top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | Feb. 3, 2025



Photo: Luka Doncic at Anthony Davis - IG


Niyanig ang buong NBA ng higanteng palitan ng mga superstar kahapon at maglalaro na si Luka Doncic sa Los Angeles Lakers habang Dallas Mavericks na si Anthony Davis.  Kasama sa komplikadong transaksyon ang Utah Jazz na tiyak magbabago ng takbo ng karera sa Western Conference.

       

Hindi muna mararamdaman ang epekto ng lipatan at parehong nagpapagaling sina Luka Magic at AD. Huling naglaro si Doncic noong Pasko at napilay ang binti habang isang linggo mawawala si Davis matapos masaktan ang kalamnan sa sikmura.

       

Kahit naglaro lang sa 22 ng 49 laro ng Mavs, nagsumite pa rin si Doncic ng impresibong 28.1 puntos, 8.3 rebound at 7.8 assist. Double-double si Davis na 25.7 puntos at 11.9 rebound sa 42 laro.

       

Lumalabas na ipapadala ng Lakers si Davis at Max Christie sa Mavs para kay Doncic, Maxi Kleber at Markieff Morris. Lilipat sa Jazz mula Lakers si Jalen Hood-Schifino.

         

Bago inihayag ang palitan ay tinalo ng bisitang Lakers ang New York Knicks, 128-112.  Nagtala si LeBron James ng 33, 11 rebound at 12 assist at tanging siya at ang alamat na si Karl Malone ang mga may triple-double sa edad 40 pataas.

         

Uminit si Gilas Pilipinas Jordan Clarkson para sa 14 ng kanyang 16 sa huling quarter kasama ang apat na tres at wagi ang Jazz sa Orlando Magic, 113-99. Nagwakas rin ang walong sunod na talo ng Utah at umangat sa 11-36 subalit huli pa rin sa West.

       

Tunay na araw ng mga dehado at tinapos ng Washington Wizards ang 16 sunod na talo at wagi sa Minnesota Timberwolves, 105-103, at unang panalo mula Enero 1. Nanguna sa Wiz si Kyle Kuzma na may 31.

        

Numero uno pa rin sa West ang Oklahoma City Thunder na nanaig sa Sacramento Kings, 144-110. Gumawa ng 41 at 14 rebound si Aaron Wiggins. 

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Feb. 1, 2025



Photo: Malaking bagay ang nagagawa ni Rhenz Abando para sa Strong Group-Philippines kung saan ang 6-foot-2 forward ay isa sa leading local scorers sa impresibong 9.0 points kada laro sa 34th Dubai International Championship sa Al Nasr Club kung saan pasok na sa semis ang SGA. (sgapix)

  

Winalis ng Strong Group Athletics ang Amman United ng Jordan, 84-75, para sa kanilang pang-apat na panalo at matanghal na numero uno sa huling araw ng group stage ng 34th Dubai International Championship sa Al Nasr Club.


Kabaligtaran para sa Zamboanga Valientes na uuwing kulelat at walang tagumpay matapos yumuko sa pambansang koponan ng Tunisia, 59-95.


Nagpaulan ng tres ang SGA sa umpisa upang lumayo agad, 16-4, hanggang itakda ang halftime sa 42-34 sa mainit na kamay nina Malachi Richardson at Chris McCullough.


Naka-shoot muli si McCullough at isinalpak ni Rhenz Abando ang dunk para sa pinakamalaking lamang sa simula ng huling quarter, 70-53.


Hindi sumuko ang Amman at lumapit, 69-75. May baon pang lakas si Richardson na ipinasok ang limang paniguradong puntos at humabol ng isa pang buslo si Jason Brickman, 82-73, at isang minuto ang nalalabi.


Nagtapos si Richardson na may 24 puntos buhat sa anim na 3-points habang may 19 si McCullough bilang reserba. Haharapin ng SGA (4-0) sa quarterfinals sa Biyernes ang Sharjah (1-3) na pang-apat sa Grupo B. Kung magwawagi ang SGA ay nag-aabang ang magwawagi sa pagitan ng Tunisia (3-1) at Amman (1-3) sa semifinals sa Sabado.


Ang iba pang quarterfinals ay Al Ahli Tripoli ng Libya (4-0) laban sa pambansang koponan ng United Arab Emirates (1-3).


Kumakapit sa maliit na pag-asang makasingit sa quarterfinals, kinuha ng Valientes ang 7-4 lamang pero iyan ng hudyat para magbuhos ng 13 puntos ang Tunisia, 17-7, at tuloy-tuloy ang tambakan. Ang Tunisia ay ika-36 sa FIBA Ranking kumpara sa Gilas Pilipinas na ika-34.


Nanguna sa Zamboanga si Sam Deguara na may 16 at sina Nic Cabanero na may 14 at Prince Caperal na may 13.


 
 

ni MC @Sports News | Jan. 25, 2025



Photo: Castro at Thompson / PBA



Nagsumula sa isang 'humble beginnings' sina Scottie Thompson at Jayson Castro bago naging mga big stars ng PBA. Mga nagsimula sa wala pero nagsikap at sa tulong na rin ng ibang tao ay natupad nila na umangat ang karera at sumikat. Sa ngayon ay panahon naman para sila ang tumulong.


Sina Thompson at Castro, kasama si Filipino-Ivorian Olympian Maxine Esteban ay sumusuporta ngayon sa mga baguhang kinakalinga ni Milka Romero ng 1Pacman Partylist. “They're into sports. Alam natin, sa Pilipinas, sobrang need natin ng support sa sports, not just basketball, not just the Gilas but all kinds of sports na talagang tutulungan natin para umunlad,” ani Thompson tungkol sa pag-agapay ni Capita1 co-owner Romero.


Magkatuwang ang Barangay Ginebra guard at 1Pacman sa adbokasiya na matulungan ang mga kabataan lalo na ang mga walang kaya tulad ng ginagawa ni Esteban na suportado ang programa ni Romero na tumutulong sa mga atleta sa Olongapo na naging bahagi ng Batang Pinoy 2024.


“I think kasama na sa generation natin ngayon, alam naman natin na as long as tumutulong and as long as doing the right way, 'yung intentions nila maganda para sa sports so truly blessed 'yung mga athletes na may mga ganun, tumutulong para sa amin,” dagdag ng one-time PBA MVP.


“Maraming mga atleta na mga less privileged na hindi nabibigyan ng mga opportunity na ipakita o i-showcase yung talent nila. So, at least nariyan ‘yung 1Pacman para tulungan sila," dagdag ng two-time best point guard ng Asya.


Para kay Esteban, “It’s really my advocacy kasi kahit naman di ako pinalad na ma-represent yung Pilipinas sa Olympics, ipinangako ko talaga sa sarili ko na I want to be relevant in Philippine sports and really to help athletes here in the Philippines.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page