top of page
Search

ni Rey Joble @Sports News | Sep. 20, 2024



Sports Photo

Nagawan na rin ng solusyon ng Rain or Shine ang malaking problema kontra kina eight-time Most Valuable Player June Mar Fajardo at San Miguel Beermen matapos mailusot ng E-Painters ang impresibong 122-112 panalo sa PBA Governors’ Cup nitong Huwebes ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium.


Anim na players ang nagtala ng double figures para sa Elasto Painters sa pangunguna ni Andrei Caracut. Kinapos lang ng dalawang assists si Caracut sa pagkumpleto ng double-double game pero tumapos siya ng 20 puntos at 8 assists para pamunuan ang isa na namang balanseng opensiba ng Elasto Painters.


Double-double naman ang ipinoste ni import Aaron Fuller na may 17 puntos at 11 rebounds habang todo kayod rin si Beau Belga sa kanyang kontribusyon na 16 na puntos, kasing dami ng naiambag ni Adrian Nocum.


May 12 namang naitala si Gian Mamuyac habang 10 ang naidagdag ng beteranong si Gabe Norwood, ang playing assistant coach ng Elasto Painters. Sa limitadong oras, solido rin ang mga numero ng rookie na si Felix Pangilinan-Lemetti na may walong puntos, kabilang ang dalawang three-point shot, habang may naikubra rin siyang limang rebounds at apat na assists.


Bukod sa paghanap ng solusyon para talunin ang Beermen, napatibay din ng Elasto Painters ang kanilang tsansa na umusad sa playoffs, tangan ang No.1 seed.


Kasalukuyang nasa solo liderato ang Rain or Shine sa Pool B na may 7-2 record pero mas magiging garantisado ang pag-okupa sa numero unong puwesto kung maipapanalo nila ang kanilang laban kontra Blackwater sa huling laro ng elimination round sa Lunes sa Ninoy Aquino Stadium.


“Mabigat si June Mar, mabigat na trabaho yun para kina Beau, kina Aaron. Kailangan mong babaan ang efficiency ni June Mar. Masyado kasing mataas 'yung efficiency niya.

Whenever he catches around the lane, he’s around 70%, so if he’s not touching the ball in that area, we tried to deny him touching the ball and if he ever touched the ball, we want him to touch the ball farther away from the basket,” ang sabi ni Rain or Shine coach Yeng Guiao.

 
 

ni Rey Joble @Sports News | Sep. 19, 2024



Sports Photo

Tuluyang ibinaon ng Barangay Ginebra sa ilalim ng standings ang Phoenix matapos ang matinding pagdispatsa sa kanila, 112-96, nitong Miyerkules ng gabi sa PBA Governors’ Cup. Lumutang ang galing ng rookie ng Gin Kings na si Rhon Jay Abarrientos na nagpakawala ng 24 puntos kasama ang limang assists at isang steal at giyahan ang pinakapopular na koponan sa kanilang ika-anim na panalo sa siyam na laro.


Nalasap naman ng Phoenix ang kanilang ika-walong talo sa siyam na laro at pormal nang natanggal sa kampanya para sa playoffs. Tatlong tres at isang four-point shot ang pinaulan ng pamangkin ng PBA legend na si Johnny Abarrientos.


Apat pang players ng Ginebra ang tumapos ng double figures — Japeth Aguilar (21), Scottie Thompson (20), Justin Brownlee (13), at Maverick Ahanmisi (12). “We have to figure out how to beat San Miguel,” ang sabi ni Ginebra coach Tim Cone, na tila sariwa pa ang pinakamasaklap na talo na natamo niya sa kanyang buong karera sa liga. Tinambakan ng 49 puntos ng Beermen ang Gin Kings kamakailan lang.

 
 

ni Rey Joble @Sports News | September 16, 2024



Sports Photo

Ito ang gabi na hinihintay ni Marcio Lassiter, ang bagong three-point king ng PBA. Lumikha ng kasaysayan ang beteranong forward ng San Miguel Beer kung saan nalagpasan niya ang retiradong guwardya na si Jimmy Alapag sa all-time list ng pinakamaraming three-point shots.


Narehistro ni Lassiter ang kanyang ikatlong three-point shot sa laban, dahilan para maungusan si Alapag. Sa kasalukuyan, mayroon nang 1,254 three-point shots si Lassiter, mas marami na ng dalawa sa 1,250 ni Alapag. Ilan sa mga players na kasama sa top five ng PBA all-time three-point shots list ay sina Alan Caidic (1,242), LA Tenorio (1,225), at James Yap (1,178).


Dahil sa kumbinsidong panalo ng San Miguel, umakyat ang Beermen sa solo liderato ng Group B na may 6-2 win-loss record habang nalasap ng Gin Kings ang pangatlong talo sa walong laro. Para sa bagong three-point king, espesyal ang karangalang ito. “It’s great. There’s a lot of pressure at first, but I’m glad it’s finally over,” ang sabi ni Lassiter.


“I just want to thank God for putting me in this position and I just couldn’t thank enough the coaches and teammates for putting me in this position.” Pero hindi lang ang three-point shots na naitala ni Lassiter ang nagsilbing bagong record nitong Linggo ng gabi.


Record rin ang naiposte ng San Miguel sa kanilang 131-82 panalo kontra Ginebra at ito ang pinakamalaking tambak (49) na panalo ng Beermen sa kasaysayan ng kanilang prankisa sa PBA. Ito naman ang pinakamasagwang talong nalasap ng Ginebra simula ng sumali sa liga noong 1979 habang ang 49 namang kalamangan ang pinakamalaking talo sa buong karera ni Tim Cone bilang coach.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page