top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 12, 2024



Sports News
Photo: X / USA Basketball

Ipinamalas muli ni Stephen Curry ang kanyang matalas na shooting sa huling 3 minuto upang itulak ang U.S. sa ginto ng Paris 2024 Men’s Basketball Tournament Linggo ng umaga sa Accor Arena. Tinalo ng mga Amerikano ang host Pransiya, 98-87, para sa kanilang ika-limang sunod na kampeonato at pangkalahatang ika-17 mula pa noong Berlin 1936. 


Nagbanta ang mga Pranses sa buslo ni Victor Wembanyama, 79-82 at sinagot ito agad ng 3-points ni Curry, 85-79. Mula roon ay bumira siya ng tatlo pang-tres na ang huli ay nagbigay ng komportableng 96-87 lamang at 35 segundo sa orasan.


Photo: Victor Wembanyama at Steph Curry / Circulated / SS from video
Photo: Victor Wembanyama at Steph Curry / Circulated / SS from video

Maganda ang simula ng mga Amerikano sa likod nina Devin Booker at reserba Anthony Edwards para makuha ang unang quarter, 20-15. Pumalag at huling tinikman ng Pransiya ang lamang, 27-26, at iyan ang hudyat para magising ang Team USA at maagaw at palakihin ang bentahe sa 61-47 sa pangatlong quarter sa tres ni Curry. 


Nagtapos si Curry na may 24, lahat galing sa walong tres. Sumunod sina Kevin Durant at Booker na may tig-15 habang nag-ambag ng 14 at 10 assist si LeBron James. 


Ito ang pang-apat na ginto ni Durant sa apat na sunod Olympics simula London 2012 habang pangatlo ito ni LBJ kasama ang Beijing 2008 at London 2012 at isang tanso sa Athens 2004. Dalawa na rin ang ginto nina Booker, Bam Adebayo, Jayson Tatum at Jrue Holiday na bumalik mula Tokyo 2020.


Samantala, napunta ang tanso sa Serbia matapos talunin ang 2023 FIBA World Cup kampeon Alemanya, 93-83. Nagsumite ng triple double si Nikola Jokic na 19, 12 rebound at 11 assist habang gumawa ng 19 din si Vasilije Micic. 

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 30, 2024



Sports News
Photo: Team USA

Nagsilbing pang-gising si Kevin Durant sa 110-84 tagumpay ng defending champion Estados Unidos kontra Serbia sa pagpapatuloy ng Paris 2024 Men’s Basketball Tournament Linggo ng gabi sa Decathlon Arena. Halos perpektong laro ang inilabas ni Durant para sa pinakamalaking panalo sa unang dalawang araw ng aksiyon.

 

Tampok si NBA MVP Nikola Jokic, humarurot ang Serbia sa 10-2 lamang. Lumapit ang mga Amerikano, 14-20, at iyan ang hudyat para kay Coach Steve Kerr na ipasok si Durant kapalit ni Devin Booker sa huling dalawang minuto ng unang quarter.  Bumira agad ng dalawang tres si Durant para maagaw ang lamang, 23-20, at hindi na sila lumingon.

 

Saglit nagbanta ang Serbia, 44-46, pero itinuloy ni Durant ang kanyang mainit na shooting para itayo ang 58-49 bentahe sa pagsara ng unang half. Wala siyang mintis sa walong tira kasama ang limang three-points para sa 21 puntos sa wala pang siyam na minuto sa sahig.

 

Nalimitahan si Durant sa dalawang free throw sa pangatlong quarter para umakyat sa 23 puntos hanggang nabahiran ang kanyang perpektong laro sa mintis na tira maaga sa huling quarter pero lamang ang Team USA, 86-65. Pinaupo na siya na may limang minutong nalalabi at tinapos ng mga kakampi ang trabaho.

 

Halimaw din ang numero ni LeBron James na 21 at pitong rebound at siyam na assist.  Nag-ambag ng 15 si Jrue Holiday at 12 si Booker na lahat ay galing sa three-points.

 

Kinapos ng suporta para kay Jokic na nagtapos na may 20 at walong assist. Sumunod si Bogdan Bogdanovic na may 14. Sina Durant, LBJ at ang retiradong si Carmelo Anthony ang mga Amerikanong nakalaro sa apat na Olympics at si Durant ang may pinakamaraming puntos na 458 kumpara kay LBJ (294), Anthony (336), David Robinson (270) at Michael Jordan (256). 


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 29, 2024



Sports News
Photo: FIBA

Mga laro ngayong Martes – Decathlon Arena

5 PM Espanya vs. Gresya

7:30 PM Canada vs. Australia

11:15 PM Japan vs. Pransiya

3:00 AM Brazil vs. Alemanya (Miyerkules)


Sisiguraduhin ni Victor Wembanyama na hindi makakalimutan ang una niyang Olympics. Binuhat ng 2024 NBA Rookie of the Year ang host Pransiya laban sa Brazil, 78-66, Sabado ng gabi sa Decathlon Arena.


Nagsumite ng 19 puntos at siyam na rebound si Wembanyama at kumuha ng malaking tulong sa beteranong si Nicolas Batum na may 19 din. Nanguna sa Brazil sina Cristiano Felicio at Leo Meindl na parehong gumawa ng 14.


Bago noon, tinuruan ng aral ng 2023 FIBA World Cup kampeon Alemanya ang Japan, 97-77. Limang Aleman ang nagtala ng 10 o higit sa pangunguna ni Franz Wagner na may 22 at Daniel Theis na may 18.


Gumawa ng 15 si Moritz Wagner bilang reserba at nagtala ng double-double si Dennis Schroder na 13 at 12 assist matapos magsilbing tagadala ng kanilang watawat noong pagbukas ng palaro. Double-double din na 20 at 10 rebound si Rui Hachimura para sa mga Hapon. 


Ipinakita ng Canada ang kahandaan nila na lumaban para sa ginto at binigo ang Gresya, 86-79, at sinayang ang 34 ni Giannis Antetokounmpo. Ipinasok ni Shai Gilgeous-Alexander ang bola na may 42 segundo sa orasan para lumayo ang Canada, 82-78, at magtapos na may 21 habang may 23 si RJ Barrett. 


Samantala, patuloy ang nakakataba ng pusong kuwento ng Timog Sudan at pinabagsak ang Puerto Rico, 90-79. Walang nakapigil kay Carlik Jones na nagsabog ng 19 na may kasamang pitong rebound at anim na assist habang nagdagdag ng 15 si Marial Shayok.  


 
 
RECOMMENDED
bottom of page