top of page
Search
  • BULGAR
  • Dec 1, 2024

ni Anthony E. Servinio @Sports | Dec. 1, 2024



Photo: La Salle Men's Team - UAAP Varsity Channel


Balik sa pamilyar na teritoryo ang defending champion De La Salle University sa 87th UAAP Men’s Basketball Finals.


Giniba ng Green Archers ang Adamson, 70-55, Sabado sa Araneta Coliseum upang itakda ang seryeng best-of-three kontra sa tinalo nila noong nakaraang taon University of the Philippines.


Galing sa 17-araw na pahinga, walang ipinagbago sa laro ng DLSU at linimatahan ang Soaring Falcons sa anim na puntos lang sa pangalawang quarter upang itayo ang 36-17 lamang pagsapit ng halftime.


Mula doon ay walang nakapigil sa Green Archers na lalong lumayo, 58-31, bago magsara ang pangatlong quarter.


Nagsabog ng 14 puntos na napipisil na MVP Kevin Quiambao at sinuportahan ni Joshua David na may 11. Kinuha ni Coach Topex Robinson na bigyan ng minuto ang mga reserba na nag-ambag ng 41 kumpara sa 27 ng Adamson.


Nanguna sa Adamson si reserba Royce Mantua na may 14 habang may 13 si Cedrick Manzano kahit napilitang umupo ng matagal bunga ng dalawang maagang foul.


Hindi rin nakalaro sina John Arthur Calisay at Anthony Fransman dahil sa trangkaso. Sinelyuhan ng UP ang tiket nila patungong Finals sa bisa ng 78-69 tagumpay sa University of Santo Tomas sa naunang laro.


Hahanapin nila ang ika-apat na titulo sa kasaysayan ng paaralan matapos ang 1939, 1986 at 2022. Nanguna sa UP sina Francis Lopez at Harold Alarcon na parehong may 16 puntos habang 13 si Reyland Torres.


Siyam na puntos lang si Quentin Millora-Brown pero humakot ng 19 rebound. Tig-12 sina Nic Cabanero, Kyle Paranada at Angelo Crisostomo para sa Tigers. Ito na rin ang huling laro sa UAAP ni Christian Manaytay na nag-ambag ng 10.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Nov. 28, 2024



Photo: Adamson University Soaring Falcons - UAAP


Mga laro ngayong Sabado – Araneta

12:00 PM Adamson vs. Ateneo (W)

3:30 PM UP vs. UST (M)

6:30 PM DLSU vs. Adamson (M)


Tuloy ang ligaya para sa Adamson University at pasok na sila sa 87th UAAP Men’s Basketball Tournament Final Four. Giniba ng Soaring Falcons ang pangarap ng University of the East sa knockout playoff para sa ika-apat at huling upuan, 68-55, sa MOA Arena Miyerkules ng gabi.


Isang determinadong UE sa likod nina Jack Cruz-Dumont at John Michael Abate ang tumalon sa 10-2 lamang dala ang bigat ng limang sunod na talo.


Subalit sinagot ito ng 14 sunod ng Adamson para makuha ang unang quarter, 16-10, sa pag-ulan ng tres nina Matty Erolon, Anthony Fransman, Emmanuel Anabo at Matthew Montebon.


Hindi pa tapos ang Soaring Falcons at ginamit ni Cedrick Manzano ang kanyang lakas para sa unang limang puntos ng pangalawang quarter, 20-10.


Nagawang bumalik ng Warriors, 20-21, subalit nandiyan pa rin si Manzano para lumayo sa halftime, 39-30. Lalong lumalim ang problema ng UE at inilabas si Precious Momowei matapos ang masamang bagsak at lamang ang Falcons, 48-38, at 3:25 sa orasan.


Biglang nawalan ng hangin ang Warriors at kinuha ng Falcons ang pagkakataon para itakda ang laro sa Sabado kontra numero uno at defending champion De La Salle University sa Araneta Coliseum Nagtapos si Manzano na may 17 puntos na pinakamarami niya ngayong taon at 11 rebound.


Sumunod si Montebon na may 13 kasama ang tres na nagtakda ng huling talaan. Maghihintay pa ang Warriors kung kailan sila makakabalik sa Final Four na huli nilang natamasa noong 2009.


Nagtala ng 15 si Jack Cruz-Dumont at tig-10 sina Momowei, Abate at Rainier Maga subalit isang free throw lang ang na-ambag ng kanilang mga reserba kay Wello Lingolingo.


Maglalaro sa kabilang serye ang University of the Philippines at University of Santo Tomas. Magsisimula rin ang stepladder playoff ng Women’s sa pagitan ng Adamson at Ateneo de Manila University.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Nov. 26, 2024



Photo: Coach Tim Cone - FIBA Asia Cup


Matapos umani ng dalawang malaking tagumpay sa 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers sa harap ng mga kababayan sa MOA Arena nitong nakaraang linggo, nakatingin si Gilas Pilipinas Coach Tim Cone sa mas malaking larawan.


Tinalo ng mga Pinoy ang Aotearoa New Zealand, 93-89, noong Huwebes at sinundan ng Hong Kong noong Linggo, 93-54. Sa gitna ng mga sigaw sa palaruan na ipasok ang paboritong si Dwight Ramos, hindi na nagsugal si Coach Cone at may pilay itong nakuha sa panalo sa Tall Blacks.


Binigyan rin ng mas maraming minuto ang mga kabataan na sina Kevin Quiambao at Mason Amos na hindi ipinasok laban noong huling laro. Isang dapat tutukan ang kanilang depensa laban sa three-points.


Nagpasok ng 18 ang New Zealand habang 10 ang Hong Kong. Malaki rin ang inaasahan kay Quiambao, Amos at Carl Tamayo na bumomba ng 16 laban sa Hong Kong matapos malimitahan sa dalawang puntos sa New Zealand.


Ang tatlo ang napipisil na kinabukasan ng pambansang koponan at malaking bentahe ang kakayahan nila maglaro ng halos lahat ng puwesto.


Mahalaga na masanay ang lahat sa sistema. Sa simula ng ensayo nila sa Inspire Sports Academy medyo kumapa ang lahat kahit ilang buwan ang nakalipas mula 2024 Olympic Qualifiers subalit nabalik din ang talas.


Sina Justin Brownlee pa rin ang nagdala ng koponan kahit hindi naglaro sa huling quarter kontra Hong Kong. Mataas din ang inangat ng laro ni Kai Sotto na naka-dalawang double-double.


Susuriin muli kung magdadagdag ng manlalaro sa listahan sa gitna ng mga pilay kay Ramos, Jamie Malonzo at Calvin Oftana. Mas pabor si Coach Cone sa kasalukuyang 15 dahil mas madali magturo sa gitna ng maikling panahon upang mag-ensayo.


Lalakbay ang Gilas para sa pangatlo at huling qualifier sa Pebrero para harapin ang New Zealand and Chinese-Taipei sa kanilang mga bansa. Ang FIBA Asia Cup ay tatakbo mula August 5 hanggang 17, 2025 sa Jeddah.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page