top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | Nov. 25, 2024



Photo: Kai Sotto, Brownlee at Fajardo ng GIlas Pilipinas - FIBA Asia Cup


Pupunta na ng Saudi Arabia ang Gilas Pilipinas para sa 2025 FIBA Asia Cup matapos nilang iligpit ng bisitang Hong Kong, 93-54, sa pagtatapos ng pangalawang window ng qualifiers Linggo ng gabi sa MOA Arena. Tiyak na ang mga Pinoy na nag-iisa sa tuktok ng Grupo B na may malinis na kartadang 4-0.


Nakasabay ang wala pang panalong Hong Kong sa unang limang minuto at hinawakan ang 10-9 lamang hanggang ibinura ng Gilas ang agam-agam ng kanilang mga tagahanga.


Bumira ng 13 magkasunod na puntos sina Justin Brownlee, June Mar Fajardo, Kai Sotto, Chris Newsome at ang bagong-pasok Kevin Quiambao para maging 22-9. Saglit nabuhayan ang Hong Kong at ipinasok ang unang pitong puntos ng pangalawang quarter at magbanta, 25-27, subalit nakahinga ang Gilas sa 14 na walang sagot na puntos nina Carl Tamayo, CJ Perez, Fajardo at Newsome para sa mas komportableng 41-25 agwat. Inihatid nina Tamayo, Quiambao at Mason Amos ang mga puntos upang matamasa ang pinakamalaking lamang na siya rin ang huling talaan.


Kinuha ni Coach Tim Cone ang pagkakataon na bigyan ng mas maraming minuto ang mga hindi masyadong ginamit sa 93-89 panalo sa Aotearoa New Zealand noong Biyernes sa parehong palaruan.


Nanguna sa Gilas si Tamayo na may 16 puntos bilang reserba. Sumunod na may 14 si Fajardio at 13 si Brownlee kahit hindi na siya pinasok sa huling quarter.


Double-double sa pangalawang sunod na laro si Sotto na 12 at 15 rebound at humabol sa 10 si Perez. Kumuha ng opensa ang Hong Kong mula kay Leung Shiu Wah na may 11 at Oliver Xu na may 10.


Lalakbay ang Gilas para sa pangatlo at huling qualifier sa Pebrero para harapin ang New Zealand and Chinese-Taipei. Ang FIBA Asia Cup ay gaganapin mula August 5 hanggang 17, 2025 sa Jeddah.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Nov. 22, 2024



Photo: Brownlee at Kai Sotto - FIBA Asia Cup / Instagram


Mga laro ngayong Linggo – MOA

7:30 PM Hong Kong vs. Pilipinas


Inalis ng Gilas Pilipinas ang sumpa ng Aotearoa New Zealand, 93-89, sa MOA Arena Huwebes ng gabi sa pagpapatuloy ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifers Grupo B. Ito ang unang tagumpay ng mga Pinoy sa Tall Blacks matapos ang apat na pagkikita sa mga palaro ng FIBA mula pa noong 2016.


Nagsanib-pwersa sina Chris Newsome, Scottie Thompson, Kai Sotto, Justin Brownlee at Carl Tamayo para sa 16 walang-sagot na puntos at itayo ang 72-60 bentahe bago magsara ang pangatlong quarter.


Naging sapat ito at inalagaan ito ng mabuti sa gitna ng mga tangkang bumalik ng New Zealand sa mga napapanahong buslo nina Brownlee, Sotto at Dwight Ramos. Walas matimbang sa dalawang free throw ni Brownlee na sinundan ng pandiin na tres ni Newsome para lumaki sa 91-84 ang agwat at 1:09 sa orasan.


Kahit biglang uminit ang dating Converge import Tom Vodanovich, agad nabura ito ng apat na paniguradong free throw ni Brownlee, 93-89.


Halimaw si Brownlee sa kanyang 28 puntos at 11 rebound. Double-double din si Sotto na 19 at 10 reboud habang 12 si Thompson at tig-11 sina Newsome at Ramos. Sa bihirang pagkakataon na mas matangkad ang mga Pinoy kumpara sa kalaro, dinala ng Tall Blacks ang laro sa labas at bumomba ng 10 tres pero tabla pa rin matapos ang unang half, 45-45.


Nakalaro si Sotto at nabigyan ng pahintulot matapos maumpog ang ulo habang naglalaro sa Japan at hindi siya nag-aksaya ng panahon at labanan ang mga higante ng bisita.


Susunod para sa Gilas ang pagdalaw ng Hong Kong ngayong Linggo sa parehong palaruan. Madaling iniligpit ng mga bumisitang Pinoy ang Hong Kong, 94-64, sa unang nilang tapatan noong Pebrero 22 sa Tsuen Wan Stadium.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Nov. 14, 2024



Photo: Steph Curry vs Dallas Mavericks - Instagram / GSW


Walang personalan at trabaho lang sa 120-117 panalo ng Golden State Warriors sa bisitang Dallas Mavericks sa unang araw ng Emirates NBA Cup kahapon. Puno ng emosyon ang pagbabalik ni Klay Thompson sa Chase Center subalit pinaalala ni Stephen Curry bakit siya ang may pinakamaraming three-points sa kasaysayan ng liga.


Itinala ni Curry ang huling 12 puntos ng Warriors upang makahabol galing 108-114 sa huling tatlong minuto. Matapos magbanta ang Mavs sa tres ni Quentin Grimes, 117-118, binigyan ni Thompson ng foul si Curry at ipinasok ang dalawang paniguradong free throw na may 13 segundo sa orasan.


Nagtapos si Curry na may 37 buhat sa limang tres. Nanguna sa Mavs si Luka Doncic na may 31 subalit nagmintis ang huling tres na magtatakda sana ang overtime habang may 22 buhat sa anim na tres si Thompson na naging bahagi ng Warriors mula 2011 hanggang 2024. Itinapik papasok ni Oneka Okongwu ang mintis ni Dyson Daniels na may anim na segundong nalalabi upang malusutan ng Atlanta Hawks ang World Champion Boston Celtics, 117-116.


Nanguna pa rin si Daniels na may 28 habang may 15 si Okongwu na minsan ay naging kandidato para sa Gilas Pilipinas bilang naturalisadong manlalaro. Makapigil-hininga rin ang tagumpay ng Detroit Pistons sa Miami Heat sa overtime 123-121.


Matapos itabla ng dunk ni Jalen Duren ang laro na may isang segundo pa sa overtime, 121-121, pinatawan ng technical foul ang Heat dahil tumawag sila ng labis na timeout at ipinasok ni Malik Beasley ang free throw.


Wagi ang New York Knicks sa Philadelphia 76ers, 111-99, sa likod ng 24 ni OG Anunoby.


Nabahiran ang unang laro ngayong taon ni Joel Embiid na gumawa ng 13 matapos lumiban sa unang siyam na pinagsamang pagpapagaling ng pilay at tatlong larong suspensiyon bunga ng pakikipag-away niya sa isang mamamahayag.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page