top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | March 3, 2022



Nakaligtas sa pang-a-ambush ang municipal administrator ng Marilao, Bulacan matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem habang papunta sa trabaho nitong Miyerkules.


Ayon kay Col. Rommel Ochave, Bulacan police chief, ang biktima na si Wilfredo dela Cruz Diaz, 54, ay minamaneho ang kanyang puting Mitsubishi Montero sa kahabaan ng Tibagan St. sa Barangay Sta. Rosa 2 nang lumapit sa bintana ng sasakyan ng biktima ang mga suspek at pinaulanan ito ng bala bandang 7:45 a.m.


Sa kabutihang palad, hindi tinamaan ng bala ang biktima na agad nakaalis sa lugar at pumunta sa munisipyo.


Nakuha ng mga awtoridad sa lugar ng insidente ang 8 bala ng .45-caliber pistol.


Kasalukuyan naming iniimbestigahan ang insidente upang malaman kung sino ang nasa likod ng pananambang.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | February 14, 2022



Bubuksan sa susunod na linggo ang drive thru vaccination center sa Malolos, Bulacan, pagkatapos simulan ng pagbabakuna sa mga bata ngayong Lunes, Feb. 14.


Ito ay upang mapabilis pa ang vaccination program ng lalawigan at upang ma-achieve ang herd immunity kontra COVID-19.


Ayon kay Governor Daniel Fernando, ang kauna-unahang Bulacan Drive-Thru Vax Center sa Bulacan Sports Complex sa Brgy. Sta. Isabel ay magsisilbing alternatibong vaccination area sa vaccination center ng provincial government sa Hiyas Pavilion Center.


Ayon pa kay Fernando, ang pagbabakuna sa mga batang edad 5 hanggang 11 na magsisimula ngayong araw ay gagawin sa lahat ng existing vaccination sites sa buong probinsiya.


Aniya pa, target ng Bulacan na mabakunahan ang 80 percent (nasa 3 milyon) ng mahigit 3.7 milyong populasyon nito, at hindi lamang basta 70 percent o herd immunity.


Ayon kay Dr. Hijordis Marushka Celis, Bulacan COVID-19 Task Force vice chair, ang vaccination rate ng Bulacan ay nasa 54 percent na.


Ang bilang ng nabakunahan ng 1st at 2nd dose ay umabot na sa mahigit 4 milyong Bulakeño.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 19, 2022



Nasa 60 judicial courts sa Bulacan ang mananatiling sarado hanggang Jan. 31 upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.


Nag-issue si Supreme Court Justice Alexander Gesmundo noong nakaraang linggo ng Memorandum No. 10-2022 kung saan ipinag-utos nito ang physical closure ng lahat ng korte sa Bulacan matapos magpositibo sa Covid ng mga empleyado rito.


Ang Bulacan regional trial court ay mayroong 33 branches, habang ang 21 bayan dito at 3 siyudad ay mayroong municipal at city courts.


Ayon kay Gesmundo, lahat ng urgent court matters ay maaari pa ring i-handle sa pamamagitan ng video conferences at hotline numbers.


Ang filing ng pleadings at iba pang court submissions na due ngayong buwan ay mae-extend hanggang Feb. 1, ayon pa sa memorandum.


Nasa 9,270 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Bulacan as of Jan. 15.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page