top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 12, 2022


ree

Kasunod ng pagkalat ng viral video na nagpapakitang pinagpupunit ng mga unipormado ang mga balota sa Cotabato City, tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na magiging transparent umano ito sa imbestigasyon ng insidente.


Bunsod ng takot ng mga guro sa nabanggit na lungsod, umatras ang mga ito kaya nagsilbing electoral board members ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) nitong halalan.


Kaya para kay Comelec Commissioner George Garcia, "unfair" umanong sabihin na ang mga pulis ang gumawa ng pagpunit sa mga balota dahil maaari aniyang nagpapanggap lamang ang mga sangkot bilang law enforcer, ngunit hindi naman tunay na miyembro ng mga awtoridad ang mga ito.


Gayunman, kung totoo raw aniya na mga pulis mismo ang pumunit sa mga balota, hindi umano ito aksidente kundi sinadya.


Paliwanag ni Garcia, hindi aniya laging 100% ang voter turnout sa isang presinto kaya mayroong natitirang mga balota na kailangan umanong i-account sa harap ng watchers.


Paglalarawan pa nito, ang mga sobra o natirang mga balota ay pupunitin nang pahaba, hahatiin at isisilid sa dalawang magkahiwalay na lalagyan kung saan ang isa ay para sa ballot box, habang ang kalahati naman ay sa envelope na may sulat na "excess ballots".


Giit pa ni Garcia, mahalaga aniya ang naturang proseso, partikular sa mga kaso ng electoral protest, sapagkat kailangan umanong magtugma ang bilang ng mga hindi nagamit na balota sa bilang ng registered voters na bumoto sa araw ng eleksiyon.


 
 

ni Zel Fernandez | May 11, 2022


ree

Kasunod ng panawagang "academic walkout" sa mga unibersidad sa bansa, nagbabala si National Security Adviser (NSA) Hermogenes Esperon sa panganib na maaari umano itong humantong sa malawakang New People's Army (NPA) recruitment ng mga rebeldeng komunista sa mga estudyante.

Ayon kay Esperon, hindi na aniya siya nagtataka sa ganitong uri ng panawagan dahil breeding ground umano ng mga aktibista ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) na kalaunan ay nire-recruit nang maging miyembro ng rebeldeng NPA ang mga nasa kolehiyo.


“What is worse now is that you are providing the Communist Party of the Philippines, the New People’s Army and the NDF renewed ranks of the students that may now become vulnerable to recruitment,” pahayag ni Esperon.


Aniya, ang kanyang babala ay kaugnay ng panawagan ng mga umano'y militanteng estudyante sa UP na magkaroon ng “academic walkout” bilang protesta sa malaking posibilidad ng proklamasyon kay Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ika-17 pangulo ng Pilipinas.

Ani Esperon, ang NPA ay ang armed wing ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF) at diumano ay mayroon din aniyang ganitong aktibista sa faculty ng Ateneo de Manila University (ADMU) at De La Salle University (DLSU).


Dagdag pa nito, “You just allowed your institutions to become breeding grounds of recruitment into the ranks of the terrorist NPA and the CPP-NDF. This is dangerous.”


Paliwanag ni Esperon, sa ilalim umano ng martial law era, nilinlang ng communist movement ang mga mag-aaral na isulong ang aktibismo laban sa diktadurya, ngunit ang tunay umanong layunin ng mga rebeldeng komunista ay agawin ang kapangyarihan ng pamahalaan.


 
 

ni Zel Fernandez | May 11, 2022


ree

Hinikayat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko na simulan na ang paglilinis at pagkalas sa mga election-related paraphernalia, makaraan ang pangangampanya ng mga kandidato nitong 2022 National and Local Elections.


Pahayag ng MMDA, dapat nang baklasin ang mga nakadikit o nakasabit na election posters, tarpaulin at iba pang ginamit sa kampanya at itapon na ang mga ito sa tamang basurahan.


Anila, hindi tamang itapon ang mga basura ng pangangampanya kung saan-saan lamang dahil ito ay magdudulot ng pagbabara ng mga daluyan ng tubig at pagkakaroon ng polusyon.


Giit ng ahensiya, ang pagsuporta sa mga ibinotong kandidato ay dapat tumbasan o higitan ng taumbayan ng pagpapakikita ng pagmamahal at malasakit sa kalikasan.


Gayundin, mahalaga umanong pairalin ng bawat isa ang tunay na disiplina magmula sa sarili, na maipapakita sa pamamagitan ng pagkakaroon ng inisyatibong linisin ang kapaligiran, lalo sa kani-kanyang nasasakupan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page