top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports News | Feb. 1, 2025



Photo: Jerwin Ancajas - FB


Kinakitaan ng panunumbalik ng ningning sa kanyang boxing career si dating World titlist Jerwin “Pretty Boy” Ancajas kasunod ng impresibong second-round stoppage sa dating World challenger na si Richie “Magnum” Mepranum tungo sa pagkakabulsa ng Philippine super-bantamweight title sa Public Plaza ng Iligan City.


Ipinamalas ng dating International Boxing Federation (IBF) super-flyweight champion ang pambihirang mga atake sa bodega at katawan ng tubong Maasim, Saranggani para tuluyang tapusin ang laban ni referee Delbert Pelegrino kasunod ng mandatory count dito. Ito ang isa sa mga pagdadaanang pagsubok ng dating World bantamweight challenger na si Ancajas (35-4-2, 23KOs) upang makabalik sa inaasam na top-performance tungo sa World rankings.


Nais bumawi ng kampo ng 33-anyos mula Panabo City, Davao del Norte sa hindi gaanong impresibong panalo laban kay Sukpraserd “Sukkasem Kietyongyuth” Ponpitak ng Thailand sa nakalipas na subok sa featherweight division sa co-main event bout sa Manny Pacquiao Presents: Blow-By-Blow noong Set. 22 sa Mandaluyong City College Gym.


Nagtapos ang laban sa 5th-round disqualification matapos mahirapang sabayan ang pisikal na diskarte kontra Thai boxer, kung saan nabanaag ang pagpapabaya sa timbang at tamang kondisyon ng pangangatawan ni Ancajas.


Subalit sa pagkakataong ito, kinakitaan ng naiibang porma ang 5-foot-6 boxer na may tamang kondisyon at porma na lubos ang paghahanda at pagsasanay sa ilalim ng trainer at manager na si Joven Jimenez na nag-ensayo ng husto sa Iligan City para matamo ang inaasam na preparasyon at kagustuhang makabalik sa World title fight sa hinaharap.


Sa nagdaang limang laban ni Ancajas, tatlong beses itong pumalyang magwagi sa World title bout. Nagtapos ang two-fight winning run ng 37-anyos na si Mepranum (38-10-1, 12KOs) na huling nanaig kontra Kim Lindog sa 6-round unanimous decision noong Agosto sa Almendras Gym sa Davao City.




 
 

ni Gerard Arce @Sports News | Jan. 25, 2025



Photo: Mark Magsayo / IG


Hindi na mapipigilan ang muling paglipat ng weight division ng dating World featherweight titlist na si Mark “Magnifico” Magsayo kasunod ng panibagong rankings sa lightweight division, habang pormal itong kinumpirma ng Viva Promotions na pinapatakbo ni Brendan Gibbons na planong hanapin ang panibagong landas tungo sa inaasam na panibagong suntok sa world title fight.


Sa huling sabak ni Magsayo laban kay Ecuadorian boxer Bryan Mercado, unang nagisnan ang bangis nito sa lightweight non-title match noong Disyembre 14, 2024 na ginanap sa Thunder Studios sa Long Beach California sa America, kung saan nagtapos lamang sa 28 segundo ng first round kasunod ng ilang matitinding banat sa karibal para mabilis na tuldukan ang kanyang 135-pound debut.


Dulot ng panalo ay umangat sa 27-2 rekord ang kartada ng 29-anyos mula Tagbilaran City, Bohol kasama ang mabangis na 18 panalo mula sa knockouts, kung saan sa huling tatlong laban ay dinomina nito si dating World challenger Eduardo “Zurdito” Ramirez ng Mexico sa pamamagitan ng 10th round unanimous decision at pinatumba si Mexican Isaac Avelar sa third round.


Mula sa isang post sa social media, inihayag naman ni Gibbons, anak ni MP Promotions President at international matchmaker Sean Gibbons, na pormal na nitong papasukin ang panibagong dibisyon, kung saan lumapag ito bilang ika-anim sa rankings ng International Boxing Federation (IBF) na pinanghahawakan ni Ukrainian champion Vasiliy “Loma” Lomachenko.


Kasalukuyang nakabase sa Valencia, California ang Pinoy power-puncher na puspusan ang isinagawang paghahanda sa Wild Card Gym sa Los Angeles, California sa ilalim ng head trainer na si Marvin Somodio, katulong ang MP Promotions at TGB Promotions, na planong makabalik sa World title fight matapos minsang hawakan ang WBC featherweight belt laban kay Gary Allen Russel Jr sa pamamagitan ng majority decision noong Enero 22, 2022 sa Borgata Hotel Casino sa Atlantic City.



 
 

ni Gerard Arce @Sports News | Jan. 9, 2025



Photo: Petecio at Villegas



Gagawaran ng espesyal na pagkilala ang dalawang boksingera na sina Nesthy Petecio at Aira Villegas matapos magbulsa ng dalawang tansong medalya sa 2024 Paris Olympics sa 2024 San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night sa Enero 27 sa Grand Ballroom ng Manila Hotel sa Maynila.


Kikilalanin ang matatapang na boksingera sa pagbibigay ng President’s Award ng pinakamatandang media organization ng bansa sa pagkakaroon ng tradisyonal na parangal para dagdagan ang dalawang maningning na gintong medalya ni gymnast Carlo Edriel “Caloy” Yulo para siguraduhin ang pinakagamandang performance ng Team Philippines sa 100 taong partisipasyon ng bansa sa quadrennial games. Tatanghaling 2024 Athlete of the Year si Yulo.


“They may have missed the biggest prize in the 2024 Olympics, but nonetheless deserve high accolades with their own bright moments in the Paris Games, providing extra push in the glorious Philippine performance – a great highlight in the country’s centennial year of participation in the Summer Games,” pahayag ni PSA President Nelson Beltran, tungkol sa natatanging pagkilala sa dalawang boksingera.


Nakamit ni Petecio ang ikalawang medalya sa Summer Olympic Games matapos mapanalunan ang silver medal sa 2020+1 Tokyo Olympics, habang kinapos lang itong makabalik sa finals sa paboritong women’s under-57kgs division, kung saan nagwagi rin siya ng korona sa 2019 World Championship.


Tanging ang 32-anyos mula Santa Cruz, Davao del Sur ang naging kauna-unahang Filipino na boksingera na nagbulsa ng magkasunod na podium finishes sa Summer Games.


Ito naman ang kauna-unahang sabak sa Olympiad ng 29-anyos na tubong Tacloban, Leyte na nakuha ang tansong medalya sa women’s under-50kgs matapos magkuwalipika sa flyweight category sa 2024 World Olympic Qualification sa Busto Arsizio sa Italy. Ito pa lang ang ikalawang medalya ni Villegas nang maka-bronze sa 2019 SEAG sa Maynila, habang sumabak din ito sa Hangzhou Asian Games noong Setyembre 2023.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page