top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | January 4, 2022



Nakatakdang isailalim sa Alert Level 3 ang mga probinsiya ng Bulacan, Cavite, at Rizal, mula January 5 hanggang January 15, 2022, dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19, ayon sa Malacañang.


"Due to a sharp increase of COVID-19 cases in the particular localities, the Inter-Agency Task Force (IATF) approved yesterday, January 3, 2022, the recommendation of its sub-Technical Working Group on Data Analytics to escalate Bulacan, Cavite, and Rizal to Alert Level 3," ani acting presidential spokesperson Karlo Nograles.


"This shall take effect from January 5, 2022, until January 15, 2022," dagdag niya.


Nauna nang isinailalim sa Alert Level 3 ang Metro Manila mula January 3 hanggang January 15.


Sa ilalim ng Alert Level 3, ang mga establisimyento ay papayagang mag-operate ng 30 percent indoor capacity sa mga fully vaccinated individuals at 50 percent sa mga outdoor venue capacity basta ang mga empleyado ay fully vaccinated na.


Ipinagbabawal din ang face-to-face classes, contact sports, perya, at casino sa ilalim ng Alert Level 3.


Ang trabaho sa government offices ay limitado lamang sa 60% ng kanilang onsite capacity.


Nitong Lunes, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng karagdagang 4,084 kaso ng COVID-19, kung saan ang kabuuang tally sa bansa ay umabot na ng 2,855,819.


Ang mga kasong naitala noong Lunes ay mas mataas sa expected prediction ng OCTA Research na nasa 3,000 hanggang 3,500 new infections.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | December 27, 2021



Ilang araw bago ang Bagong Taon, dagsa na ang mga mamimili ng paputok sa Bocaue, Bulacan.


Ito ay sa kabila ng doble o tripleng pagtaas ng presyo ng mga ito.


Ayon sa ilang mamimili, isinama nila ang paputok sa kanilang budget dahil ito ay tradisyon na nating mga Pilipino at dagdag-kasiyahan tuwing sasalubungin ang pagpasok ng Bagong Taon.


Ikinatuwa naman ito ng mga nagtitinda ng paputok dahil nakakabawi na sila ngayong taon.


“At least finally ngayon meron pa rin tayong inaasahang selebrasyon na Pinoy style na without the fireworks parang kulang po ang ating festive mood", pahayag ni Lea Alapide ng Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association.


Ayon naman kay Joven Ong ng Philippine Fireworks Association, tumaas umano ang presyo ng mga kemikal kaya’t asahan na ang pagtaas-presyo ng mga paputok ngayong taon.


Ang presyo ng small, medium, at large fountain, mula P15, P30, at P100 ay P25, P45, at P150 na ang local habang P70, P100, at P180 naman ang imported mula sa dating P35, P70 at P120 nitong presyo.


Paalala naman ng DTI, tiyaking may Philippine Standard Mark License ang bibilhing produkto upang masiguro ang ligtas at maayos na quality ng paputok.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | November 3, 2021



Tiklo ang isang lalaki matapos kumagat sa anti-drug operation ng pulisya sa Barangay Gaya-Gaya, lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan.


Ayon kay Police Brig. Gen. Matthew Bacay, direktor ng PNP Region 3, nasa edad 45 ang suspek at residente ng Parañaque.


Ang suspek ay nagtatrabaho bilang food delivery rider, pero suma-sideline din umano sa pagbebenta ng ilegal na droga sa Metro Manila at karatig probinsya.


Nakipagtransaksiyon ang pulisya sa suspek at nang magpositibo ang palitan ng droga at pera ay agad itong inaresto.


Nasamsam sa kanya ang 250 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1.7 milyon.


Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page