top of page
Search

ni VA @Sports |  April 2, 2024



ree


Isang professional boxer ang nakatakdang makasama ng national boxing team sa gagawin nilang pagsabak sa huling boxing qualifying tournament para sa Paris Olympics na gaganapin sa Bangkok sa susunod na buwan.


Inimbita ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) si Criztian Pitt Laurente sa isang box para sa men’s 63.5-kg division kung saan nanaig siya kontra kay Mark Ashley Fajardo na nauna nang nabigo na magkamit ng tiket para makasama sa Paris matapos ang round-of-16 exit sa nakaraang Busto Arsizio qualifier noong Pebrero sa Italya. “Tinanggap ko 'yung offer kasi isang malaking oportunidad ito para sa akin," pahayag ng 5-foot-8 na si Laurente na may malinis na rekord na 12-0, panalo-talo kabilang na ang 7 knockouts sa loob ng apat na taon niyang pagiging pro. Dating ABAP boxer noong 2015-2019, makakasama ng 24-anyos at tubong General Santos City sa pagsabak sa huling qualifier sa Bangkok sa Mayo 23- Hunyo 3 sina Tokyo Olympics flyweight silver medalist Carlo Paalam, women’s middleweight Hergie Bacyadan at flyweight Rogen Ladon.


Tatangkain nilang mapahanay sa mga nauna nang nag-qualify na sina men’s light heavyweight Eumir Felix Marcial, women’s featherweight Nesthy Petecio at women’s flyweight Aira Villegas sa Paris. Naging gold medalist sa 2016 Children of Asia tournament sa Yakutsk, Russia si Laurente at bronze medalist sa 2018 Asian Boxing Confederation Youth Championship sa Bangkok. Nagwagi rin siya ng gold medal noong 2012 at 2014 Palarong Pambansa gayundin sa 2016 Philippine National Games.


Ang huli niyang laban ay noong Marso 2023 sa South Korea kung saan tinalo niya ang Mongolian na si Munkhdalai Batochir sa isang non-title fight. Samantala, maliban sa kanyang ama na si Cristino, suportado rin si Laurente ng kanyang promoter na si Gerry Peñalosa sa pag-abot sa kanyang pangarap na makalaban sa Olympics.


 
 

ni VA @Sports | March 28, 2024



ree


Umalis kahapon -Miyerkules Santo si Hidilyn Diaz-Naranjo patungong Phuket, Thailand para sa misyong makakuha ng target na Olympics berth sa idaraos na pang-anim at huling qualifier para sa Paris Games- ang International Weightlifting Federation (IWF) World Cup na magsisimula sa Lunes- Abril 1-11.


Makakasama ng Tokyo Olympics women’s -56 kgs gold medalist na makikipagsapalaran sina Vanessa Sarno, Rosegie Ramos at John Febuar Ceniza gayundin ang Tokyo Olympian na si Erleen Ann Ando na sasabak din sa women's -59 kgs class kung saan sasalang si Diaz-Naranjo. “They have to give their best in this tournament because this is mandatory and it’s the most important of the qualifiers,” Samahang Weightlifting ng Pilipinas pahayag ng kanilang trainer at coach na si Antonio Agustin.


Kinakailangang pasok sina Diaz-Naranjo sa top 10 ng kani-kanilang weight classes para mag-qualify sa Paris.


Isa lamang kina Diaz-Naranjo na kasalukuyang ranked No. 8 at Ando na nasa 10th spot ang makalahok sa Paris dahil ayon sa panuntunan ng Olympics, isang atleta lamang kada weight class ang maaaring kumatawan sa kanilang bansa.


Bukod kina Ramos at Sarno na sasalang sa Lunes, Ceniza na sasabak sa Martes at Diaz-Naranjo na lalaban sa Miyerkules, lalahok din sa torneo si Kristel Macrohon sa women’s 71 kgs na huling sasalang sa Abril 7.

 
 

ni VA @Sports | March 22, 2024



ree


Habang naghihintay ng kanyang muling paglalaro sa PBA at sa kanyang susunod na Gilas Pilipinas stint, maglalaro bilang reinforcement  ng Pelita Jaya Basketball Club sa Indonesian Basketball League si GIlas naturalized player Justin Brownlee.


Inanunsiyo ng Pelita Jaya noong Miyerkules ang paglagda sa kanila ng 3-time PBA Best Import na si Brownlee.


Nauna nang humingi ng permiso si Brownlee mula sa Samahang Basketbol ng Pilipinas at sa kanyang PBA team na Barangay Ginebra na makalaro upang manatiling nasa kondisyon.


Bibilang pa ng ilang buwn bago siya muling makalaro sa PBA para sa Kings dahil halos nangangalahati pa lamang ang PBA Philippine Cup habang sa Hulyo pa ulit magsisimula ang preparasyon ng national team para naman sa pagsabak nito sa FIBA Olympic Qualifying Tournament.Inaasahang makakatulong kay Brownlee ang paglalaro sa Indonesia para makabalik sa dati niyang porma pagkaraang mabakante ng halos apat na buwan dahil sa nangyaring pagpopositibo niya sa doping test sa nakaraang Asian Games sa China noong Oktubre.


Sa kabila ng mahabang  layoff, nakapagtala pa ito ng averages  na 21 points, 10 rebounds, 6 assists, 2 steals at 1 block kontra Hong Kong at Chinese Taipei sa unang window ng FIBA Asia Cup Qualifiers.


Makakasama ni Brownlee sa koponan ng Pelita Jaya ang mga NBA players at dating PBA imports na sina Thomas Robinson, KJ McDaniels gayundin sina Malachi Richardson at JaQuori McLaughlin at mga Indonesian national team standouts Brandon Jawato, Anthony Beane at Andakara Prastawa .


Ang kanyang unang pagsalang para sa Pelita Jaya na may kasalukuyang rekord na 7-1, panalo-talo ay bukas-Sabado, Marso 23 kontra sa  RANS Simba Bogor.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page