top of page
Search

ni Rey Joble @Sports News | September 15, 2024



Sports Photo

Gaya ng dati, muling bumida si Scotty Hopson para isalba ang kampanya ng Converge FiberXers. Lumikha ng reputasyon bilang unang player na gumawa ng game-winning, four-point shot, pinatunayan ni Hopson na hindi ito tsamba matapos kumonekta muli ng isa na namang four-point shot para itawid ang FiberXers sa kapanapanabik na 100-99 na panalo kontra sa tila minamalas na Terrafirma Dyip sa PBA Governors’ Cup nitong Sabado ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium.


Matapos ang dalawang free throws na naipasok ni Kevin Ferrer para itulak ang Dyip sa 99-96 na kalamangan may pitong segundo pa ang nalalabi, nag-disenyo ng play ang FiberXers para sa isa na namang game-winning, four-point shot para kay Hopson. Pinakawalaan ni Hopson ang kanyang tira halos kaparehas sa lugar kung saan niya pinasakit ang loob ng TNT.


Idinagdag ni Hopson ang Terrafirma sa kanyang mga nabiktima at ang bayani ng FiberXers ay naghatid sa kanila sa ika-apat na panalo sa walong laro. Wala pa ring nakukuhang panalo ang Dyip, na nasadlak sa ika-walong sunod nilang kabiguan sa torneo.


“It’s a grind out game and a virtual playoff for us,” ang sabi ni Converge coach Franco Atienza. “Probably from here on, onwards. We just can’t seem to go on anything going. It’s just so nice that the guys didn’t give up. It was like the lightning struck twice, but Scotty Hop was there. It’s a testament on how he works on it. How he is as a player.”


Naglalaro man na may injury, pilit pa ring tinutulungan ni Hopson ang kanyang koponan pero habang ika-ika ang import sa patuloy na paggabay sa Converge, si Schonny Winston naman ang pumarada para sa opensa ng FiberXers. Nagtala ng 19 puntos ang second hyera guard para pangunahan ang FiberXers na naghahangad na makabalik sa playoffs sa unang pagkakataon simula ng magpalit ng coaching staff.

 
 

ni Rey Joble @Sports News | September 14, 2024



Sports Photo

Para kay Rain or Shine coach Yeng Guiao, sukatan pa rin ang Barangay Ginebra at napatunayan ito ng beteranong tagasanay at ng dating walang talong Elasto Painters matapos silang ilampaso ng pinakapopular na koponan sa PBA, 124-102, nitong Biyernes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.


Ipinakita ng Gin Kings kung gaano sila ka-explosibo sa pagresbak sa koponan na nagbigay sa kanila ng pagkatalo noong kanilang unang sultada sa group phase elimination round. Anim na players, sa pamumuno ni Justin Brownlee, na nagpakawala ng 40 puntos, kabilang ang nakamamanghang 5-of-6 shooting mula sa three-point area, at may dagdag pang 10 rebounds ang siyang gumiya sa Ginebra sa paggapi sa Rain or Shine, na nalaglag sa 5-2 record at naantala ang pormal na pagpasok sa playoff round.


Aminado si Guiao na ang naturang pagkatalo ay nagbigay sa kanila ng realidad kung gaano kalakas ang koponan na hinahawakan ni coach Tim Cone. “You can have one bad, game, two bad games, but you don’t have to lose respect on yourselves,” ang sabi ni Guiao.


“Yung sa San Miguel loss namin, even if we lost that game, maganda pa rin yug feeling mo. Pero if you lost by 20-plus points, puwedeng mag-dampen yung spirits mo, puwedeng makababa ng morale.”


“We just have to be careful on how to treat this and keep on finding ways to keep our momentum going,” dagdag pa ni Guiao. “To think of something positive coming out from this loss.” Malaking epekto sa panalo ng Ginebra ang kanilang mainit na shooting, kung saan may kabuuang 17 three-point shots silang nakonekta.


Pinakamaring tres na pinakawalaan si Stephen Holt, ang bagong salta sa Ginebra na nanalo ng Rookie of the Year award. Sinungkit mula sa Terrafirma kapalit ng mga beteranong sina Christian Standhardinger at Stanley Pringle, anim na three-point shots ang naipasok ni Holt para tumapos na may 18 puntos.


Bukod sa nagbabagang kamay nina Brownlee at Holt, mainit rin ang laro ni Rhon Jay Abarrientos na may apat na three-point shots para tumapos ng 14 puntos. Nagambag naman si Japeth Aguilar ng 21 puntos, na kadalasan ay nanggaling sa ilalim habang 17 naman ang naipon ni dating Most Valuable Player na si Scottie Thompson. May 13 naman na naidagdag si Maverick Ahanmisi.

 
 

ni Rey Joble @Sports News | September 13, 2024



Sports Photo

Gaano nga ba ka-importante ang four-point shot? Sa nakaraang mga laban, nakita natin ang kahalagahan ng bagong rule na ito ng Philippine Basketball Association kung saan nagsilbing tungtungan ito para magtagumpay ang mga koponan sa kasalukuyang Governors’ Cup.


Pinagtatawanan man ng karamihan sa umpisa, tila naging henyo naman ang PBA sa kanilang bagong imbensiyon kung saan tinulungan nito ang mga koponan na magkaroon ng mas malaking tsansa na manalo. Noong Agosto 27, naitawid ng Converge ang kapanapanabik na 96-95 na panalo kontra TNT. Ilang players rin ang sumubok at ginamit itong bagong sandata na maituturing.


May isang Linggo na ang nakakaraan ng makabingwit ng foul ang rookie na si Felix Lemetti ng Rain or Shine mula sa beteranong si Cris Ross ng San Miguel at nagawang ipasok lahat ng kanyang apat na free throws na kamuntik na magtawid sa Elasto Painters sa panalo hanggang sa naisalba ng isang game-winning, buzzer-beating jumper ni June Mar Fajardo ang Beermen at maiahon sa bingit ng disgrasya.


Nitong Huwebes ng gabi, si Paul Lee ng Magnolia naman ang gumamit ng four-point shot para bitbitin ang Magnolia sa krusyal na 99-98 panalo kontra Terrafirma. Lamang ng dalawang puntos ang Terrafirma, nagpakawala ng four-point shot si Lee para maagaw ng Magnolia ang kalamangan, 97-95, may 21 segundo pa ang natitira sa laban.


Pero kaagad naming naibalik ng Terrafirma kalamangan sa pamamagitan ng step-back three-point shot, 98-97, may natitira pang 15.6 segundo sa laro. Sapat na ito para makagawa pa ng isang magandang play ang Hotshots at sa tulong ng bago nilang import, ang nagbabalik na si Shabazz Muhammad, na sumalasak at nagbigay muli ng trangko sa kanyang koponan, 99-98, pitong Segundo pa ang natitira.


Sa huli, nagawang mapreserba ng Magnolia ang panalo matapos mapaigting ang depensa sa sumunod na opensiba ng Terrafirma. Hindi man maituturing na impresibo ang kanilang panalo kontra sa wala pa ring panalo na Terrafirma na nalaglag sa 0-7 na kartada, malugod namang tinatanggap ni Magnolia coach Chito Victolero ang kanilang pinaghirapan para sa koponan.


“I know it’s an ugly win, one point, two points, three points, 20 points, as long as we’ll win the game. The important thing is we’re battling every possession since we were having a hard time executing,” ang sabi ni Victolero.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page