top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 13, 2024



Sports News

Mga laro ngayong Biyernes – San Leonardo, NE

5 p.m. Valenzuela vs. Paranaque

7 p.m. Nueva Ecija vs. Cam Sur 


Sasalubungin ng host Nueva Ecija Granary Buffalos ang rumaragasang bisita Cam Sur Express sa pagpapatuloy ng 2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup ngayong Biyernes sa Nagano Gym sa San Leonardo.  


Ganado ang Buffalos at determinado laban sa nangungunang Express simula 7:00 ng gabi. Itinala ng Nueva Ecija ang unang panalo sa Nikkelham Valenzuela Workhorse, 129-102, noong Setyembre 1 sa Palayan City sa likod ni Best Player sentro Kian Fontanilla. Kailangan niya ngayon ng tulong nina Juancho Tolentino, Edgie Jejillos at buong koponan upang bahiran ang perpektong 4-0 kartada ng mga bisita. 


Sisiguraduhin ng Express na sulit ang malayong lakbay sa gitna ng patuloy na mahusay na ipinapakita ng mga baguhang sina Jerome Almario at Rafael Vibares. Maliban sa dalawa, balanse ang atake ng Cam Sur at kahit sinong ipasok ay nag-aambag. 


Sa unang laro, tiyak na makakamit ng Valenzuela (0-3) o Paranaque Smile 360 (0-4) ang unang tagumpay sa torneo sa unang laro ng 5 p.m. Nasa ilalim ng liga ang dalawang koponan at ang isa pang talo ay malalagay sa alanganin ang pag-asa nilang mapabilang sa semifinals. 


Sasandal muli ang Workhorse kay sentro Mark Jones Redulfa at mga guwardiyang sina Andrew Valencia at Marte Gil. Maliban sa Buffalos ay natalo sila sa Cam Sur, 80-131 at Tikas Kapampangan, 52-103. 


Dikit ang apat na talo ng Paranaque at lumalamang lang ng 5.3 puntos ang mga kalaro. Kailangan lang nila mahanap ang huling sipa at maaaring manggaling kay Angelo Obuyes, JR Galit, Vincent Rocero o Johnlor Llarves. 


Lilipat ang NBL-Pilipinas sa Colegio de Sebastian sa Linggo sa San Fernando. Unang haharapin ng defending champion Taguig Generals ang Buffalos at susundan agad ng host Tikas at Express.  

 
 

ni Rey Joble @Sports News | September 13, 2024



Sports Photo

Isang laro lang ang itinagal ng import ng San Miguel Beer na si Sheldon Mac, na madaliang sinibak ng Beermen matapos ang hindi impresibong paglalaro kontra NLEX nitong Miyerkules ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium.


Bagamat nagwagi ang Beermen, 119-114, hindi pinalagpas ng koponan na may pinakamaraming kampeonato ang dispatsahin si Mac, dating naglaro sa Washington Wizards sa NBA, matapos magtala lang ng 16 na puntos. Hindi naman naging problema para sa koponan na ibalik sa active roster ang dating import na si Jordan Adams.


“We were able to handle it well,” ang sabi ni San Miguel Beer team manager Gee Abanilla. “Sinubukan lang namin kung pupuwede siya, since tinitingnan ng coaching staff kung kailangan ba namin ang guwardiya o forward na makakatambal ni Quincy Miller para sa EASL.” Bukod sa kasalukuyang PBA Governors’ Cup, naghahanda rin ang Beermen sa parating na EASL mula Oktubre 2 hanggang Pebrero 12.


Ang San Miguel, kasama ang nagtatanggol na Philippine Cup champion na Meralco ang siyang kinatawan ng PBA para sa naturang liga. Babalik sa regular roster si Adams, na pansamantalang inilagay sa injured list, pero nagbabalik sa active roster ng Beermen na haharap kontra sa Barangay Ginebra sa Linggo sa Smart Araneta Coliseum.


Habang matamlay ang laro ng import na si Mac, doble kayod naman ang mga locals ng Beermen. Pitong players ang tumapos ng 10 o higit pang puntos para sa Beermen sa pamumuno ni CJ Perez na may naitalang 24 puntos.


May tig-17 puntos sina eight-time MVP June Mar Fajardo at Marcio Lassiter habang 16 puntos naman ang naiambag ni Don Trollano. May 13 puntos namang kontribusyon si Terrence Romeo habang 10 naman ang nagawa ni Jericho Cruz.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 12, 2024



Sports News

   

Mga laro sa Sabado – Araneta

8 AM NUNS vs. FEU (JHS)

9:45 AM UPIS vs. FEU (JHS)

11:30 AM NU vs. FEU (W)

1:30 PM UP vs. UE (W)

4:30 PM NU vs. FEU (M)

6:30 PM UP vs. UE (M)


Naglabas muli ng bangis ang defending champion University of Santo Tomas Growling Tigresses at binigo ang Ateneo de Manila, 77-54, sa tampok na laro ng 87th UAAP Women’s Basketball Tournament kahapon sa Araneta Coliseum.


Hindi nagpaiwan ang Adamson U Falcons at tinalo ang De La Salle Green Archers sa 2nd game, 65-54. First half pa lang ay nagsabog ng 13 si Kent Pastrana para sa UST sa matinding palitan ng puntos kay Kacey dela Rosa ng Blue Eagles.


Ipinasok ng Tigresses ang unang apat na puntos ng pangalawang quarter para sa 36-20 bentahe subalit hindi pa sila tapos. Patuloy ang mainit na laro ni Pastrana at sinamahan siya ng mga kapwa beteranang Ana Mae Tacatac, Angelika Soriano at Rachelle Ambos at ang huling talaan ay siya ring pinakamalaking agwat na 23.


Nagtapos si Pastrana na may 20 habang bumira ng apat na tres si Tacatac para sa 14. Tumalon ang DLSU sa 7-4 lamang pero bumawi agad ang Lady Falcons hanggang naging 52-37 ang talaan maaga sa huling quarter.


Pumantay ang Adamson at UST sa 2-0 at maghaharap agad sila sa Sabado sa parehong palaruan para sa solong liderato. Namuno sa Lady Falcons si Elaine Etang na may 15. Tinukoy ni Etang ang pagiging bahagi ng Gilas Pilipinas 3x3 bago ang UAAP na nakatulong ng malaki sa kanyang paghahanda lalo na sa depensa.


Samantala sa mga laro ng Junior High School Boys, tinambakan ng De La Salle-Zobel ang Adamson sa second half para maukit ang kanilang pangalawang sunod na tagumpay, 97-82.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page