top of page
Search
  • BULGAR
  • Aug 17, 2021

ni Lyricko Seminiano - @What's In, Ka-Bulgar | August 17, 2021



Pilipinas, ano, kumusta ka na?

Sa panahon ng kasaganaan ay tapos ka na ba?

Dahil kahit na magsumikap ay kapos talaga,

kaya sa pagsigaw ng katarungan ay paos ka na nga.


Ang bayang Pilipinas kong minumutya,

pinipilas ninyo’t kinukutya,

sinisira at pinupuksa,

nililimas ninyo’t tinutusta.


‘Yung bansang dating malusog, biglang naging sakitin,

kaya karitin na ‘yung dapat na karitin,

dahil ‘di lang taumbayan, pati gobyerno, may mali rin,

sa mismong bayan mong sinilangan, ikaw pa mismo ‘yung alipin.


Ang kasarinlan na minsang ipinaglaban ng ating mga bayani,

tila nilipad na lang ng hangin na parang piraso ng dayami.

Alam n’yo ‘yung nakakalungot at kakatakot?

‘Yung pinilit nila tayong mapalaya pero ngayon pilit tayong nagpapasakop.


Kaya muling ginamit ang angking galing,

upang ihayag ang aming daing.

Hindi ko nais ng gulo at wala rin sanang pikunan.

Inilalahad ko lang ‘yung nakikita ko sa ‘ting lipunan.


Kaya meron akong katanungan,

Nasaan ang katarungan?

Napakalaki ng utang tapos ating lupa ang kapalit,

‘yan ang dahilan ng mga luhang mapait.


At upang makamit,

ang kanilang mithi, sa una, animo’y mga tupang mabait,

ang mga buwaya na sakim kaya sana ating kusang mabatid,

na ‘yan ang katotohanan na lubhang masakit.


Mga talukap ng mata n’yo, siguro nakababa ‘yan, ‘no?

Kaya ‘di n’yo nakikita ang paghihirap ng kababayan n’yo.

Inipon ko nang kay tagal itong tugma,

para mabigat ‘pag isinampal ko sa makakapal ninyong mukha.


Panahon na naman ng halalan kaya mga namumulitika,

panay ang pagpapasikat at nangungulit sila,

tanging iniisip lang naman ay ‘yung mga mauumit nila.

Nasa ating desisyon kung ‘yung nakaraan, mauulit ‘di ba?


Sa kabila ng panahong moderno’t makabago,

sila’y walang ipinagbago, puro komento’t panggagago.

Ang kailangan po namin ay solidong pagbabago,

at isang gobyernong makatao.


Sana ay magsilbi ‘tong tanda,

na ang maling boto ay ‘di lang sa daliri ‘yung mantsa,

kaya ito ang napili kong paksa,

upang imulat na ikaw dapat ang bida sa sarili mong bansa.

 
 
  • BULGAR
  • Feb 3, 2021

ni Hedaya - @What's In, Ka-Bulgar | February 3, 2021


ree


Maraming taon na ang lumipas

at aaminin ko na.

Ikaw ay narito pa at oo na,

umaasa ako na ako'y mahal mo pa.


Hindi ko maipaliwanag ang nadarama

sa tuwing ang pangalan mo'y maririnig

sa mga kaibigan ko't kakilala.


Muli tayong nagtagpo

sa panahong ako'y nagtatago.

Pilit na inililihis ang atensiyon,

pero pilit ding pinagtatagpo ng panahon.


Mahal, ito na ang huling pagkakataon

na tatawagin kitang 'mahal'.

Wala mang pag-asa na tayo'y maging isa,

malaman mo sana na ika'y mananatiling mahalaga.

 
 
  • BULGAR
  • Dec 20, 2020

ni Raphael Pesebre - @What's In, Ka-Bulgar | December 20, 2020


ree


Tanong ko, tanong ninyo, ito ba’y tadhana?

Sakit, kalamidad, trahedyang tumama,

saan nanggaling, saan nagsimula?

Resulta’y kapabayaan o pagsasawalang-bahala.


Unang dumating nakamamatay na pandemya,

pilit dinidiskubre medisinang kaaya-aya.

Nabalot ng takot ang pusong dating masaya,

naiisip na mahawa ang buong pamilya.


Matinding unos ang sunod na humambalos,

sinapit ng marami, sadyang kalunus-lunos.

Binaha, inanod, kabuhayan ay naubos,

nausal ay pasalamat sa tulong na bumuhos.


Pakinggan aking pagsusumamo,

mga nangyayari sa isip ko’y ‘di klaro.

Hiling na paliwanag sa galaw ng mundo,

talaga bang ganito, sunud-sunod na delubyo?


Dalangin ko’y hawakan, huwag pabayaan.

Tulad ng Iyong pangako sa sangkatauhan,

titingnan, aalagaan at pakakaingatan,

walang hanggang pagmamahal sa amin ilaan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page