top of page
Search

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | April 21, 2021



Bawat isa sa atin ay may ginagampanang papel sa laban kontra COVID-19. Tandaan na hindi lamang ito laban ng gobyerno, kundi laban ng buong sambayanang Pilipino at ng buong mundo.


Dapat maging bukas ang ating puso’t isipan, hindi lamang sa pagtulong sa kapwa, kundi pati na rin sa pagtanggap ng tulong mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan na gustong makisama sa bayanihan at mag-ambag sa pangkalahatang layunin na malampasan ang krisis na ating hinaharap.


Bilang halimbawa, kamakailan ay nakatanggap tayo ng mga katanungan tungkol sa posibleng paggamit ng Ivermectin at iba pang gamot kontra COVID-19. Bago ang lahat, nililinaw nating hindi natin ito isinusulong o ang anumang medisina. Kailangang respetuhin ang mga eksperto na mas nakakaalam, at ang mga proseso na dapat sundin ayon sa batas upang masigurong ligtas at epektibo ang mga ito bago gamitin ng mga tao.


Ngunit ang tanging hiling lamang natin ay mapakinggan nang husto ng gobyerno ang mga grupong naghahain ng iba’t ibang suhestiyon tulad nito na nais lamang makatulong. Hinihikayat natin ang mga awtoridad na magkaroon ng maayos na dayalogo at siyentipikong pag-aaral tungkol sa mga posibleng makatulong sa ating laban kontra COVID-19.


Ang importante ay huwag pahirapan ang mga nais tumulong. Lahat tayo ay iisa lang ang layunin at ‘yun ay ang makapagligtas ng buhay at makatulong sa kapwa tao.


Matuto na tayo sa mga pinagdaanan nitong pandemya para maging mas handa ang bansa sa anumang posibleng krisis na darating sa mga susunod na taon. Tulad ng Pangulo, magtiwala tayo sa mga eksperto at maging bukas ang ating isipan. Hikayatin natin ang lahat na maging parte ng solusyon kaysa sayangin ang oras sa pagbabatikos.


Ikinatuwa natin ang mga inisyatibo, tulad ng community pantry, na nagpapakita na nananatiling buhay ang diwa ng bayanihan sa kabila ng sunud-sunod na mga pagsubok na dumating sa bansa. Tama lang na magbigay ng tulong ayon sa kakayanan ‘yung mga may sobra. Kaysa masayang o mag-expire, mabuti nang mapakinabangan ng mas nangangailangan.


Tulad ng palagi nating sinasabi, kung anumang kabutihan ang puwede nating gawin para sa kapwa ay gawin na natin ngayon. Hindi ito panahon para magsisihan, magsiraan o maglamangan pa. Panahon ito ng pagtutulungan, pagmamalasakit at pakikiisa sa bayanihan. Walang kulay, walang pinipili at walang pulitika, dapat ang pagtulong sa kapwa.


Habang nananatiling bukas ang ating isipan sa mga opinyon ng iba, huwag din sana nating sayangin ang oras natin sa mga nagkakalat ng mali at malisyosong mga balita. Bukod sa COVID-19, ang panloloko ay sakit na nakamamatay din!


Huwag hayaan na madiskaril ang ating mga pinaghirapan dahil lang sa mga batikos o paninira ng iilang mga taong sarili lang ang iniisip.


Patuloy lang tayong makiisa sa bayanihan. Naniniwala tayong walang anumang hamon o krisis ang makakatalo sa nagkakaisang sambayanang Pilipino.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | April 16, 2021



Bawat isa sa atin ay may ginagampanang papel sa laban kontra COVID-19. Hindi ito laban ng gobyerno lamang, laban ito ng buong sambayanang Pilipino at ng buong mundo. Kaya natutuwa tayong makita na nananatiling buhay ang diwa ng bayanihan sa kabila ng sunud-sunod na mga pagsubok na dumating sa bansa.


Kung kaya’t walang tigil ang ating serbisyo at tulong sa mga mas lalong naghihirap dulot ng mga kalamidad at iba pang mga sakuna. Patuloy tayong umiikot sa buong bansa para rumesponde sa mga nangangailangan, sa paraang ligtas at sang-ayon sa mga patakaran upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.


Nitong linggo lamang mula Abril 12 hanggang 15, nagbigay muli ng tulong ang ating opisina sa mga komunidad na nasalanta ng kalamidad o sunog at ‘yung mga nawalan ng kabuhayan dahil sa epekto ng pandemya.


Tinulungan natin ang mga nasunugan tulad ng 140 na pamilya na nawalan ng tirahan sa Barangay Santa Cruz, Dasmariñas City, Cavite; 125 na pamilya sa Bgy. Pantal, Dagupan City, Pangasinan; apat na pamilya sa Bgy. San Andres, Cainta, Rizal; isang pamilya sa Bgy. Dagat-Dagatan, Caloocan City; isang pamilya sa Bgy. Roxas, Quezon City; at 17 naman na biktima sa Bgy. Buhangin, Davao City.


Maliban d’yan, pinuntahan din natin ang mga komunidad sa Surigao del Norte na labis na naapektuhan ng Typhoon Auring noon. Namigay tayo ng tulong sa 800 na biktima sa General Luna, 353 sa San Benito, 289 sa San Isidro, 178 sa Dapa, 102 sa Pilar, 64 sa Burgos, at 50 naman sa Socorro.


Nag-abot din tayo ng tulong sa libu-libong market vendors sa Capiz na nagmula sa iba’t ibang bayan, katulad ng Tapaz, Jamindan, Dao, Sigma, Ivisan, Sapi-an, Cuartero, Mambusao, Panitan, Maayon, Pontevedra, Pilar, Roxas City at Panay; 3,000 na miyembro ng Tricycle Operators and Drivers’ Association, mahigit 2,000 na market vendors at 75 na beauticians sa Urdaneta City, Pangasinan; 508 katao mula sa Zamboanga City na binubuo ng mga musikero at iba pang miyembro ng entertainment industry; 120 na ambulant vendors, tricycle drivers at habal-habal drivers mula sa Iligan City; at daan-daang indigents at displaced workers sa Metro Manila na humingi ng tulong sa ating opisina.


Sa ating pag-iikot, namahagi tayo ng iba’t ibang uri ng tulong, tulad ng pagkain, food packs, masks, face shields at vitamins. Namahagi rin tayo ng iilang sapatos, bisikleta at computer tablet. Ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ay patuloy ding namamahagi ng hiwalay na tulong ayon sa mga programa nila para sa mga komunidad na apektado ng krisis o sakuna.


Nakikiusap tayo na palaging unahin ang kapakanan ng kapwa Pilipino. Kung anumang kabutihan ang puwede nating gawin para sa kapwa ay gawin na natin ngayon. Hindi ito panahon para magsisihan, magsiraan o maglamangan pa. Panahon ito ng pagtutulungan, pagmamalasakit at pakikiisa sa bayanihan.


Anumang pagsubok ang haharapin natin, hindi tayo matitinag kung magsasama-sama tayo!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

at kooperasyon ng lahat.


ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | April 14, 2021



Nitong Lunes, ibinaba sa MECQ o Modified Enhanced Community Quarantine ang NCR Plus areas. Ito ay upang ibalanse ang kapakanan ng ating ekonomiya habang patuloy na pinoproteksiyunan ang kalusugan ng mga Pilipino sa gitna ng kasalukuyang krisis na ating hinaharap.


Ngunit nais nating linawin na hindi ito nangangahulugang magiging kampante na tayo. Ang mga patakaran para limitahan ang galaw ng mga tao upang maiwasan ang pagkalat ng sakit at hindi bumagsak ang health system ay iniimplementa pa rin. May kaunti lamang adjustments upang masigurong hindi aabot sa punto na tuluyang mamatay ang kabuhayan ng mga tao.


Tulad ng ating panawagan, ano pa mang quarantine restrictions ang iimplementa natin, mas importante ang disiplina, pag-iingat at kooperasyon ng lahat. Sumunod tayo sa mga itinakdang health protocols para maging matagumpay ang ating mga hakbang na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 habang ibinabalik ang sigla ng ating ekonomiya.


Binibigyang-diin din natin ang mga apela at rekomendasyon sa gobyerno para matugunan ang mga pangangailangan ng mga Pilipino at mapagaan ang pinapasan nilang hirap ngayon.


Dapat pabilisin ang pagpaparami ng ICU beds at pagtatag ng mga modular hospital, para masigurong sapat ang pasilidad upang gamutin ang mga nagkakasakit lalo na ‘yung malubha ang kalagayan. Dapat din patuloy na suportahan ang mga frontliner, lalo na ang mga healthcare worker, sa buong bansa. Pakinggan at alagaan sila dahil sila ang mga bayani sa laban na ito.


Ayusin at paramihin din ang vaccination centers at pabilisin ang pagbabakuna ayon sa vaccine prioritization list. Magtiwala tayo sa national vaccination program dahil ang bakuna ang susi at solusyon upang makabalik tayo sa normal na pamumuhay. Mas palakasin din ang COVID-19 testing at contact tracing efforts para maiwasan ang lalong hawahan. Hinihingi rin nating mas pabilisin ang pagproseso ng mga serbisyo at payments ng PhilHealth para hindi maantala at mapalawak pa ang operasyon ng mga ospital at health service providers.


Gamitin ang mga teknolohiya na mayroon tayo, tulad ng telemedicine at e-health initiatives, upang maging mas accessible ang healthcare system at makapagbigay agad ng serbisyong pangmedikal sa mga Pilipinong nagkakasakit.


Bilang Chair ng Senate Committee on Health, ang prayoridad ngayon ay makapagligtas ng buhay ng mga Pilipino. Kaakibat ang pagsigurong maiiwasan hindi lang ang sakit, kundi pati rin ang gutom at kahirapan. Kaya dapat maipamahagi nang maayos ang Supplemental Amelioration Program at iba pang uri ng ayuda sa mga itinakdang benepisaryo ng mga programa ng gobyerno.


Hinihikayat natin ang lahat, pribado man o publikong sektor, na siguraduhing ligtas ang mga pinagtatrabahuhan ng manggagawa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga itinakdang guidelines at pag-adopt ng alternative work arrangements. Sama-sama nating ibalik ang sigla ng ekonomiya at kabuhayan sa ligtas na paraan.


Gawin ang lahat para makatulong sa kapwa. Bawal ang papatay-patay ngayon. Kung papatay-patay tayo, mas lalong darami ang mamamatay.


Magtiwala tayo sa ating gobyerno. Pare-pareho lang tayo ng gusto — ang makapagligtas ng buhay at maiahon ang bansa mula sa krisis at kahirapan. Hindi ito panahon para magsisihan kundi panahon ng pagtutulungan.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page