top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 7, 2025



Photo: San Miguel at Tropang 5G - PBA PH


Laro ngayong Linggo – Araneta

5:00 PM Ginebra vs. SMB

7:30 PM ROS vs. TNT 

      

Hahanapin ng San Miguel Beer at TNT Tropang 5G ang kanilang mga upuan sa magkahiwalay na Game 6 ng 2025 PBA Philippine Cup Semifinals ngayong Linggo sa Araneta Coliseum. Gagawin ng Barangay Ginebra at Rain or Shine Elasto Painters ang lahat upang ipilit ang nakakapanabik na Game 7 sa Miyerkules. 

      

Isang panalo na lang ang kailangan ng Beermen upang makabalik sa Finals matapos mabigo ang Barangay Ginebra sa Game 5, 103-92. Malaking kasunod ito ng 107-82 tambakan ng SMB noong Game 4. 

     

Umapoy si Cjay Perez para sa 31 puntos habang nag-ambag ng 27 si reserba Jericho Cruz. Double-double si June Mar Fajardo na 14 at 12 rebound. 

      

Kritikal ang pangalawang quarter kung saan binaligtad ng SMB ang 12-20 butas sa 49-44 bentahe bago ang pangatlong quarter. Naging mahigpit ng laban hanggang naka-shoot sina Fajardo at Perez para sa mas komportableng 99-90 agwat papasok sa huling minuto. 

      

Nanguna sa Ginebra sina Maverick Ahanmisi na may 19 at Scottie Thompson na may 14. Ito na rin ang unang pagkakataon na natalo ng dalawang sunod ang Gin Kings sa buong torneo. 

        

Samantala, tiyak na babalik na si Coach Chot Reyes sa TNT matapos mapatawan ng suspensiyon dahil sa naipong limang technical foul. Subalit wala pang katiyakan kung makakalaro ang mga pilay na sina Roger Pogoy at Kelly Williams na parehong lumiban sa Game 4. 

        

Kinuha ng ROS ang pagkakataon na kulang ang Tropa at lumapit sa serye, 2-3. Umabot ng 99-64 ang pagitan sa unang minuto ng huling quarter sa four-points ni Anton Asistio at nagawan ng paraan ng TNT na bawasan ito hanggang sa huling busina, 113-97. 


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 29, 2025



Photo: Nagbuhos ng huling 6 na puntos ng pangalawang quarter at unang 7 puntos ng pangatlong quarter para itayo ang 78-66 bentahe ang Pacers. Hindi pa sila tapos at nagpasok ng 5 sunod na puntos si Pascal Siakam para sa pinakamalaking agwat at 10 minuto ang nalalabi sa huling quarter, 111-96. 



Isang panalo na lang ang kailangan ng bisitang Indiana Pacers para makabalik sa NBA Finals matapos magtagumpay sa Game 4 ng 2025 Eastern Conference Finals laban sa New York Knicks, 130-121, kahapon sa Madison Square Garden. Maaaring tapusin na ang seryeng best-of-7 pag-uwi ng Pacers para sa Game 5 sa Biyernes. 

       

Nagbuhos ng huling 6 na puntos ng pangalawang quarter at unang 7 puntos ng pangatlong quarter para itayo ang 78-66 bentahe ang Pacers. Hindi pa sila tapos at nagpasok ng 5 sunod na puntos si Pascal Siakam para sa pinakamalaking agwat at 10 minuto ang nalalabi sa huling quarter, 111-96. 

        

Hindi nakabangon ang New York at inihatid ng dating Knick Obi Toppin ang pandiin na 3-points, 126-116, at 46 segundo ang nalalabi. Sinigurado ng mga free throw nina Siakam at Benn Mathurin ang resulta at 3-1 lamang sa serye. 

       

Nagtala ng halimaw na triple-double si Tyrese Haliburton na 32 puntos, 12 rebound at 15 assist na may kasamang apat na agaw at hindi niya itinapon ang bola kahit isang beses sa 38 minuto. Sumunod si Siakam na may 30 at reserba Mathurin na may 20 sa 12 minuto lang. 

        

Sa simula ay tila nakalimutan ang depensa ng parehong panig at nagtapos ang unang quarter, 43-35, pabor sa Indiana. Tumanggap ng malaking dagok ang Knicks nang napilay ang tuhod ni Karl-Anthony Towns bago ang huling dalawang minuto at nalagay sa alanganin ang kanyang kahandaan para sa Game 5. 

        

Sisikapin ng numero unong Oklahoma City Thunder na wakasan ng maaga ang kanilang Western Conference Finals sa Game 5 laban sa bisitang Minnesota Timberwolves ngayong Huwebes sa Paycom Center. Nanaig ang OKC sa Game 4, 128-126, para umakyat sa 3-1.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 28, 2025



Photo: Gilas U-16 with Coach LA Tenorio - SBP / SEAG Network



Laro ngayong Huwebes – Bren Guiao 7:00 PM Pilipinas vs. Malaysia


Inagaw ng Gilas Pilipinas Youth ang solong liderato ng FIBA Under-16 Asia Cup Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Qualifiers matapos ang pinaghirapang 77-68 panalo kontra Indonesia sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga.


Nanatiling malinis ang mga Pinoy sa 4-0 at sigurado nang maglalaro para sa kampeonato sa Biyernes. Hindi magawa ng Gilas ang makalayo at nasasabayan sila ng mga Indones at apat lang lamang ng mga Pinoy matapos ang dalawang quarter, 32-28.


Pagsapit ng huling quarter ay nakabanat ang Pilipinas at itinayo ang pinakamalaking bentahe sa shoot ni Prince Carino, 63-49, at piton minuto ang nalalabi ngunit hindi basta tumiklop ang mga bisita.


Nagawang tabasan nila ang agwat, 61-65, subalit nakahinga ang Gilas sa three-points ni Everaigne Cruz, 68-61. Sinundan ito ng mga krusyal na buslo nina Gab delos Reyes at Carino upang iakyat sa mas komportableng 74-63 lamang pagsapit ng huling dalawang minuto.


Sa unang tatlong laro ng Gilas ay nanalo sila na may huling agwat na 53.3 bawat laro. Nanguna sa atake sina Carino na may 15 puntos at Travis Pascual na may 13 habang 12 si Jolo Pascual. Nagtala ng 23 si Benjamin Piet Hernusi para sa Indonesia.


Kahit bumaba sa 3-1 ay malakas ang tsansa nila na labanan muli ang Gilas sa Biyernes. Sa iba pang mga laro, nagwagi ang Thailand sa Vietnam, 63-46, upang manatili ang pag-asa para sa kampeonato sa kartadang 2-2.


Pinantayan din ng Malaysia ang mga Thai sa 2-2 sa bisa ng 78-55 tambakan sa kulelat na Singapore.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page