top of page
Search

ni Rey Joble @Sports | August 27, 2024



Sports News
Photo: Justin Brownlee sa laban ng Ginebra kontra sa San Miguel Beermen / www.pba.ph

Tumipa ng career-high 51 na puntos si Justin Brownlee para giyahan ang Barangay Ginebra sa kanilang unang panalo sa 49th season ng PBA matapos daigin ang San Miguel Beer,  108-102, nitong Martes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.


Itinuturing nang alamat, hindi pa rin kinakitaan ng pagbagal sa kanyang laro ang 36 anyos na si Brownlee na kumayod ng husto para sa Gin Kings.


“Having the anchor in Justin, Japeth (Aguilar) and LA Tenorio as anchor was huge for us,” ang sabi ni Ginebra coach Tim Cone. “We’ll get and we’ll continue to improve as we move along.”


Para kay Brownlee, ang bagong career-high na puntos na maituturing na isa na naman sa mga makasaysayang naitala ng six-time champion, ay isa lang sa ilang regular na bagay na maaring magawa para tulungan ang Ginebra.


“Just to continue winning is what I intend to do and that’s what matters the most after all these years,” dagdag pa ni Brownlee. Bukod sa puntos, may malikom ring 13 rebounds si Brownlee habang nakakumpleto rin ng anim na agaw para selyuhan ang kanyang overall performance.  


Parehas na mataas ang field goal shooting ng San Miguel at Ginebra. May naitalang 54.1% shooting ang Beermen habang may naipasok na 50.6% naman ang Gin Kings, pero mas nanaig sa puntusan ang mga starters ng pinaka-popular na koponan sa liga kung saan nakapagtala sila ng 97 puntos kumpara lamang sa 62 ng San Miguel.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 27, 2024



Sports News
Photo: Taguig Generals vs Tikas Kapampangan / NBL Pilipinas

Nakabawi ang defending champion Taguig Generals at nakamit ang kanilang unang panalo sa 2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup at itapal sa host Tikas Kapampangan ang unang talo, 106-100, Linggo ng gabi sa Colegio de Sebastian sa San Fernando City. Nanatiling malinis ang rumaragasang Cam Sur Express laban sa walang panalong Paranaque Smile 360, 118-113, sa pambungad na laro. 


Nagising si Dan Anthony Natividad sa huling quarter at ipinasok ang mahalagang tres na may 19 segundong nalalabi, 104-100. Hindi na nakapuntos ang Tikas at napilitang bigyan ng foul si Natividad na nagdagdag ng dalawang free throw para sa huling talaan. 


Ginawa ni Natividad ang 20 ng kanyang 23 sa huling quarter upang mabura ang pait ng kanilang 95-105 pagkabigo sa Express noong Agosto 9 sa Duenas Gym. Napiling Best Player si Mike Sampurna na may 21 sa unang tatlong quarter. 


Hawak ang 93-80 bentahe papasok ang huling quarter, pinayagan ng Cam Sur na maitabla ng Paranaque ang laban, 110-110, subalit nagtala ng buslo si Jamba Garing na sinundan ng dalawang free throw ni Rafael Vibares para makahinga saglit, 114-110.  Humirit pa ng 3-points si Angelo Obuyes na may 16 segundong nalalabi, 113-114, ngunit pumasok ang mga free throw nina Jerome Almario, Garing at Pete Andrei Rito upang masiguro ang resulta. 


Nagsabog ng 32 si Almario para sa kanyang pangatlong Best Player sa apat na laro.  Pumasok bilang reserba si Rito at itinala ang lahat ng kanyang 16 sa second half.  Sa mga laro noong Biyernes sa Subic Sports Complex, tinalo ng host Sulong Zambales at Batang Gapo ang bisitang Nueva Ecija Granary Buffalos, 105-101. Dinurog ng Cam Sur ang bagong koponan ng Valenzuela Workhorse, 131-80. 


Ang mga laro ay kasabay ng pagdiriwang ng pagtatag ng NBL-Pilipinas noong Agosto 25, 2018 sa Hagonoy Sports Complex sa Taguig City. Noong araw na iyon, wagi ang CamSur sa Rizal, 70-61, habang kinailangan ng Generals ang overtime para talunin ang Marikina, 110-101. 


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 22, 2024



Sports News
Photo: Gilas Pilipinas Women vs Hungary / FIBA

Laro ngayong Huwebes – BK Kigali Arena

5 p.m. Pilipinas vs. Senegal


Walang nagawa ang Gilas Pilipinas laban sa mas determinado at gutom na Hungary sa pagpapatuloy ng 2026 FIBA Women’s World Cup Pre-Qualifying Tournament Martes ng gabi sa BK Kigali Arena sa Rwanda. Tinambakan ng mga Hungarian ang mga Pinay Ballers, 97-60, at manatiling buhay para sa semifinals sa kartadang 1-1. 


Hindi nadala ng Gilas ang kanilang husay sa una nilang laro noong Lunes kung saan pumalag bago tuluyang lumuhod sa World #8 Brazil, 74-77. Ipinasok ni Afril Bernardino ang unang shoot, 2-0, subalit sinagot agad ito ng 3-points ni Debora Dubei at mula roon ay tuloy-tuloy ang arangkada ng Hungary hanggang makuha ang unang quarter, 23-14.


Umabot ng 39 ang agwat bago ang last 2 minutes sa buslo ni Franka Toth, 90-51. Mula roon ay ipinasok na ni Coach Patrick Aquino ang mga reserba at tutukan ang huling laro ngayong Huwebes kontra Senegal ng 5 p.m. sa parehong palaruan. 


Nanguna sa Gilas si Bernardino na may 11. Sumunod si Ella Fajardo na may 10 at walang ibang kakampi ang nakatala ng 10. Bumira ng 25 para sa Hungary si Agnes Torok habang tig-13 sina Dubei at Reka Lelik. Paglalabanan ng Hungary (1-1) at Brazil (1-1) ang ikalawang puwesto sa semifinals.


Patuloy ang nakakagulat na laro ng Senegal at binigo nila ang Brazil, 69-59, para makamit ang solong liderato ng Grupo C na perpektong 2-0. Dahil dito, nabura ang pag-asa ng Gilas na tumuloy sa semifinals kahit magwagi sila.


May pagkakataon pa rin ang mga Pinay na mapabilang sa Qualifiers subalit kailangan nilang magtapos na ika-anim o mas mataas sa FIBA Women’s Asian Cup na gaganapin sa Tsina sa Hulyo, 2025. Ang World Cup ay mula Setyembre 4 hanggang 13, 2026 sa Berlin. 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page