top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 3, 2024



Sports News

Dumating na ang araw na kinatatakutan ng mga tagahanga ng Golden State Warriors at hindi na bahagi ng koponan si Klay Thompson. Sa pinakamalaking transaksyon papasok sa bagong NBA sa Oktubre, maglalaro na ang beteranong shooter sa Dallas Mavericks matapos ang 13 taon sa Warriors. 


Binigyan ng Mavs, ang natalo sa World Champion Boston Celtics sa katatapos na 2024 NBA Finals, ang Warriors ng dalawang pick sa Round 2 ng NBA Draft sa 2025 at 2031. Upang mabuo ang kasunduan, ipapadala ng Dallas si Josh Green sa Charlotte Hornets. 


Kasama si Stephen Curry, binuo nila ang makamandag na tambalang Splash Brothers na nagbunga ng apat na kampeonato noong 2015, 2017, 2018 at 2022. Iiwanan niya ang koponan na may 15,531 puntos mula sa 2,481 na three-points sa 793 laro. 


Inaasahan na makakatulong si Thompson sa opensa ng Mavs at bawasan ang trabaho nina Luka Doncic at Kyrie Irving. Sa panig ng Warriors, maghahanap na ng bagong kasama si Curry na bubuhat sa koponan pabalik sa tuktok ng liga. 


Sa iba pang transaksyon na yumanig sa NBA, nagpasya si All-Star Paul George na iwanan ang LA Clippers at pumirma sa Philadelphia 76ers para sa $212 milyon (P12.456 bilyon) sa loob ng apat na taon. Nagtala ng 22.6 puntos sa 75 na laro si George nitong nakaraang taon.


Kasabay ng pagdating ni George ay tiniyak ni 2024 Most Improved Player at All-Star Tyrese Maxey na mananatili siya sa 76ers sa paglagda ng bagong kontrata na $204 milyon (P12 bilyon) sa limang taon. Sasamahan nina George at Maxey si 2023 MVP Joel Embiid na maghatid ng kampeonato na huling natikman ng prangkisa noong 1985 at hindi pa sila lahat ipinanganganak. 


 
 

ni MC @Sports | July 2, 2024



Sports News


Sumang-ayon si veteran guard Kentavious Caldwell-Pope sa three-year, $66 million deal sa Orlando Magic, ayon sa iba't ibang media outlets.


Ang ikatlong taon ng kontrata ay naiulat na pinili ng player. Naglaro si Caldwell-Pope sa nakaraang dalawang seasons sa Nuggets at naging starter player nang magwagi ang Denver sa 2023 NBA Finals. Naging bahagi rin siya ng  Los Angeles Lakers' 2020 championship team.


Si Caldwell-Pope, sa edad 31 ay may average na 10.1 points, 2.4 rebounds, 2.4 assists at 1.3 steals sa 76 na laro lahat mula sa Denver season. May 40.6 percent shot mula sa 3-point range at kilala sa lakas dumepensa. 


Siya rin ay may career averages ng 11.4 points, 3.0 rebounds, 1.8 assists at 1.1 steals sa 835 games (693 starts) sa loob ng 11 seasons sa Detroit Pistons (2013-17), Lakers (2017-21), Washington Wizards (2021-22) at Nuggets. Nakapagtala na siya ng kabuuang 1,420 sa 3-pointers.


Kailangan ng  Nuggets backcourt help ngayon nang lisanin ni  Caldwell-Pope, kaya naman si Los Angeles Clippers guard Russell Westbrook ang isa sa players na pinag-iinteresan ng team.


Samantala naiulat namang nailipat din ang free agent point guard player Chris Paul mula sa Golden State Warriors at nakatakdang maglaro sa  San Antonio Spurs para sa  one-year contract worth $11 million-plus ayon sa ESPN. Ayon sa  Bleacher Report, hindi tinanggap ng Golden State ang alok na si guard Zach LaVine ang ipapalit kina Paul at Andrew Wiggins. 


Si Paul, edad 39, ay 12-time All-Star ay nai-trade din noong nakaraang summer mula sa Phoenix Suns tungo sa  Washington Wizards pero matapos ang dalawang linggo ay nalipat ito sa Warriors.

 
 

ni MC @Sports | July 1, 2024



Sports News


Nagpakitang-Gilas sa Philippine Air Force ang Southern City Colleges matapos tambakan ang Western Mindanao State University, 108-42 at sikwatin ang korona sa men's 5x5 Basketball ng 2nd Philippine ROTC Games 2024 Mindanao Qualifying Leg, kahapon sa University of Zamboanga - Summit Centre, dito.  


Maagang ipinaramdam ng SCC cagers ang kanilang lakas nang hawakan agad ang 48-point lead, 67-19 sa unang dalawang periods kaya naman hindi ito nahirapan para sungkitin ang gold medal.


Kuminang naman sa Philippine Army men's basketball ang Josefina Cerilles State College matapos kalusin ang Southern City Colleges, 92-60.


Diretso sa national finals sa Indang, Cavite sa Agosto ang basketball teams ng SCC at JCSC para puntiryahin ang ginto sa event na katuwang ang Philippine Sports Commission, (PSC) sa pamumuno ni chairman Richard Bachmann. 


Matinding buntalan naman ang nasaksihan sa Philippine Army boxing event kung saan ay nasikwat ni Rolando Evangelista ng Jose Rizal Memorial State University - Tampilisan ang gintong medalya sa men's 51-54 kg Bantamweight.


Nasapol ni Rey John Paul Apale ng Makilala Institute of Science and Technology ang gold medal sa 54-57 kgs. Featherweight matapos gulpihin si Ian Jeffer Banyogan ng PHINMA - Cagayan De Oro College, nakopo ng huli ang silver medal.


Ang ibang boksingero ng Army na nakakuha ng gold ay sina Joebert Yacapin ng PHINMA - Cagayan De Oro, (57-60kgs. Lightweight) at Wilmark Agosto ng La Salle University (60-63.6kgs Light Welterweight).


Si Gabriel Gonzales ng Western Mindanao State University naman ang naka-ginto para sa Philippine Air Force sa (60-63.6kgs Light Welterweight).


Sa women's Arnis, kumalawit ng gold medal para sa Air Force sina Bernalyn Jhoy Nicdao (Featherweight), Sarah Oraciano (Lightweight) at Maricar Cautivar (Welterweight), lahat nag-aaral sa Western Mindanao State University. 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page