top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 6, 2022



Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga botante na bawal umanong magsuot ng mga campaign shirts ng sinusuportahang kandidato sa eleksiyon sa Mayo 9.


Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, mahigpit aniyang ipinagbabawal ang magbihis ng anumang damit na may tatak na mukha o pangalan ng sinumang politiko sa araw ng halalan dahil maituturing umano itong pangangampanya.


Gayundin, mahigipit umanong ipinagbabawal sa loob ng presinto ang pagdadala o paggamit ng mga campaign paraphernalia tulad ng face masks, baller, pamaypay, at iba pang mga bagay na mayroong pagkakakilanlan ng mga kandidato.


Dagdag pa rito, hindi rin pinapayagan ng Comelec ang pamimigay ng mga sample ballots sa mismong araw ng eleksiyon.


Gayunman, nilinaw ni Garcia na hindi naman umano ipinagbabawal ng ahensiya ang paggamit o pagsusuot ng mga campaign colors na nagrerepresenta sa mga napupusuang kandidato.


 
 

ni Zel Fernandez | May 6, 2022



Pinakakasuhan na ang tinaguriang ‘Poblacion Girl’ na si Gwyneth Chua, matapos makitaan ng probable cause ang kaso nito sa Makati City Prosecution Office, kaugnay ng naging paglabag sa mandatory quarantine protocols noong Disyembre, 2021.


Matatandaang, naging headline ng mga balita si Chua nitong nagdaang taon, matapos lumabas sa kanyang isolation hotel sa Makati City upang makipagkita at maki-party sa mga kaibigan nito sa Poblacion, Makati at kalaunan ay nagpositibo sa COVID-19.


Kabilang din sa kaso ang security guard ng Berjaya Hotel na si Esteban Gatbonton.


Sa Berjaya Hotel nanatili si Chua nang mangagaling ito sa US at pinaniniwalaang sa tulong umano ng nabanggit na sekyu ay nakalabas ng kanyang unit si ‘Poblacion Girl’.


Ayon sa prosecution office, hindi naman umano nakitaan ng probable cause para kasuhan ang ilang mga empleyado ng naturang hotel.


Gayundin, wala umanong makitang mga ebidensiya ang prosecutor na makapagpapatunay na pinayagan ng mga hotel staff na makalabas si Chua nang araw na tumakas ito mula sa pagkaka-isolate.


 
 

ni Zel Fernandez | May 6, 2022



Umabot na sa 52 bagong overhaul na mga bagon ang magagamit sa linya ng MRT-3, matapos makapag-deploy muli ng isa pa nitong unang linggo ng Mayo.


Kasunod nito ay 20 na lamang umano sa kabuuang 72 bagon ang nakatakdang i-overhaul ng MRT-3, kung saan pinapalitan ng mga bagong piyesa ang mga depektibong components ng mga tren.


Gayundin, ang mga air conditioning system sa lahat ng mga bagon ng MRT-3 ay napalitan na ng mga bagong units.


Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 21 CKD train sets na binubuo ng 18 three-car train sets at tatlong four-car train sets na ang kayang mapatakbo ng MRT-3.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page