top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 9, 2024


ree

Pamilyang Filipino ang pangunahing dahilan bakit umabot ng 60 taon ang pagtataguyod ng MILO ng sports sa Pilipinas. Iba ang usapan kapag ito ay pamilya ng mga matitinik na atleta tulad ng Pamilya Sison noong MILO Marathon Metro Manila Qualifier noong nakaraang Abril 28 sa Mall of Asia.


Una rito si Mommy Jo na lumikha ng ingay sa kanyang pagbabalik sa takbuhan at pumangatlo sa 10 kilometro habang umakyat din sa entablado si Kuya Caleb Ethan na nagtapos ng pang-9 sa isang kilometro para sa mga kabataan edad 12 pababa sa oras na 5:22 bilang isa sa pinakabatang kalahok.


Hindi nagpahuli si Daddy Troy at lumahok sa kanyang unang opisyal na Half-Marathon at muntikan na pumasok sa Top Ten subalit mahalaga ay sapat ang oras para mapabilang sa National Finals ngayong Disyembre sa Cagayan de Oro.


Tinapos ni Jo ang karera sa 50:55 at hinigitan lang ng mga mas batang sina kampeon Anisha Caluya (48:03) at Patricia Paglicauan (49:56). Hindi siya masyadong nakatakbo sa mga nakalipas na taon upang alagaan sina Caleb Ethan at ang bunso na si Cleo Elisha.


Unang nagkakilala sina Troy at Jo noong sila ay naging mga iskolar sa Athletics varsity ng Polytechnic University of the Philippines. Nagbunga ang kanilang pag-ibig kaya hindi nakakapagtaka kung saan nakuha ng anak ang husay sa pagtakbo.


Upang itaguyod ang bagong pamilya, nagbenta sa online si Troy ng sapatos pangtakbo na kung minsan siya mismo ang nagde-deliver gamit ang bisikleta. Kung may panahon, sumasali rin siya sa mga fun run at nagbabakasakali na makapag-uwi ng kaunting gantimpalang salapi.


Ayon kay Troy, sumasabay siya sa mga nangunguna hanggang ika-7 kilometro at tuluyang nagtapos ng ika-12 sa oras na 1:32:50. Ngayon, titingnan niya kung paano mag-ipon upang makatakbo sa National Finals kaya tuloy ang laban ng pamilya hindi lang sa mga fun run kundi sa karera ng buhay.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 22, 2024



ree

Mula sa tinatayang lampas 10,000 na mananakbo ay lumutang ang bilis nina Yoneil Enreras at Maricar Camacho sa 2024 Galaxy Watch Earth Day Run kahapon sa Mall of Asia.  


Itinanghal sila na hindi lang mga kampeon sa tampok na Half-Marathon o 21.1 kilometro kundi mga kampeon rin sa pagsusulong ng pag-alaga sa Inang Kalikasan. 


Hindi pa rin makapaniwala ng tubong Samar na si Enreras na nanalo siya dahil ito lang ang pang-apat na beses niyang tumakbo ng ganyang kalayo. Tinapos niya ang karera sa 1:18:57, malayo sa pumangalawang si Jojie Daga-as (1:24:13) at pumangatlong Jevie Avila (1:24:22). 


Dumagdag ng isa pang tagumpay sa kanyang humahabang listahan si Camacho na umoras na 1:29:47 kumpara sa mga sumunod na sina Angelie Cabalo (1:33:00) at Jocelyn Elijeran (1:38:58).  Isang madalas manalo sa mga lingguhang fun run, tinitingnan ng 36-anyos ang posibilidad na maging bahagi ng pambansang koponan si Camacho subalit kailangan niya munang maabot ang takdang mga oras na hinahanap ng PATAFA.


Inamin ng dalawang kampeon na naakit silang lumahok dahil naniniwala sila sa adbokasiya ng patakbo.  Gagamitin din nila ito bilang paghahanda sa iba pa nilang karera ngayong taon. 


Sa ibang mga kategorya, wagi sa 10 kilometro sina Jaspher Delfino (36:35), Aldrin Serrano (37:23) at Andy Pope (40:02) habang sina Kristine Santillan (45:43), Jennifer Padallan (48:27) at Angelica Lim (52:51) ang pinakamabilis sa kababaihan.  Ang 5 kilometro ang may pinakamaraming kalahok at panalo doon sina Karl Angelo Oxales (17:35), Mark Angelo Biagtan (17:36) at Chris Iblan (18:18) at sina Jyzel Mae Gabriel (23:08), Joneza Mie Sustituedo (23:18) at Maria-Me Ablando (25:15).      

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 21, 2024



ree

Patuloy ang adbokasiya ng pag-aalaga ng Inang Kalikasan sa Galaxy Watch Earth Day Run 2024 ngayong madaling araw ng Linggo, Abril 21, sa Mall of Asia.  Sa unang pagkakataon, magsasanib-puwersa ang Samsung at Runrio para sa isa sa pinaka-inaaabangang takbuhan tuwing tag-init.


Masusubukan ang kakayahan ng lahat sa tampok na kategorya ng Half-Marathon o 21.1 kilometro at 10 at limang kilometro.  Hinihikayat ang lahat na magdala ng sariling lalagyan ng inumin upang mabawasan ang kalat matapos ang karera. 


Maliban sa kinagawiang damit at numero na bahagi ng race kit, kung nanaisin ay maaaring kumuha din ng relos na tutulong sa pagtakbo.  Hindi lang oras ang masusukat nito kundi pati rin ang pulso at pintig ng puso upang magabayan ng mabuti sa bawat hakbang.

 

Pagkatapos ng karera ay papipirmahin ang mga kalahok sa Commitment Wall bilang bahagi ng kanilang panunumpa na mahalin ang planeta.  Bahagi ng mga malilikom na pondo ay mapupunta sa Tzu Chi Foundation, isang samahan na may programang itinataguyod para sa kalikasan. 


Maliban sa Earth Day Run, abangan ang iba pang handog ng Runrio sa pangunguna ng HOKA Trilogy Run Asia at National MILO Marathon na may karera linggo-linggo sa buong 2024.  Nandiyan rin ang New Clark City Marathon sa Mayo 19, Pride Run sa Hunyo 22, Gatorade Manila Half-Marathon sa Hunyo 23 at Gatorade Manila Marathon sa Oktubre 6.     

 
 
RECOMMENDED
bottom of page