top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 10, 2022



Nailigtas na kagabi ang pitong (7) pasahero ng tumaob na bangka sa karagatan ng Bongao, Tawi-Tawi sa pagsaklolo ng mga tropa ng 2nd Marine Brigade ng Joint Task Force Tawi-Tawi.


Naatasang magsundo at mag-escort sa mga board of election inspector at vote counting machines mula sa Lato-Lato Elementary School ang mga sundalo nang matagpuan nila ang tumaob na bangka sa Brgy. Lato-Lato.


Ayon sa ulat, bandang alas-7:20 ng gabi nang mamataan ng mga sundalo sa laot habang nakakapit sa tumaob na bangka ang pitong biktima na kinilalang sina Nurkaiza Maduid, 42; Nadania Aripin, 31; Sherie Abdulasan, 52; Arzaida Monteron, 33; Apra Tuanpanis, 12; Omar Tuanparis, 29; at Sadeeq Taunparis, 30.


Pawang mga mula sa Brgy. Lamion ang mga biktima na agad dinala ng mga tropa sa headquarters ng 82nd Marine Corps sa Lamion wharf kung saan binigyan ng Forward Support Medical Team (FSMT-33) ng medical assistance ang mga biktima.


Dahil dito, pinapurihan ni 2nd Marine Brigade Commander Brigadier General Romeo Racadio ang mga tropa sa pagresponde ng mga ito sa mga kababayang nangangailangan ng saklolo, habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa araw ng eleksiyon.


 
 

ni Zel Fernandez | May 10, 2022



Kasunod ng pangunguna sa bilangan ng mga boto para sa pagka-bise presidente, nanawagan si frontrunner Mayor Sara Duterte sa publiko na tanggapin kung sinuman ang maihahalal na mga bagong lider ngayong 2022 National and Local Elections.


Ayon sa panayam sa alkalde, dapat aniyang magkaisa ang mga mamamayan ng bansa at suportahan ang sinumang mananalo sa eleksiyon hangga’t ang pagkapanalo ay nabilang nang tama at hindi nadaya ang boto ng taumbayan.


Gayundin, nakahanda na umano si Inday Sara na manungkulan at magtrabaho sa pamahalaan kahit na iba pa o hindi ang kaalyadong si BongBong Marcos ang manalo sa pagka-pangulo ngayong eleksiyon.


Dagdag pa rito, kahit hindi aniya siya mabigyan ng posisyon sa gabinete ay isusulong pa rin niya ang pagsasagawa ng peace-building activities partikular sa mga paaralan, kasabay ang paglilingkod nang tapat sa bayan bilang bagong bise presidente ng mga Pilipino.


 
 

ni Zel Fernandez | May 10, 2022



Buo ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis at militar ng bansa na tatalima ang mga ito sa kanilang mandato at hindi umano magpapagamit sa sinumang magtatangkang mapigilan ang pag-upo ng maihahalal na bagong pangulo ng Pilipinas.


Pahayag ng Punong Ehekutibo, kumpiyansa umano siya at walang halong pagdududa na hindi hahayaan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na mamayani ang kaguluhan sa nalalapit na post-election, kasabay ng pananatiling matapat ang bawat isa sa kanilang sinumpaang tungkulin sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.


Giit ng pangulo, huwag aniya sanang malimutan ng mga nagpaplanong manggulo sa maihahalal na susunod na lider na siya pa rin ang kasalukuyang pangulo ng bansa at hindi niya hahayaang umusbong ang anumang uri ng kaguluhan sa proklamasyon ng papalit na pinuno ng Pilipinas.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page