top of page
Search

ni Angela Fernando - Trainee @News | January 20, 2024




Naaresto matapos ang halos 10 taong pagtatago ang isang lalaking suspek na sangkot sa pangho-holdap, pagpatay at pagsunog sa kanilang biktima sa lugar ng Masbate nu'ng 2010.


Kinilala ang suspek na si Herminio Maldo.


Nahuli ang suspek matapos na ikasa ang operasyon ng Regional Operations Unit ng Calabarzon Police sa liblib na lugar ng Ibaan, Batangas, kung saan nagkunwari silang bibili ng manok na panabong.


Agad na nagpakilala ang mga operatiba matapos na makumpirma ang pagkakakilanlan ng suspek at doon nila ito pinosasan.


Base sa imbestigasyon ng Calabarzon Police, ang suspek ay sangkot sa malagim na krimen na nangyari sa Claveria sa Masbate kung saan matapos nitong mangholdap ng kanilang biktima ay pinatay nila ito at tinangkang sunugin.


Ang mga kasama ng suspek sa pagpatay ay nauna nang nadakip ng mga otoridad.


Tumagal ang pag-aresto sa suspek dahil papalit-palit ito ng tirahan at pagkakakilanlan.

Wala pa namang pahayag ang suspek sa kanyang pagkakadakip.


 
 

ni Angela Fernando - Trainee @News | January 19, 2024




Dead-on-arrival sa ospital ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa harap ng kanyang kinakasama sa Brgy. Kapasigan sa Pasig City nitong Huwebes ng gabi.


Kinilala ang 36-anyos na biktima na si Mark Pablo alyas Entong.


Pagbabahagi ng kinakasama ng biktima na nakita ang nangyaring pamamaril, tatlong lalaki ang pumasok sa kanilang inuupahang bahay.


Nagtago raw ang kinakasama ni Pablo kasama ang dalawang anak upang makaligtas.

Nakita naman sa CCTV ng barangay ang mga suspek na naglalakad sa A. Mabini St. at pumasok sa Dr. Pilapil St. kung saan nandoon ang bahay ni Pablo.


Ilang minuto lang ang lumipas nang makitang mabilis na tumatakbo paalis sa lugar ang tatlong suspek at isa sa kanila ay may hawak ng baril.


Saad ni Joseph Avendaño ng Barangay Security Force, may tumawag sa kanila habang nagkakagulo ang mga tao dahil may putukang naganap at doon ay mabilis silang humingi ng saklolo sa pulisya upang agad na mapuntahan ang pangyayari.


Dati nang nakulong si Pablo dahil sa kasong may kaugnayan sa droga at palipat-lipat umano ito ng bahay na inuupahan.


Narekober ng SOCO ang anim na basyo ng bala at ilang drug paraphernalia sa kusina at kuwarto ng bahay.


Patuloy naman ang imbestigasyon ng Pasig Police para matukoy ang posibleng motibo ng krimen.


 
 

ni Angela Fernando - Trainee @News | January 18, 2024




Tuluyang inalis sa serbisyo si Police Major Allan de Castro na sangkot umano sa pagkawala ng Pinay beauty queen na si Catherine Camilon, ayon sa Police Regional Office 4A (PRO 4A).


Kinumpirma ni PRO 4A chief Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas nitong Huwebes na epektibo ang pagkakasibak sa trabaho kay de Castro nu'ng Enero 16.


Saad ni Lucas, "Today, I would like to announce the dismissal of Police Major Allan de Castro from the PNP service effective January 16, 2024, signed by me, following an extensive investigation conducted by our Regional Internal Affairs Service 4A."


Ayon kay Lucas, sinibak ang sinasabing suspek dahil sa "conduct unbecoming of a police officer," o dahil sa naging ugnayan nila ng beauty queen kahit siya'y pamilyado na.


Matatandaang nakaladkad si de Castro sa pagkawala ni Camilon matapos na lumabas sa imbestigasyon ng mga pulis na siya ang kakatagpuin ng beauty queen nang araw na mawala ito sa Batangas.


Mariin naman ang naging pagtanggi ni de Castro na may kinalaman siya sa pagkawala ni Camilon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page