top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 8, 2022



Kaugnay sa naging imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, isang dating Pharmally Pharmaceutical Corporation (PPC) warehouse staff ang naglahad ng sworn statement kaugnay sa ginawang panunuhol at pagbabanta umano sa kanya ng Office of Senator Rissa Hontiveros sa pamamagitan ng abogado nitong si Atty. Jaye Bekema.


Salaysay ng testigong si Mark Clarence Manalo, nagpasya umano siyang magbigay ng sworn statement dahil hanggang ngayon ay patuloy daw siyang nakatatanggap ng pananakot mula sa kampo ng senador.


Paglalahad ni Manalo, mayroon umano siyang nakikitang mga sasakyan at motorsiklong umaaligid sa kanilang bahay, kasabay ng report ng kanyang mga kapitbahay na may mga lalaking naghahanap sa kanyang kapatid na si Veejay.


Matatandaang testigo ni Hontiveros ang kanyang kapatid sa Senate hearing kaugnay sa anomalya sa pagbili ng pandemic materials ng PPC, ngunit kalaunan ay binawi ang kanyang testimonya at nagsabing pinilit at sinuhulan lamang umano siya ng kampo ng senador.


Dagdag pa ni Manalo, bagaman noong nakaraang taon pa aniya natapos ang pagdinig ng PPC sa Senado, natatakot pa rin umano siya para sa kaligtasan nilang magkapatid, lalo at nakabinbin pa umano sa Office of the Ombudsman ang inihain nitong kasong conspiring to commit sedition, subornation of perjury, offering false evidence, at ang paglabag sa code of conduct laban kina Hontiveros at mga staff nito.


Kaugnay nito, nauna nang inamin ni Manalo na ang kapatid nitong si Veejay ang una raw nilapitan ni Atty. Bekema at ang driver ni Hontiveros na si Ryan Lazo, kung saan nakita umano niya ang P20,000 bribe money na iniabot sa kanyang kapatid. Kasunod nito ay nagpaalam na raw si Veejay na aalis at pansamantala aniyang tutuloy sa isang safehouse.


Noon na raw ikinagulat ni Manalo ang sumunod na pangyayari matapos makitang nasa telebisyon ang kanyang kapatid at nag-aakusa sa PPC.


Ani Manalo, bilang warehouse staff din ng PPC ay alam umano niyang pawang walang katotohanan ang isiniwalat ni Veejay sa pagdinig ng Senado, kaya minabuti umano nitong sumadya sa Citizens Crime Watch (CCW) upang itanggi ang naging testimonya ng kanyang kapatid.


Ayon kay Manalo, noong Oktubre ay umamin ang kanyang kapatid sa kanilang pamilya na tinanggap nito ang ‘bribe money’ mula umano sa kampo ng senador para sa anak nitong 4 na taong gulang na noon ay may sakit.


Kalaunan, maging si Manalo ay tinangka na rin umanong suhulan ngunit kanyang tinanggihan, kasunod nito ang paghahain niya ng kaso sa Ombudsman laban sa kampo ni Hontiveros noong Nobyembre, 2021.


Pag-amin ni Manalo, mula nang magsimula ang taong 2022 ay marami pa rin aniyang ‘scare tactics’ na ginagawa ang kampo ni Hontiveros laban sa kanilang pamilya matapos ang mariin nilang pagtanggi sa pakiusap ni Atty. Bekema na i-withdraw ang inihaing kaso, na nagdiriin sa kampo ni Hontiveros sa anomalyang kinasasangkutan nito sa Pharmally.


Ang pagbibigay-salaysay umanong ito ni Manalo ay upang maipaalam sa publiko ang mga pangyayari, kaakibat ng proteksiyon sakali mang may mangyari sa kanya.


 
 

ni Zel Fernandez | May 8, 2022



Matapos ianunsiyo ng PhilHealth ang nakatakdang pagtaas ng buwanang kontribusyon ng mga miyembro nito, umapela si Senador Joel Villanueva na kailangan na rin aniyang maningil ng taumbayan kaugnay sa kinasasangkutang isyu ng ahensiya.


Paglalahad ng senador, kabilang umano sa mga tanong na dapat sagutin ng PhilHealth ang mga hakbang na ginawa at ginagawa ng PhilHealth upang maresolba ang mga anomalyang naungkat sa panahon ng pagdinig ng Senado.


Ani Villanueva, dapat din umano na ang kahingiang dagdag-kontibusyon sa PhilHealth ay maging katumbas ng pinagbuting health services na mapapakinabangan ng bawat miyembro ng ahensiya, tulad ng pagkakaroon ng mas malawak na outpatient drug benefit at emergency package ng PhilHealth batay sa Universal Health Care (UHC) Act.


Dagdag pa ng mambabatas, kapansin-pansin na mistula umanong pasakit sa mga mamamayan ang taas-singil sa PhilHealth contribution sa halip na maramdaman ang serbisyong nakukuha sa PhilHealth.


Giit ni Villanueva, ang Universal Health Care Law ay naisabatas para mabigyan ng de-kalidad na healthcare system ang mga Pinoy at hindi upang pagyamanin ang PhilHealth.


 
 

ni Zel Fernandez | May 7, 2022



Nakapagtala ng 166 na panibagong kaso ng dengue nitong Abril 24-30 ang lungsod ng Zamboanga sa walong magkakasunod na linggo na sinasabing lumagpas sa epidemic threshold level ng naturang sakit.


Batay sa datos ng City Health Office (CHO), mas mataas nang 3,220% ang naitalang kaso nitong morbidity sa ika-17 linggo ng taon, sakop mula Abril 24-30, kumpara sa bilang nito sa nakaraang taon na nasa limang kaso lamang ang dengue.


Ayon sa pinakahuling tala ng CHO, nitong katapusan ng Abril ay umakyat na sa 1,659 ang kabuuang bilang ng dengue cases sa lungsod kung saan 14 umano sa mga tinamaan ng sakit ang naiulat na nasawi.


Samantala, patuloy pang binabantayan ng lokal na pamahalaan ang mga clustering ng mga kaso sa komunidad at pinalalakas pa ang fogging activities sa mga lugar at barangay na mayroong mataas na kaso ng dengue upang maiwasan ang patuloy pang pagtaas ng bilang ng mga dinarapuan nito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page