top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | November 11, 2021



Isang babae sa Caloocan City ang tinekitan ng pulis pero wala pang multa dahil sa paglalakad umano niya sa kalsada nang naka-shorts, na labag daw sa ordinansa ng lungsod.


Batay sa report, sinabing sa social media naglabas ng saloobin ang babae na itinago sa pangalang "Carmina."


Ayon kay Carmina, magde-deliver sana siya ng produkto nang sitahin siya ng pulis at tiketan.


Warning pa lang ang tiket at wala pang multa dahil unang paglabag pa lang naman daw ito ng babae.


“Akala ko po tungkol po sa mask yung nilapit niya sa akin kasi po hawak ko po yung mask ko noon. Ang sabi niya po yung maikling short daw titiketan daw po niya ako. Tapos sabi ko paano po yun sir hindi ko po alam na bawal ang maiksing short,” kuwento ni Carmina.


“Halos lahat naman po talaga naka-short na po eh sabi nga po ng matatanda doon paano naman kami nagso-short din huhulihin din ba nila matanda na kami,” dagdag niya.


Base sa city ordinance na ipinasa noong 2007,  nagtakda ng "dress code in public places" ang lungsod, kung saan inaatasan ang publiko na magsuot ng tamang damit sa mga pampublikong lugar.


Kabilang sa nasabing ordinansa ang pagtatakda sa mga nagtitinda sa palengke na bawal ang nakahubad, at naka-short,  sando o sleeveless o sira-sirang damit.


Ayon kay Caloocan Mayor Oscar Malapitan, paiimbestigahan niya ang insidente.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | November 2, 2021



Patay ang barangay chairman ng Brgy. 143, Caloocan City matapos pagbabarilin ng di pa kilalang riding-in-tandem nitong Lunes ng gabi.


Ayon sa imbestigasyon, nakaupo lang ang biktima sa harap ng kanyang tindahan nang paulanan ng bala.


Dead on the spot ang biktimang si Jerry Apostol habang sugatan ang asawa nito na kasama niya nang mangyari ang pamamaril.


Ayon sa executive officer ng barangay na si Alexander Dulce, wala sila makitang motibo sa likod ng pagpatay sa kanilang kapitan dahil wala silang kilalang kaaway nito.


Iniimbestigahan pa ng Caloocan Police ang insidente.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | October 19, 2021



Tiklo ang mag-ina sa Camarin, Caloocan matapos arestuhin sa buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency NCR Lunes ng umaga.


Ayon sa ahensiya, sila ang nasa likod ng talamak na bentahan ng ilegal na droga sa lugar.


Nahuli ang 39-anyos na ginang at 18-anyos na anak nito matapos magbenta sa poseur buyer ng hinihinalang shabu na abot sa 50 gramo at nagkakahalaga ng P340,000.


Nangyari ang transaksiyon sa kanilang tahanan mismo.


Nakatakda nang sampahan ng kaso ang mag-ina.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page