top of page
Search
  • BULGAR
  • Jun 18, 2022

ni Kaizen - @What's In, Ka-Bulgar | June 18, 2022


Luluhod sa pag-ibig mo kahit pa malunod. (A)

Kakanta kahit pa masintunado sa mga nota. (B)

Sasayaw kahit pa masagwa ang bawat bitaw ng mga galaw. (C)

Tatagay at tatagay kahit pa umuwi pang luluray-luray. (D)


Bilang patunay lang na handa kong gawin ang lahat,

Lulunukin ang mga sandaling may tamis at alat.

Ilang guhit man o lamat ako’y nagpapasalamat

sa lahat kahit sa oportunidad na hindi ko nakagat.


Magpapasalamat kahit sa sandaling iyong ipinagkait,

Mga sandaling malayo ka kahit tayo’y magkalapit,

Sandaling bakit ba hindi ko nagawang ipilit,

Dahil ba alam kong mararamdaman ko itong sakit?


Sakit na alam kong hindi ko makakayanan.

Naging saglitan lang ang taong dapat pangmatagalan.

Bakit naging sakitan itong ating pagmamahalan?

Pagmamahalang nauwi na lang sa murahan at sumpaan.


Dahan-dahan akong pinapatay sa pagbitaw mo na biglaan,

Biglaang nag-iba ang storyang ating natutunghayan.

Nabitawan ang mga pangakong ating pinanghahawakan.

Hawak ko na lang ay panyo para ang sariling luha’y mapunasan.


Luluhod para magmakaawang ‘wag kang lumisan,

Kakanta para iparating itong aking nararamdaman.

Sasayaw kasama ka sa gitna ng kalawakan.

Tatagay dahil hindi na kita maramdaman at mahahagkan.


Iiyak na lang para mabawasan ang kabigatan,

Hihiling na sana’y panaginip lang lahat ng masakit na katotohanan.


 
 
  • BULGAR
  • Jun 14, 2022

ni Kaizen - @What's In, Ka-Bulgar | June 14, 2022


Nakakagalaw pero walang kalayaan,

Natutula na lang habang nalilipasan

Kailan na nga ba muling gaganahan

kung parating lungkot ang nakahain sa hapag kainan?


Madalas, malalim ang aking iniisip,

Kailan nga ba magbabago ang ihip?

Sa pag-asa’y nais ko nang sumilip

upang igsan na itong masamang panaginip.


Sa umaga’y tatapikin ang sarili

Sasabihing magtiis at manatili,

sa kabila ng sumisinding pighati,

paglabang muli ang aking napili.


Sa tanghali’y manghihiram ng libang

Upang matalo ang inip na panghibang

at madaig ang kabaliwang muntikang

hindi na maharang ng pagkailang.


Sa gabi’y pinipilit kong matulog

upang ang mga mata’y hindi mahulog

sa higaang puro talas at bubog

kung saan ako marahang lumulubog.


Itong kulungang walang selda,

Walang bantay, walang puwersa.

Kulungang puno ng problema

na dalamhati ang sintensya.


Pagod na akong lumangoy sa alat

ng mga luha kong ni ayaw paawat.

Nais na muling sa laya makakalakad

kaya’t kung mapagbibigyan na’y, salamat.


Salamat.


 
 
  • BULGAR
  • Jun 11, 2022

ni Kaizen - @What's In, Ka-Bulgar | June 11, 2022


Sa isang iglap, ang lahat ay bigla na lamang nagbago,

Maging ang edukasyong dating kinasanayan ko.

Dati-rati ay gumigising pa nang maaga upang maligo.

Ngayon ay haharap sa laptop at maghapong nakaupo.


Dati-rati, ako’y excited pumasok dahil bukod sa baon,

May mga kaklase akong makakasama sa maghapon.

Ngunit ngayon, laging nakaharap sa cellphone,

Nakikinig kay teacher habang naka-earphone.


Kung minsan ay mahina pa ang connection ko.

Kaya kung minsan ay nahihirapang sumabay sa leksyong ‘to.

Ngunit gayunma’y ilalaban ko,

Upang ‘di mapag-iwanan at para matuto ako.


Habang leksyon ng guro’y tuloy-tuloy na tumutugtog,

Na tila ba isang hele sa aking tenga ang tunog.

Kaya minsan ay ‘di maiwasang makatulog

Magigising na lang bigla kapag ang cellphone na’y nahulog.


Kung minsan din ay ‘di masyadong makapagpokus,

Lalo’t bahay namin ay tabing kalsada lang halos.

Marami ring ingay, galaw at kaluskos

Ng mga kasama sa bahay na ‘di na natapos.


Nakakapagod na magsagot ng modules na ‘di nauubos,

Sa dami ay utak ko na ang napupulbos.

Sa paghabol ng deadlines ay naghihikahos,

Ngunit ang pagsisikap at sipag ay aking ibubuhos.


Aamining nalulungkot at nalulumbay kung minsan,

Humihiling na bumalik na ulit ang kinagisnan.

Upang mas mahasa pa itong aking kasanayan,

At mas lumawak at umunlad pa ang aking kamalayan.


Kahit minsan ay garalgal at mahina ang signal,

Kahit ang load ay pamahal nang pamahal.

Kahit pa ako’y maghapon nang nakasandal,

Itutuloy ko pa rin ang pagkatuto at ang aking pag-aaral.


Halo-halo man ang emosyon dahil sa mga pagbabagong naganap,

Ang saya sa pag katuto ma’y naging mailap.

Hindi ako titigil at patuloy na mangangarap.

Haharapin ko ang mga modules na ito para sa aking magandang hinaharap.


Ako’y naniniwalang ang “new normal” at “online class”

Ay muling magiging “normal class”.

Darating ang oras na makalalabas na muli sa seldang walang rehas,

Upang ang natutunan ko sa loob ng aking silid ay akin nang maipamalas.


Laban hangga’t may bukas,

Laban lang sa online class!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page