top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 6, 2022



Mas mataas na premium rate ang ipapatupad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa darating na Hunyo.


Paglalahad ni PhilHealth Senior Manager for Formal Sector-member Management Group Rex Paul Recoter, sang-ayon ito sa nakasaad sa Universal Health Care (UHC) Law kung saan dapat tumaas ng 0.5% ang premium rates ng mga miyembro kada taon.


Kaugnay nito, aakyat na sa 4% ang kontribusyon kung saan ang mga sumasahod o kumikita ng ₱10,000 kada buwan ay dapat nang maghulog ng ₱400 PhilHealth contribution kada buwan na katumbas ng ₱4,800 kada taon.


Ani Recoter, “So, the monthly PhilHealth contribution by each individual shall be ₱400 for those earning ₱10,000 while the annual premium shall be ₱4,800. For those who are earning the ceiling is ₱80,000, the monthly PhilHealth contribution shall be ₱3,200, while the annual PhilHealth contribution shall be ₱38,400.”


Matatandaang ipinagpaliban ang premium hike sa PhilHealth noong 2021 bunsod ng pagputok ng pandemya sa bansa.


 
 

ni Zel Fernandez | May 5, 2022



Pinirmahan na ng Department of Transportation (DOTr) at ng Tokyu-Tobishima Megawide Joint Venture (TTM-JV) ang Contract Package 104 (CP104) na bahagi ng Metro Manila Subway Project (MMSP) Phase 1, na naglalayong makapagtayo ng 23,000 sqm underground Ortigas station at 17,900 sqm underground Shaw station.


Sa pangunguna ni DOTr Sec. Arthur Tugade, naisagawa sa EDSA Shangri-La, Mandaluyong ang contract signing kasama si Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa at mga kinatawan ng napiling contractor.


Bukod sa mga underground station sa Ortigas at Shaw, saklaw din umano ng naturang kontrata ang konstruksiyon ng 3.4 kilometrong tunnel mula sa Ortigas patungong Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig.


Pagmamalaki ng Department of Transportation (DOTr), ang malaking proyekto ay makapagbibigay ng 5,000 trabaho sa mga Pinoy workers.


Samantala, pirmado na rin ang Right-of-Way Usage Agreements (ROWUA) sa pagitan ng DOTr at ng iba’t ibang korporasyon upang mapabilis ang konstruksiyon ng Metro Manila Subway.


Nauna nang ibinahagi ng DOTr ang paglalarawan sa bilis, accessibility, lawak, advanced at state-of-the-art technology, at disaster-resilient features ng bubuuing Metro Manila Subway, na kinikilalang “Project of the Century” dahil sa pagsasakatuparan umano ng “50-year dream” ng transportasyon sa Pilipinas.


Sa iba pang detalye mula sa DOTr, ang Metro Manila Subway ay tinatayang mayroong haba na 33 kilometers; 17 istasyon, at magpapabilis umano ng biyahe mula Quezon City patungong NAIA, kung saan ang dating isang oras at 10 minutong biyahe ay magiging 35 minuto na lamang.


 
 

ni Zel Fernandez | May 5, 2022



Kumpiyansa umano ang kampo ni presidential candidate VP Leni Robredo na mananalo ito bilang pangulo sa darating na halalan sa Mayo 9.


Batay umano ito sa antas ng citizen mobilization at volunteer engagement na naobserbahan sa sa mga pangangampanya ni Robredo na hindi pa umano nakita sa mga nakalipas na eleksiyon.


Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, spokesperson ni VP Robredo, pinatutunayan aniya ito ng mga malalaking campaign rallies ng bise presidente kung saan daanlibo ang mga nagsisidalo at libu-libo pang mga nagsasagawa ng house-to-house campaign para sa presidential aspirant.


Gayunman, base sa pre-election survey ng Pulse Asia, nananatiling nangungunang presidential bet si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na sinundan naman sa pangalawang puwesto ni Robredo.


Samantala, umaasa ang partido ng bise presidente na aabot sa kalahating milyon o higit pa ang dadalo sa Miting de Avance nito sa Makati City sa Sabado.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page