutulungan kitang gumanti,” nakangisi niyang sabi.



Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Marso 20, 2024




“Hello there,” biglang napatingin si Nhel nang mabosesan niya ang tinig ng babae – si Mariz.


Bigla niya tuloy naalala kung sino ito sa kanyang buhay, at ito ay walang iba kundi ang kanyang fiancée. Todo-ngiti ito sa kanya na para bang gustong magbigay ng magandang balita.


Marahas na buntong hininga naman ang pinawalan ni Nhel, para kasi sa kanya problema ang dating nito. Ipinapaalala kasi nito sa kanya ang mga salitang gusto na sana niyang kalimutan, ngunit hindi niya magawa. 


“Anong ginagawa mo rito?”


Marahang tawa ang pinawalan nito. “Kung makapagtanong ka naman parang hindi na ako welcome rito.”


“May asawa na ako.”


“At pinakasalan mo talaga si Via Castro?” Hindi makapaniwalang tanong nito.


Matigas na matigas ang pagkakasabi niya sa mga salitang iyon kaya parang nakikita niyang hindi nito tanggap ang winika niya.


“Yes.”


“Iba ka talaga magalit. Gagawin mo ang lahat para lang makapaghiganti.”


Kahit gusto niyang kontrahin ang sinabi nito, nagawa pa rin niyang pinigilan ang kanyang sarili. Kasalanan din naman kasi niya ito, dahil naikuwento niya rin ang tungkol sa kanyang ama at nababanggit niya rin kay Mariz si Via.


Kaya naman nang ipayo ni Mariz sa kanya na pakasalan si Via, agad siyang pumayag.


Hindi niya alam kung bakit siya mabilis na sumang-ayon sa suggestion ni Mariz.


“Dahil nga ba sa talagang nais niyang gumanti?” At ang sagot naman ng kanyang utak ay ‘yes na yes.’ Para kasing iyon lang ang makakapagpasaya  sa kanya, pero bigla na lamang nag-iba ang ihip ng hangin.


“Kailan mo siya sasaktan?”


“Kakakasal pa lang namin.”


“Very good ka talaga.”


Hinawakan niya ang braso nito at akmang yayakap sa kanya. “Kunsabagay, mas magiging matagumpay ang paghihiganti mo kung sasaktan mo siya.”


Kahit gusto niyang sabihin na hindi na niya itutuloy ang paghihiganti, napalunok siya.


Tiyak kasi niyang masasaktan din ito kung sasabihin tinototoo na niya ang kasal nila ni Via.



Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Marso 20, 2024




Mahal ako ni Nhel!” Paulit-ulit na sinabi ni Via sa kanyang sarili. Ramdam niya kasi ang pag-ibig nito sa kanya. 


Sa palagay naman kasi niya hindi madali ang magpanggap at kung tunay ngang wala itong gusto sa kanya, hindi siya nito aangkinin ng paulit-ulit. 


“Mahal ko ba talaga si Nhel Zamora?” Paulit-ulit din niyang tanong sa kanyang sarili. Sa palagay niya ay ‘oo’ dahil tumutugon naman siya sa ginagawa nito sa kanya. 


“Sumama ka sa akin,” wika sa kanya ni Nhel. 


Kumunot ang kanyang noo at sabay sabing, “Saan naman tayo pupunta?”


Matagal bago ito sumagot na para bang pinag-isipan muna ang sasabihin. “Sa opisina.”


“At ano ang gagawin ko roon?”


“Wala.”


“Eh, bakit ako sasama?” Nagtataka niyang tanong. 


“Gusto ko kasing nakikita ka.”


“Para namang ang ganda-ganda ko.” 


“Talaga namang maganda ka.” 


“Dahil d’yan, may kiss ka sa akin,” biro niya kay Nhel. 


“Game,” wika nito sabay nguso. 


Hinalikan nga niya ito dahil na-miss din naman talaga niya ang labi nito. Nang mapatingin siya rito, may takot siyang naramdaman. Para kasing mahihirapan na siyang alisin ito sa kanyang buhay. 


“Paano kapag isang araw ay nawala ito sa kanyang buhay?” Kabadong tanong niya sa sarili. 


Pagkaraan ay ipinilig niya ang kanyang ulo. Kailangan niyang alisin sa kanyang isipan ang ganu’ng senaryo. Kasal na sila ni Nhel, kaya ipaglalaban niya ang kanilang pag-iibigan.



Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page