top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 10, 2022



Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang opisyal at pormal na pag-upo sa pamahalaan ng idedeklarang bagong pangulo ng Republika ng Pilipinas sa darating na Hunyo 30, 2022.


Giit ni Pangulong Duterte, bahagi ng kahingiang Konstitusyonal na marapat nang makapanumpa ngayong taon ang susunod na halal na pinuno ng bansa, batay sa magiging resulta ng isinagawang presidential elections, sang-ayon sa pagluklok ng taumbayan.


Ani Digong, malugod umano niyang ipapasa ang liderato ng bansa sa sinumang magiging successor nito bilang pangulo, kaakibat ang paninindigang dapat masunod kung ano ang itinatakda ng batas sa bansa.


Samantala, kasalukuyan pa ring nangunguna sa mga ulat ng resulta ng eleksiyon ng pagka-pangulo si dating Senador Ferdinand “BongBong” Marcos, Jr. na umabot na sa mahigit 16 na milyon ang lamang sa pumangalawang si Bise-Presidente Leni Robredo.


Batay ito sa partial and unofficial total election results na ngayon ay nasa 97.20% na nitong alas-11:32 ng umaga, ayon sa Comelec Transparency Media server.


 
 

ni Zel Fernandez | May 10, 2022



Nasawata ang tangkang panggugulo umano ng New People’s Army (NPA) ng mga tropa ng 49th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army sa ginanap na eleksiyon sa Albay, kahapon.


Bandang alas:5:00 ng umaga kahapon, isinumbong umano ng mga residente sa Sitio Lilibdon, Brgy. Maogog, Jovellar, Albay ang limang armadong teroristang komunista.


Kasunod nito, agad na nakaengkuwentro ng mga tropa ng Philippine Army ang mga tinukoy na NPA.

Pahayag ni Major General Alex Luna, Commander ng 9th Infantry (SPEAR) Division at ng Joint Task Force Bicolandia (JTFB), sa tulong ng mahigpit na seguridad na ipinatupad ng pamahalaan ngayong 2022 National and Local Elections ay naging matagumpay ang operasyon ng kasundaluhan kontra NPA.


Narekober umano sa encounter site ang isang M16 rifle, isang Cal. 45, mga gamit pangkomunikasyon at mga personal na gamit ng mga kaaway, makalipas umano ang walong minutong palitan ng putok sa pagitan ng mga rumespondeng sundalo at ng mga NPA.


 
 

ni Zel Fernandez | May 10, 2022



Kasunod ng mga batikos matapos sulatan ang armchair na ginamit sa presintong pinagbotohan kahapon, nagpaliwanag si vice-presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte.


Nilinaw ng kampo ni Mayor Sara Duterte, ang isinulat nito sa arm chair ng eskuwelahan kung saan siya bumoto ay kahilingan mismo ng pamunuan ng Daniel R. Aguinaldo National High School (DRANHS) sa Davao City.


Paglalahad ng Hugpong ng Pagbabago Regional Party kung saan tagapangulo si Mayor Inday, ang mga katagang “Mahalin natin ang Pilipinas” ang isinulat ni Mayor Inday kalakip ang lagda at petsa ng pagboto nito kahapon ng Mayo 9, 2022. Bilang kapalit ay nagbigay ng limang upuan bilang donasyon si Inday Sara.


Samantala, ang naturang upuan ay ilalagak naman umano sa museo ng paaralan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page