top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | January 10, 2022



Nasa 200 empleyado ng city hall ng Bacoor, Cavite ang nagpositibo sa COVID-19, ayon kay Mayor Lani Mercado-Revilla nitong Lunes.


“Meron ho kaming 190 among all our employees who have been tested positive, most of them work from home, yung iba nasa isolation facilities,” ani Revilla sa isang interview.


Dahil dito, sinabi ni Revilla na magiging limitado ang kanilang personnel sa city hall pero siniguro nito na mananatili ang mga serbisyo rito.


Sa kabuuan, sa 1,076 ang naitalang active COVID-19 infections nitong Lunes, ayon sa alkalde. Aniya pa, karamihan sa mga kasong naitala ay mild symptoms lamang ang nararansan.

“Hindi naman po severe halos yung mga tinatamaan dito, simpleng ubo, simpleng sipon, controlled pa naman po ito. Ang mga kapasidad ng mga ospital ay more or less nasa 80 percent at may 20 percent pang pwedeng pumasok ang ating mga kababayang may sakit,” paliwanag niya.


Kasabay ng pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19, naglabas ng executive order si Revilla hinggil sa pagbabawal na makapasok ang mga unvaccinated na indibidwal sa iba’t ibang establisimyento.


Nagdagdag din ng dalawang isolation facilities ang Bacoor upang maiwasan ang pagkalat ng virus sa mga kabahayan.


Sa ngayon, mahigit 618,000 COVID-19 vaccine na ang na-administer ng Bacoor City, kung saan target nitong mabakunahan ang 485,000 nitong populasyon.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 10, 2022



Pinaiksi ang banking hours ng ilang bangko sa bansa dahil sa patuloy na pagsirit ng COVID-19 cases.


Sa magkakaibang advisory, sinabi ng mga pamunuan ng bangko na mag-a-adjust sila ng oras bilang pag-iingat sa kanilang mga kliyente at empleyado.


BDO Unibank Inc.


Ang mga branch sa NCR ay magsasara nang 3 p.m. simula ngayong araw, Jan. 10, 2022.


Hindi na rin magbubukas ang branches nito tuwing Sabado simula January 15, 2022.


“Our clients’ safety is very important to us. Our safety protocols in the branches remain intact and our employees are vaccinated,” pahayag nito.


Philippine National Bank (PNB)


Ang nationwide banking hours ay mula 9 a.m. hanggang 3 p.m., maliban na lamang sa mall-based at NAIA branches, simula ngayong araw, January 10, 2022.


Available naman araw-araw ang internet banking at mobile banking transactions.


Nakatakda ring i-roll out ng PNB ang Bank on Wheels service nito sa mga lugar na walang ATMs.


Samantala, inaasahan ding mag-aanunsiyo sa mga susunod na araw ang ibang mga bangko hinggil sa kanilang adjusted banking hours dahil sa COVID-19.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 10, 2022



Naglabas ng anunsiyo ang pamunuan ng UP Diliman hinggil sa muling pagsasara ng mga pampublikong espasyo sa loob ng pamantasan simula ngayong araw dahil sa mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.


“Dahil sa biglaan at mabilis na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, muling isasara ang Academic Oval at iba pang mga pampublikong espasyo sa UP Diliman simula Enero 10”, ayon sa anunsiyo.


Nitong Linggo, nakapagtala ng 28,707 na bagong kaso ng COVID-19 sa buong bansa, ang pinakamataas na bilang simula nagsimula ang pandemya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page