top of page
Search
  • BULGAR
  • May 11, 2022

ni Zel Fernandez | May 11, 2022


ree

Namaalam na ang sikat na celebrity make-up artist at stylist na si Fanny Serrano sa edad na 72.


Batay sa blog post ng Pageanthology 101 nitong umaga ng Mayo 11, 2022, “The whole Philippine fashion and pageant community mourns by the sudden demise of renowned make up artist, designer and actor FELIX MARIANO FAUSTO JR or popularly known as Tita Fanny Serrano. Rest in Power.”


Noong Setyembre 2016, lumabas ang balita na inatake ng stroke si Tita Fanny at isinugod sa Quezon City's Philippine Heart Center. Doon ay itinuring umano nito na milagro ang kanyang naging paggaling.


Kalaunan, napabalita rin na naka-life support umano si Tita Fanny, ngunit patuloy din ang naging medikasyon na nagpabuti sa kalusugan at lagay nito.


Matatandaan naman na noong 2021, sa kanyang IG post ay emosyonal na humingi ng panalangin si Megastar Sharon Cuneta para sa paggaling ng malapit nitong kaibigan na dumanas umano ng “massive stroke”.


Gayunman, wala pang inilabas na pahayag ang mga kaanak at malalapit na kaibigan ng sikat na makeup artist sa sanhi ng pagkamatay nito.


Mula sa pamunuan ng pahayagang BULGAR, kami po ay nakikiramay sa mga naulila ni Fanny Serrano. Rest in peace, Tita Fanny.


 
 

ni Zel Fernandez | May 11, 2022


ree

Kasunod ng naging pag-aaklas ng ilang mga kabataan at manggagawa sa harap ng opisina ng Comelec bunsod ng kasalukuyang resulta ng halalan, nakiusap ang Philippine National Police (PNP) sa mga raliyista na gawin ang kanilang kilos-protesta sa tamang lugar.


Ani PNP Director for Operations at Deputy Commander ng Security Task Force for National and Local Elections, P/MGen. Valeriano de Leon, hindi anila pipigilan ang anumang uri ng pagkilos lalo na kung bahagi ito ng malayang paghahayag ng saloobin na naaayon sa pagiging demokratikong bansa ng Pilipinas.


Paliwanag pa ng PNP, iginagalang ng ahensiya ang karapatang maghayag ng saloobin ng bawat Pilipino, salig sa itinatadhana ng Saligang Batas.


Ngunit, apela ni De Leon sa mga nais masagawa ng mga kilos-protesta, maging mahinahon at tiyaking hindi ito magdudulot ng abala sa mas nakararami, lalo pa ngayon na halos normal na muli ang sitwasyon pagkaraan ng eleksiyon.


Kaugnay nito, nauna nang nagbabala si PNP Officer-In-Charge, P/LtG. Vicente Danao, Jr. na sakaling mayroong umanong magmatigas o magpumilit pa ring ipagsawalambahala at labagin ang batas ay gagamitin nito ang buong puwersa upang managot ang mga nasa likod ng anumang uri ng marahas na pamamaraan ng protesta.


 
 

ni Zel Fernandez | May 11, 2022


ree

Buo ang paniniwala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na naging susi sa matagumpay na 2022 national at local elections ang matibay at magandang ugnayan sa pagitan ng mga law enforcement agencies kabilang ang AFP, PNP at Coast Guard.


Kaugnay nito, binigyan din ni AFP Spokesman, Col. Ramon Zagala ng espesyal na pagkilala at papuri ang mga gurong nakatalaga sa mga presinto, sa pagiging alisto nito sa pagpapaalam sa mga awtoridad ng anumang uri ng aktibidad na posibleng maging banta sa seguridad ng halalan sa bansa ngayong taon. Katuwang din dito ang Department of Education (DepEd) Election Task Force.


Gayundin, bagaman halos patapos na ang eleksiyon sa mayorya ng mga lalawigan at probinsiya sa bansa, ayon kay Zagala, patuloy pa rin umanong nakabantay ang AFP sa pakikipag-ugnayan sa mga field commander.


Samantala, tinatayang aabot sa 70,000 sundalo mula sa Air Force, Navy at Army ang nakakalat hanggang ngayon sa iba’t ibang panig ng bansa upang makiisa at umagapay sa pagpapanatili ng mapayapang halalan, bilangan ng mga boto hanggang sa araw ng proklamasyon ng mga mananalong bagong pinuno ng bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page