top of page
Search

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Jan. 29, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Totoo na ang ating mga sundalo, pulis, at iba pang uniformed personnel ay laging nahaharap sa iba’t ibang uri ng panganib sa pagtupad ng kanilang mandato. Sinusunod nila ang kanilang sinumpaang tungkulin na panatilihin ang kapayapaan at kaligtasan ng ating bansa, at ipinatutupad ang batas nang may tapang at paninindigan. Sila rin ang ating sandalan at tagapagligtas sa panahon ng mga sakuna at krisis. 


Gayunpaman, may mga pagkakataon na nahaharap sila sa mga isyung legal sa kanilang matapat na pagtupad sa tungkulin. Sa mga sitwasyong tulad nito, dapat tiyakin ng ating pamahalaan na hindi maramdaman ng mga uniformed personnel na nag-iisa sila para ipagtanggol ang kanilang mga sarili. 


Kaya nitong Lunes, January 27 ay naaprubahan na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2814, o ang Free Legal Assistance for Military and Uniformed Personnel (MUP) Act, na tayo ang principal author. Bilang Vice Chairperson ng Committee on National Defense, pinasalamatan natin ang ating mga kapwa mambabatas sa kanilang suporta sa panukala. Kung tuluyang maging ganap na batas, layunin ng SBN 2814 na magkaloob ng free legal assistance sa ating MUPs na mahaharap sa problemang legal sa kanilang pagtupad sa tungkulin. 


Simula’t sapul at buhat pa noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay laging naririyan ang aking buong suporta sa ating mga sundalo, pulis, at iba pang uniformed personnel. Hindi natin sila pinababayaan. Naging instrumento tayo para madoble ang kanilang suweldo sa ilalim ng Duterte administration. Ang tanging hiling lang natin sa kanila, gawin nang tama ang kanilang mandato na naaayon sa batas, laging unahin ang interes ng bansa, at proteksyunan ang mga Pilipino lalo na ang mga mahihirap.


Samantala, hindi rin tayo humihinto sa pagseserbisyo sa mga kapwa natin Pilipino. Nasa Occidental Mindoro tayo noong January 25 at personal na sinaksihan ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa Mamburao. Personal din nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa 178 nawalan ng tirahan sa Rizal, Calintaan at Sablayan, na sa ating inisyatiba ay nabigyan din ng tulong pinansyal ng pamahalaan sa ilalim ng programang ating isinulong para may pambili sila ng materyales na pampaayos ng kanilang tahanan. 


Bilang adopted son ng probinsya ng Occidental Mindoro at pati ng bayan ng Sablayan, dumalo rin tayo sa groundbreaking ng itatayong Sablayan Sports Complex — na napondohan sa ating kapasidad bilang Vice Chairperson ng Senate Committee on Finance at kaakibat ng ating inisyatiba na grassroot sports development bilang tayo ang Chairperson ng Senate Committee on Sports. Binisita rin natin ang Super Health Center sa Sablayan na ating isinulong bilang Chairperson ng Senate Committee on Health. 

Noong January 26, nakisaya naman tayo sa Dinagyang Festival sa Iloilo. Pareho kong dinaluhan ang mga selebrasyon na ginanap sa Freedom Grandstand at Iloilo Provincial Capitol. Nagbigay-pugay tayo sa mainit na pagtanggap nina Governor Arthur Defensor Jr., Iloilo City Mayor Jerry Treñas, Congresswoman Jam Baronda, at iba pang mga lokal na opisyal. 


Bukod sa Dinagyang Festival, binisita rin natin ang Malasakit Center na nasa Western Visayas Medical Center at nagpameryenda ng lugaw para sa mga pasyente, kanilang mga bantay at hospital staff. Namahagi rin tayo ng tulong tulad ng food packs sa mga healthcare worker at hospital staff doon.


Dumalo naman tayo noong January 27 sa ginanap na Philippine Sportswriters Association Awards Night sa Maynila sa paanyaya ni PSA President Nelson Beltran. Bilang Chairman ng Senate Committee on Sports at on Youth, tayo ang nag-present ng award kay Carlos Yulo na hinirang bilang Athlete of The Year, at ng Hall of Fame award kay Hidilyn Diaz. 


Sinaksihan naman ng aking opisina ang turnover ng itinayong Super Health Center sa San Luis, Agusan del Sur noong araw ding iyon. 


Kahapon, January 28, ang mga kababayan natin sa Pampanga ang aking binisita. Personal nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa 1,200 mahihirap sa Bacolor, na sa ating pakikipagtuwang sa lokal na pamahalaan ay napagkalooban din ng tulong pinansyal. Pinangunahan din natin ang pagkakaloob ng tulong para sa 200 maliliit na negosyante sa lugar, na sa ating inisyatiba ay nakatanggap din ng livelihood kits mula sa DTI. 


Ipinadala ko naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad para maghatid

ng tulong. Naalalayan natin ang mga naging biktima ng sunog sa apat na barangay sa Pasay City.


Tinulungan nating makabangon muli ang mga nawalan ng tirahan sa North Cotabato kabilang ang 11 sa Aleosan, pito sa Midsayap, at tatlo sa Libungan. Nabigyan din sila ng emergency housing allowance mula sa NHA na ating isinulong para may pambili sila ng materyales na pampaayos ng kanilang tirahan.


Namahagi rin tayo ng dagdag na tulong sa mga student scholar kabilang dito ang 325 sa Cagayan, 40 sa Benguet, at 55 pa sa ginanap na orientation sa Benguet State University. 


Nagbigay tayo ng tulong para sa 88 maliliit na negosyante sa Baras, Rizal katuwang si Mayor Wilfredo Robles, na sa ating inisyatiba ay nabigyan din ng tulong pangkabuhayan ng pamahalaan. 


Patuloy na magseserbisyo ang inyong Senator Kuya Bong Go sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Jan. 25, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Isa sa ipinagmamalaki natin bilang mga Pilipino ay ang matibay na pundasyon ng ating lipunan dahil sa pagpapahalaga natin sa konsepto ng pamilya. Napakatibay ng pagkakabuklod ng pamilya sa ating bansa, at ito ang pinakamahalagang impluwensya sa paghubog ng ating pagkatao at paghahanda sa atin para humarap sa mundo.


Bilang chairman ng Senate Committee on Youth, hangad ko ang lahat ng ikabubuti ng mga kabataan. Laging isinusulong ng inyong Senator Kuya Bong Go ang mga programa na gagabay sa ating mga kabataan mula sa murang edad. Bilang isang mambabatas, palagi kong binibigyan ng halaga ang paniniwala, relihiyon at kultura ng bawat Pilipino. Ito ay dapat irespeto sa bawat polisiya na isusulong. Hindi ako sang-ayon sa anumang panukala na makakasira sa halaga ng pamilya at salungat sa pananampalataya ng ating mga kababayan. 


Pagdating sa paghubog ng kabataan, bigyan dapat ng importansya ang papel ng pamilya. Huwag idikta kung ano ang ituturo sa mga bata. Tayong mga magulang ang pangunahing haligi sa pagsigurong nasa tamang landas ang ating mga anak. Ang tungkuling ito na ginagampanan ng mga magulang ay siyang dapat proteksyunan ng gobyerno kasama na rin ang pagpapahalaga sa relihiyon, mga tradisyon at kultura na humuhubog sa ating pagka-Pilipino. 


Kaya sa pagsisimula ng 2025 ay kabi-kabila ang mga kapistahan sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa na ating pinuntahan at binigyan ng halaga bilang parte na ng ating kultura at tradisyon. Sinusuportahan natin ang mga pagdiriwang na ito dahil bilang isang probinsyano na halong Bisaya at Batangueño, naniniwala ako sa kahalagahan ng mga ganitong okasyon.


Ang mga kapistahan ay nagpapakita ng pagkakaisa at pagbabayanihan ng komunidad. Sumasalamin ito sa pagpapahalaga sa bawat pamilyang Pilipino at sa patuloy na pagpapayabong sa ating mayamang kultura at tradisyon na dapat maipagpatuloy ng mga susunod pang henerasyon. 


Nakiisa tayo noong January 23 sa ginanap na Bambanti Festival na isang malaking pagdiriwang tampok ang mga sining, kultura, kagandahan at pagkakaisa ng mga taga-Isabela. Isang Ilocano term ang Bambanti na ang ibig sabihin ay “scarecrows” na inilalagay sa mga taniman ng mais at palay para itaboy ang mga ibon at hayop na namiminsala ng mga pananim. Sumisimbolo ito sa kasipagan ng mga magsasaka ng Isabela, at ng kanilang determinasyon para sa ikagaganda ng kalagayan sa buhay ng kanilang pamilya at ikauunlad ng kanilang komunidad. 


Bukod sa pakikisaya sa Bambanti Festival sa Ilagan City, kinumusta rin natin ang ilang miyembro ng local media roon at naghatid ng serbisyo sa mga komunidad. Personal naman nating sinaksihan ang inagurasyon ng Super Health Center sa bayan ng Echague kasama si Mayor Kiko Dy, National Liga ng mga Barangay President Jessica Dy, at iba pa na nakatuwang natin sa ating pagsisikap na mailapit ang serbisyong medikal sa kanilang lugar, na bahagi ng ating inisyatiba bilang tayo ang chairperson ng Senate Committee on Health. Bumisita rin tayo sa Cauayan City at sinaksihan ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center doon. 


Sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayong Echague Freedom Park at library na isa tayo sa naging instrumento para ito mapondohan. Sumama rin tayo sa groundbreaking ng itatayong Southern Isabela Medical Center Cancer Center sa Echague pa rin na ating isinulong. Kaakibat ang provincial government, pinangunahan natin ang pamamahagi ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente sa lugar — na nabigyan din ng tulong pinansyal.


Noong January 22 naman, dumalo tayo sa ginanap na Provincial Board Members League of the Philippines Eastern Visayas First Quarter Assembly sa Pasay City sa paanyaya ni Regional Chairperson Adel Hernandez.  


Kahapon, January 24, naging guest speaker naman tayo sa Lyceum of the Philippines

University - Batangas Awards Convocation sa Batangas City sa paanyaya ni LPU President Dr. Peter Laurel. 


Ipinadala ko naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad upang maghatid ng tulong sa ating mga kababayang nangangailangan. 


Binalikan natin at muling binigyan ng tulong ang mga nawalan ng tirahan sanhi ng mga sakuna at kalamidad. Sa South Cotabato, napagkalooban ng tulong ang tatlong residente ng Sto. Niño, dalawa sa Norala, isa sa Lake Sebu, at 10 sa Surallah. Sa Cotabato, merong 16 sa Arakan, dalawa sa Makilala, at 59 sa Pigcawayan na natulungan. May 42 naman sa Jose Abad Santos, Davao Occidental at dalawa sa Koronadal City. Nakatanggap din ang mga ito ng emergency housing allowance mula sa NHA sa ilalim ng programang ating isinulong para may pambili ang mga benepisyaryo ng materyales sa pagpapaayos ng kanilang tirahan. 


Natulungan natin ang 639 market vendors sa Catarman, Northern Samar katuwang sina Mayor Francisco Rosales Jr., at Catarman Market Manager Dr. Arlan Ong — na sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE ay nabigyan din ng pansamantalang trabaho. 

Nagbigay tulong naman tayo sa mga mahihirap na residente sa Cebu kabilang ang 500 sa Oslob, at 500 din sa Argao katuwang si BM Stanley Caminero. 


Nagbigay din tayo ng dagdag na suporta sa 45 CHED scholars sa Cebu Technological University - San Francisco Campus sa Cebu; at 52 sa UP Mindanao sa Davao City. 



Bukod naman sa ating patuloy na palugaw para sa mga pasyente, kanilang bantay at hospital staff sa mga ospital na may Malasakit Center, nagkaroon din tayo ng katulad na feeding initiative para sa mga naging biktima ng insidente ng sunog sa Brgy. 459, Sampaloc, Maynila na ating huling binisita noong Lunes. 


Palagi kong sinasabi, minsan lang tayong dadaan sa mundong ito. Kung anong kabutihan o tulong na puwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito. Bilang inyong Mr. Malasakit, bisyo ko ang magserbisyo dahil naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos!


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Jan. 18, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Bilang Chairman ng Senate Committee on Health, prayoridad natin ang pagtiyak na maayos ang kalagayan ng ating mga kababayan lalo na ang kanilang kalusugan. Napakahalaga na abot-kaya at makatarungan ang serbisyong pangkalusugan para sa lahat lalo na sa mga mahihirap at higit na nangangailangan. Iyan ang pinakaimportante ngayon, dahil ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino.


Sa isa pang pagdinig na isinagawa ng komite na ating pinamumunuan noong January 16 sa Senado, muli nating iginiit sa PhilHealth na maging transparent sila at ipagpatuloy ang mga reporma sa harap ng patuloy na pagtaas ng gastos sa pagpapagamot at ang mga hindi pa nila natutupad na pangako sa ating mga kababayan.


Health is a basic right. Hindi ito dapat maging pribilehiyo lamang ng iilan. Dapat nating siguraduhin na ang bawat Pilipino — lalung-lalo na ang mga mahihirap at walang kakayahang magbayad — ay may access sa serbisyong pangkalusugan.


Binigyang-diin natin na batay sa WTW Global Medical Trends Survey, nakaaalarma na posibleng tumaas sa 18.3 porsyento ang gastusing medikal sa Pilipinas tulad ng pagpapaospital, mga gamot, at iba pang serbisyo ngayong 2025. Ikalawa ito sa pinakamalaking itinaas sa Asia Pacific region. Ano bang ibig sabihin nito? Lalo pang mabubutas ang bulsa ng mga Pilipino!


Pinagpaliwanag natin ang PhilHealth kung bakit marami sa ating mga kababayan ang hindi nakakaalam ng tungkol sa kanilang mga benepisyo at kung bakit ang enrollment sa kanilang Konsulta program ay nananatiling mababa sa 10 porsyento.


Ipinaalala ko na bilang isang Pilipino, tayo’y miyembro ng PhilHealth ayon sa Universal Health Care Law. Lahat tayo ay entitled sa benepisyo mula sa ahensya. Nasa P500 billion o mahigit pa ang nakatiwangwang na pondo ng PhilHealth, o ang sinasabing reserve fund. Kaya ang tanong: Bakit hindi ito mapakinabangan ng mga Pilipino, lalo na ng mahihirap?


Sa Cavite, may lalaking namatay dahil umalis siya sa clinic nang hindi na nasuri. Sa Cebu, may buntis na sa kalye na nanganak at namatay dahil sa takot magpaospital. Ilan lamang iyan sa mga halimbawa ng mga nangyayari sa ating mga kababayan dahil takot sila sa babayaran sa ospital habang mayroon naman silang benepisyo dapat mula PhilHealth na hindi lang sa kanila naipaalam.


Kinikilala naman natin ang mga repormang ipinatupad ng PhilHealth gaya ng mas pinalawak na benefit packages, pagtataas ng case rates para sa critical diseases, at pag-aalis sa kanilang anti-poor policies partikular ang 24-hour confinement rule para sa outpatients at ang single-period confinement policy.


Sulit ang ating pangungulit dahil kahit papaano ay ginagawan na ng aksyon ng PhilHealth ang mga hinaing na naisiwalat sa sunud-sunod na Senate Health Committee hearings na ating pinamunuan. Ngunit hindi tayo rito titigil hangga’t hindi naisasakatuparan ang mga pangakong ito na kanilang binanggit under oath.


Sa hearing ay inalam din natin kung ano na ang update sa pagbabayad sa Health Emergency Allowances o HEA ng ating healthcare workers na nagpakabayani noong pandemya. Marami pa ring sumisigaw ng ‘HEA, HEA,’ kahit saan tayo magpunta. Dapat na mabayaran na sila dahil service rendered na iyan, pinagtrabahuhan at pinagsakripisyuhan na nila — na ang iba ay nagbuwis pa ng kanilang buhay.


Samantala, tuluy-tuloy ang ating paglalapit ng serbisyo sa mga kababayan. Kahapon, January 17, personal nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa 48 residente ng Pasay City na nawalan ng tirahan. Nakatanggap din sila ng emergency housing allowance mula sa NHA na ating isinulong at sinusuportahan para may pambili ng materyales sa pagpapaayos ng bahay ang mga biktima ng sunog o sakuna.


Ipinadala ko naman ang aking Malasakit Team para maalalayan ang mga nangangailangan maging sa malalayong komunidad. Nahatiran natin ng tulong ang mga nawalan ng tirahan kabilang ang anim sa New Corella, 10 sa Talaingod, 15 sa Asuncion, 32 sa Mawab at 16 sa Mabini sa Davao de Oro; 13 sa Kalamansig, Sultan Kudarat; 39 sa Davao City; 14 sa Lupon at lima sa Manay, Davao Oriental. Sa ating suporta ay nabigyan din sila ng emergency housing allowance ng NHA.


Natulungan natin ang 47 na nawalan ng hanapbuhay sa Majayjay, Laguna katuwang si VM Juan Arganosa. Sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE, nagkaroon din sila ng pansamantalang trabaho.


Nagkaloob din tayo ng dagdag na tulong sa mga CHED scholars kabilang ang 145 sa Antipolo City; at 233 sa Rizal Province. Dagdag na tulong din ang ibinigay natin sa mga TESDA scholars gaya ng mahigit isanlibo sa Legazpi City; at 900 sa Iriga City, Camarines Sur.


Nagsagawa naman ang aking opisina ng serye ng pamamahagi ng tulong para sa mga mahihirap na manggagawa sa Bohol at naabutan natin ang higit 2,000 residente mula sa Bien Unido, Talibon, Getafe, Sagbayan, San Miguel, Trinidad, Tubigon, Loon, Corella, Cortes, Baclayon, Dauis, Maribojoc, at Tagbilaran City.


Tuluy-tuloy din ang ating palugaw sa mga ospital na may Malasakit Center para sa mga pasyente, kanilang bantay at hospital staff.


Hindi ako titigil sa pagbibigay ng serbisyo sa mga kapwa ko Pilipino sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko na ang magserbisyo, at naniniwala akong ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page