top of page
Search

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | May 19, 2021



Bagama’t nandito pa rin ang banta ng COVID-19, huwag tayong mawalan ng pag-asa at patuloy na magtiwala sa gobyerno. Dahil sa National Vaccination Program, nakikita na nating may hangganan ang krisis na ito. Dahil sa mga bakuna, mas mapoproteksiyunan tayo laban sa sakit at unti-unti rin tayong makababalik sa normal na pamumuhay.


Sa ngayon ay higit tatlong milyon na ang nabakunahan natin na medical frontliners, senior citizens at ‘yung mga may comorbidities na nabibilang sa A1, A2, at A3 top priority categories. Pero hindi dapat tayo magkumpiyansa. Kailangan nating bilisan pa lalo at paigtingin ang ating rollout upang marating ang herd immunity sa ating komunidad bago matapos ang taon.


Kaya nanawagan tayong muli sa gobyerno na gawan na ng paraan para makarating na ang bakuna sa iba pang sektor sa lalong madaling panahon. Sa pag-uusap natin ng mga opisyal sa ehekutibo at tumutulong sa atin mula sa pribadong sektor, napagkasunduang dapat masimulan na ang pagbabakuna sa essential sectors at indigents na nabibilang sa A4 at A5 priority categories ng ating vaccination plan.


Sa essential sectors o A4 category, kasama na riyan ang economic frontliners tulad ng ordinaryong manggagawa, miyembro ng media, market vendors, transport workers at iba pang tao na araw-araw nagtatrabaho para buhayin ang kanilang pamilya at ang ating ekonomiya. Napakaimportanteng mabakunahan sila agad upang mabalanse, lalo na ang pagprotekta sa kalusugan at pagpapasigla ng ating kabuhayan.


Tulad din ng pangako namin ni Pangulong Rodrigo Duterte, sisiguraduhin nating makararating ang bakuna sa mahihirap at pinaka-nangangailangan, ‘yung mga “isang kahig, isang tuka” at ‘yung mga kailangang lumabas upang buhayin ang kanilang pamilya. Ito ang A5 category kung saan nabibilang ang mga indigent.


Kapag nasimulan na ang A4 at A5, puwede naman tayong magtalaga ng express lanes para sa mga natitirang A1 to A3 na hindi pa nababakunahan. Puwede silang balikan kung undecided pa sila sa ngayon. Ang importante ay walang masayang na bakuna at walang masayang na panahon.


Umaapila rin tayong magtayo pa ng dagdag-vaccination centers sa kahit saang sulok ng bansa upang mas maraming tao ang mababakunahan kada araw. Kung kailangang gawing 24/7 ang pagbabakuna, gawin natin ito upang maiwasan na may mag-expire o masayang na mga bakuna at para hindi rin magkumpulan ang mga tao doon.


Nirekomenda rin nating pag-aralan ang posibilidad na gamitin ang mga ospital at kampo ng military, PNP, at Philippine Coast Guard bilang vaccination sites para sa frontliners ng pamahalaan. ‘Pag mas marami tayong vaccination centers, tiyak na maiiwasan ang kumpulan at magiging mas ligtas at maginhawa ang pagbabakuna.


Mahalaga rin na masigurong tuluy-tuloy ang pagbili at pagdating ng mga bakuna sa kabila ng limitadong supply sa mundo. Palawakin din natin ang mga kailangang tauhan na mag-a-administer ng bakuna at gamitin natin ang military reservists na handa namang tumulong. Solusyunan din agad ang logistical at transportation challenges para maiwasan ang aberya. Paigtingin din natin ang ating information dissemination para mawala ang takot ng taumbayan sa bakuna.


Nananawagan din tayo sa ating mga kababayan na magtiwala sa bakuna at sumunod sa prioritization order — bawal ang palakasan at VIP treatment. Unahin ang dapat unahin dahil sisiguraduhin nating makararating ang bakuna hanggang sa dulo ng listahan.


Kaya kapag dumating na ang inyong oras para magpabakuna, huwag na kayong mag-alinlangan pa at magpabakuna na agad kayo dahil tiyak na makakaligtas ito ng buhay ninyo at ng inyong mga minamahal sa buhay. Libre naman ang bakuna at importante ito para malayo kayo sa peligro. Ang bakuna ang poprotekta sa buhay ninyo laban sa COVID-19 na nakamamatay. Ito ang susi o solusyon para unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay.


Lahat ng ito ay kailangang matutukan upang maging mas ligtas ang ating Pasko sa taong ito. Magtiwala tayo at suportahan natin ang ating vaccination program. Magkaisa at magbayanihan tayo para sa ikabubuti ng bawat Pilipino!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | May 14, 2021



Sa pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan, nais nating batiin ang mga kapatid nating Muslim ng maligayang Eid Mubarak! Nawa’y gamitin natin ang panahong ito upang mas palalimin ang ating pagkakaunawaan, pagmamalasakit at pagkakaisa — mapa-Muslim man, Kristiyano o anumang relihiyon natin at paniniwala. Tandaan nating iisang sambayanan lang tayo.

Dahil nasa panahon tayo ng matinding pagsubok, hindi tayo tumitigil sa pagresponde sa mga nangangailangan ng tulong, lalung-lalo na sa mga nasalanta ng kalamidad at nawalan ng kabuhayan ng dahil sa pandemya at iba pang krisis.

Mula Mayo 8 hanggang Mayo 13, pinuntahan natin ang iba’t ibang komunidad na labis naapektuhan ng sakuna. Nagbigay tayo ng tulong sa 5,062 biktima ng Typhoon Auring sa Tago, Surigao del Sur; 436 biktima ng lindol sa Kidapawan City; at 5,392 biktima ng baha sa Cadiz City, Sagay City at San Carlos City, Negros Occidental.

Tinulungan din natin ang 236 pamilya na biktima ng sunog sa Barangay Tibungco, Davao City; dalawang pamilya sa Bgy. Tuktukan, Taguig City; isang pamilya sa Bgy. NBBS Dagat-dagatan, Navotas City; 17 sa Bgy. 154, 87 pamilya sa Bgy. 25, at 60 pamilya sa Bgy. 26 sa Tondo, Manila City; 12 pamilya sa Bgy. San Jose sa Rodriguez, Rizal; limang pamilya sa Bgy. Pamplona Uno, Las Piñas City; dalawang pamilya sa Bgy. 168, Caloocan City; apat naman katao sa Bgy. San Juan sa San Narciso, Zambales; at 60 pamilya rin sa Talon Singko, Las Piñas City.

Nag-abot din tayo ng dagdag-suporta para sa mga apektado ang kabuhayan. Tinulungan natin ang 1,202 motorcab drivers sa Oroquieta City, Misamis Occidental; 150 ustadzes, orphans at market vendors pati na rin 270 health workers sa Sultan Kudarat, Maguindanao; 20 OFW families at 36 indigents ng Bgy. Kalaisan, Kidapawan City; 7,565 vulnerable sectors sa Talisay City, Negros Occidental; 200 affected workers sa Quezon City; 40 indigent families sa Bgy. San Isidro sa Quinapondan, Eastern Samar; 27 indigent families sa Olongapo City, Zambales; 332 indigents sa Bgy. Victoria sa Llanera, Nueva Ecija; at 108 na mahihirap sa Dupax del Sur at Quezon sa Nueva Vizcaya.

Noong Mayo 11 at 12, personal din tayong dumalo sa pagbubukas ng ika-109 at ika-110 na Malasakit Center sa bansa sa Cotabato Sanitarium sa Sultan Kudarat, Maguindanao at Cotabato Provincial Hospital sa Kidapawan City, North Cotabato. At ngayong araw naman, Mayo 14, bubuksan natin ang ika-111 Malasakit Center sa bansa sa Margosatubig Regional Hospital, Margosatubig, Zamboanga del Sur.

Bilang Chair ng Senate Committee on Health at pangunahing may-akda ng Malasakit Centers Act of 2019, sisiguraduhin nating patuloy ang pagbubukas ng Malasakit Centers sa iba’t ibang parte ng bansa upang mailapit sa tao ang ginhawa ng serbisyong pangkalusugan na dapat nilang makuha.

Pagdating naman sa ating laban kontra COVID-19, umapela tayo sa gobyerno na mas pabilisin pa ang rollout ng mga bakuna sa buong bansa upang mas maaga nating marating ang herd immunity. Sa mga kababayan natin, magtiwala tayo sa National Vaccine Program at magpabakuna na kaagad ayon sa prioritization order na ipinatutupad. Huwag tayong matakot sa bakuna dahil ito ang solusyon at susi para makabalik tayo muli sa ating normal na pamumuhay. Isapuso rin natin palagi na nakadepende sa tamang pag-iingat ang pagpigil ng pagkalat ng sakit.


Kung hindi tayo makikiisa, mas mailalagay sa peligro ang ating sarili at ang ating komunidad, mas maaaring maghigpit lalo na ang quarantine restrictions na magreresulta sa pagsara na naman ng kabuhayan, at mas hahaba pa lalo ang kalbaryo natin laban sa pandemyang ito.

Higit sa lahat, nawa’y mamayani ang bayanihan at malasakit sa bawat isa. Magtulungan at magkaisa tayo upang sama-sama nating malagpasan ang pandemyang ito at makamit natin ang ligtas, masagana at mas komportableng kinabukasan na inaasam ng Pangulo para sa buong sambayanang Pilipino.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | May 12, 2021



Patuloy na sinusubok ng COVID-19 ang likas na katatagan ng mga Pilipino at ng buong mundo. Kaya naman, nananatiling inspirasyon sa amin ang ipinapakitang kabayanihan ng ating mga kababayan sa harap ng anumang pagsubok.


Ang mga kapwa nating Pilipino ang nagbibigay sa amin ni Pangulong Rodrigo Duterte ng lakas ng loob na mas lalong magserbisyo pa sa abot ng aming makakaya. Sa mga mamamayan din nagmumula ang tapang at malasakit na ipinamamalas namin para maipaglaban ang kapakanan ng buong bansa, lalo na sa gitna ng pandemya.


Isa sa ating ipinaglaban noon ay ang pagtatayo at pagsasabatas ng Malasakit Centers. Hindi natin inasahan noon na may ganitong krisis pangkalusugan na darating sa buhay natin. Gayunman, nagpapasalamat tayo sa Diyos na ipinagkaloob sa atin ang programang ito para may matatakbuhan ang mga Pilipino upang makakuha ng tulong pampagamot sa mga panahong buhay at kalusugan na ang nakataya.


Kahapon lamang, binuksan na sa Cotabato Sanitarium sa Sultan Kudarat, Maguindanao ang ika-109 na Malasakit Center sa ating bansa. At bilang Chair ng Senate Committee on Health, sisiguraduhin natin na patuloy ang pagbubukas ng Malasakit Centers sa iba’t ibang parte ng bansa upang mailapit sa tao ang ginhawa ng serbisyong dapat nilang makuha.


Walang pinipili ang tulong mula sa Malasakit Center. Basta Pilipino ka, kuwalipikado ka. Hindi n'yo na kailangang pumila o umikot pa sa iba’t ibang opisina para humingi ng tulong pampagamot. Pera ninyo ito na ibinabalik sa inyo sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyong pang-medikal.


Sa usapin naman ng West Philippine Sea, gusto nating linawin sa mga kritiko na si Pangulong Duterte ay palaging isusulong ang interes ng mga Pilipino. Wala siyang ibibigay, hindi siya bibitaw, at ipaglalaban niya kung ano ang atin hanggang sa huli sa tama at diplomatikong paraan. Kaya nga inutusan niya ang ating mga barko na manatili sa West Philippine Sea at ipaglaban ang ating karapatang manatili roon para mapakinabangan ang tunay na atin.


Habang patuloy nating nilalabanan ang COVID-19, patuloy din ang mga hakbang ng gobyerno upang maproteksiyunan ang mga Pilipino hindi lamang mula sa sakit, kundi pati rin sa gutom at kahirapan. Upang maibalik ang sigla ng ating kabuhayan, kailangan natin ng kooperasyon mula sa lahat. Ang pagsunod sa mga patakaran ay makapagliligtas ng buhay ng ating kapwa.


Ito rin ang dahilan sa likod ng utos ni Pangulong Duterte sa PNP na hulihin ang sinumang lalabag sa mask-wearing protocol sa bansa. Sang-ayon tayong kailangang mas higpitan ang pagpapatupad ng mga patakaran para maiwasan ang lalong pagkalat ng sakit. Subalit, maliban sa tapang upang madisiplina ang mga ayaw sumunod, kailangan din natin ng malasakit para sa mga kababayan nating hindi makabili ng sariling mask dahil sa kahirapan ng buhay at kakulangan ng tamang impormasyon.


Kaya naman, napagkasunduan ng gobyerno na bukod sa paghuli sa mga violators, bigyan na agad sila dapat ng masks dahil baka naman doon pa sila magkahawaan sa presinto. Turuan din dapat sila kung bakit importanteng sundin ang mga patakarang ito para sa kaligtasan ng buong komunidad.


Bukod sa tapang upang ipagtanggol ang ating bansa, handa palagi ang gobyernong ito na magmalasakit at gawin ang dapat para sa kapakanan ng mga Pilipino. Magtulungan, magmalasakit at magbayanihan tayo. Ang ating pakikiisa ang susi upang malampasan ang mga krisis na ito.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page