ni Angela Fernando @World News | Nov. 30, 2024
Photo: Prince Mohammed bin Salman at si Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu - FB, circulated
Itinigil na ng Saudi Arabia ang pagnanais nito para sa isang malawakang kasunduan sa depensa kasama ang United States (U.S.) kapalit ng normalisasyon ng relasyon sa Israel.
Sa kasalukuyan, inihihirit na nito ang mas simpleng kasunduan sa kooperasyong militar, ayon sa dalawang opisyal ng Saudi at apat na opisyal mula sa West na nakausap ng Reuters.
Magugunitang nu'ng unang bahagi ng taon, bilang bahagi ng pagsisikap na makamit ang malawakang kasunduan sa seguridad, nagpakita ang Riyadh ng paghina sa posisyon nito ukol sa pagtatatag ng estado ng Palestine.
Binigyang-diin nito sa Washington na maaaring sapat na ang isang pampublikong pangako mula sa Israel para sa solusyon sa dalawang estado upang ma-normalisa ang relasyon para sa Gulf kingdom.
Ngunit dahil sa matinding galit ng publiko sa Saudi Arabia at sa mas malawak na rehiyon ng Middle East laban sa mga aksyong militar ng Israel sa Gaza, muling iginigiit ni Crown Prince Mohammed bin Salman na ang pagkilala sa Israel ay magiging kondisyonal lamang kung gagawa ito ng konkretong hakbang para sa pagbuo ng isang estado ng Palestine.
Samantala, patuloy na nagnanais ang Israel Prime Minister na si Benjamin Netanyahu na makamit ang normalisasyon ng relasyon sa Saudi Arabia bilang isang makasaysayang tagumpay at patunay ng mas malawak na pagtanggap ng kanilang nasasakupan sa mundo ng mga Arabo.