top of page
Search

ni Anthony Servinio @Sports | February 19, 2024



ree

Niyanig ang Philippines Football (PFL) sa paglipat ni defender Daisuke Sato sa Davao Aguilas sa pinakamalaking transaksyon ngayong taon. Determinado ang beterano ng Azkals at kanyang mga bagong kakampi na masungkit ang unang korona sa pambansang liga na magbubukas sa unang linggo ng Abril. 


Tubong-Davao ang pamilya ng 29-anyos na si Sato kaya naging madali ang kanyang desisyon sa gitna ng mas malaking alok mula sa mga koponan sa Malaysia at Thailand.  Umalis siya sa Persib Bandung ng Liga 1 Indonesia noong Enero at huli siyang naglaro sa Pilipinas noong 2016 sa Global ng dating United Football League (UFL).


Ayon kay Sato, sinubaybayan niya ang laro ng Aguilas sa nakaraang Copa Paulino Alcantara at napahanga siya kahit pumangalawa sila sa Kaya Iloilo.  Sumasang-ayon din sina head coach Aber Ruzgal at team manager Mike Atayde na malayo ang maabot ngayon ng koponan matapos ang karanasan sa Copa at mga pagbabago sa listahan ng manlalaro. 


Pangungunahan ang Aguilas ng kanilang mga banyagang Ibrahima N’dour ng Senegal at Dosso Issouf ng Cote D’Ivoire.  Pumirma rin ang magkapatid na Mun Te-su at Mun Jun-su galing Timog Korea at mga Hapon Omae So, Shoma Sato at goalkeeper Yosuke Suzuki.


Sa mga Filipino, malaki ang inaasahan kay Kart Talaroc na napipisil na magiging susunod na bituin ng Football.  Sasamahan siya ng kanyang kapatid Richard Talaroc, Jhomaray Sapal, Rendon Cielo, Gino Clarino, Marvin Briceno, Santino Rosales, Uriel Dalapo, Esa Siddiq at Kenneth Guballo. 


Maliban sa kanyang magagawa sa mismong laro, inaasahan na malaki ang magiging ambag ni Sato sa labas nito.  Kasama sa plano ang pagtatag ng Aguilas ng paaralan ng Football na ipapangalan at pamumunuan ni Sato.


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | February 19, 2024



ree


Pinatunayan ni Stephen Curry na siya ang tunay na pinakamatalas pagdating sa three-points – lalake o babae – at dinaig si Sabrina Ionescu, 29-26, sa kauna-unahang “NBA vs. WNBA Three-Point Challenge” bilang bahagi ng 2024 State Farm All-Star Saturday Night mula sa Lucas Oil Stadium sa Indianapolis.  Umulit rin bilang mga kampeon sina Damian Lillard sa Starry Three-Point at Mac McClung sa AT&T Slam Dunk. 


Unang sumalang si Ionescu, ang bituin ng New York Liberty na nakapunta na ng Pilipinas para maglaro sa 2018 FIBA3x3 World Cup sa Philippine Arena, at nagtala ng 26 puntos.  Gumamit siya ng mas maliit at magaan na bola ng WNBA subalit tumira mula sa mas malayong linya ng NBA. 

 

May 21 na si Curry papasok sa huling limang bola na may halagang tig-2 puntos.  Minintis niya ang una subalit winalis ang nalalabing apat upang tanggapin ang sinturon na hango sa iginagawad sa Boxing at Wrestling. 


Nabuo ang kakaibang paligsahan matapos magtala ng 37 puntos sa 2023 WNBA All-Star Three-Points si Ionescu na mas mataas sa marka ng NBA na 31 na unang naabot ni Curry at pinantayan ni Tyrese Haliburton noong nakaraang taon.  Tumanggap ng donasyon ang mga napiling kawanggawa ng dalawang shooter at ang NBA Foundation. 


Sa finals ng regular na Three-Points, ipinasok ng pangatlong tumira na si Lillard ang huling bola upang lampasan si KAT.  Akala noong una ay mababawi ni KAT ang titulo at minintis ni Lillard ang apat na sunod bago ipinasok ang huling bola bago ang busina.


Lumundag ang 6’2” McClung lampas kay 7’1” Shaquille O’Neal para sa kanyang nagpapanalong dunk kontra kay Jaylen Brown sa finals. 


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | February 17, 2024



ree

Igagawad ni Paranaque City Mayor Eric L. Olivarez ang mga tropeo at medalya sa mga magwawagi sa Manila International Marathon ngayong madaling araw ng Pebrero 24 sa Quirino Grandstand.  


Daraan ang bahagi ng prestihiyosong karera sa lungsod ng alkalde na pangulo rin ng Philippine Tennis Association at galing sa angkan na may malalim na kasaysayan sa sports. 


Naging kampeon na atleta at opisyal ng Tennis ang ilan niyang mga kamag-anak.  Maraming kampeonato rin ang nauwi ng kanilang Olivarez College Sea Lions Basketball varsity sa maraming torneo. 


Maliban sa mga tropeo at regalo mula sa sponsor, ang mga kampeon ay ipapadala sa Taiwan Marathon sa Nobyembre.  Lahat ng tatawid sa finish line sa takdang oras ay sasabitan ng medalya. 


Tiyak na magiging mainit ang palitan ng hakbang ng maraming banyagang mananakbo sa pangunguna ni Nasser Allali ng Pransiya na may personal na marka na 2:17:06 para sa 42.195 kilometro.  Puntirya nina Allali at ang iba pang mga bisita na magtatag ng bagong marka na mas mabilis sa 2:14:39 ni Waldemar Cierpinski ng Silangang Alemanya sa unang edisyon ng karera noong 1982. 


Samantala, aagahan ang simula ng takbuhan upang hindi makaabala sa trapiko.  Lalarga ang main event Marathon ng 1:00 ng madaling araw at may 7 oras ang nakalaan upang mabuo ito ng lahat ng kalahok. 


Ang iba pang mga kategorya at ang kanilang takdang oras ay 21 km sa 1:30 at anim na oras, 10 km sa 4:00 at 3 oras at ang 5k ay sa 4:30 a.m. Lahat ng mga mananakbo na nasa daan pa pagsapit ng 8 a.m. ay hindi na papayagang tumuloy at bubuksan muli ang mga kalsada para sa daloy ng trapiko.  


Lahat ng mga nagpalista sa sangay ng Chris Sports at Ecyy Sport Hub ay maaaring kunin na ang numero at damit.  Opisyal na nagsara ang pagpapalista kahapon. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page