top of page
Search

ni MC/VA @Sports | June 26, 2024



Sports News


Target ng Quezon Province na palakasin hindi lamang ang turismo bagkus ang grassroots sports program tungo sa pagiging sentro ng ‘sports power’ sa Southern Luzon. 


Ang minimithi na mapatibay ang isang koponan sa women’s volleyball na binuo at isasabak ng lalawigan sa ikalawang Season ng Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) – na isang semi-propesyonal na home and away tournament.


Tinaguriang ‘The Quezon Tangerines’, ang team na pag-aari ni Quezon 4th District Rep. Mike Tan ay tiwalang malakas ayon kay Quezon Province Gov. Dr. Helen Tan at team manager Atty. Donn Ron Kapunan dahil binubuo ng NCAA three-peat champion St. Benilde College ang mga ito sa pangunguna nina Most Valuable Player Mycah Go at Jessa Dorog.


Head coach ang beteranong coach na si Jerry Yee. Alinsunod sa mga regulasyon sa torneo, idinagdag sa koponan ang 8 homegrown players at ang mga napili sa isinagawang tryouts ay sina Lenie Sapallo, Jasmine Dapal, Christine Joy Lubiano, Louann Latigay, at Jillian Nicole Quiambao mula sa Lucena City; Paola Alban ng Lucban, Kamille Josephine Amaka Tan ng Tayabas, at Geraldine Rae Palacio ng Pagbilao.


Kinilala ni Tan ang kahalagahan ng sports sa pagyabong at kaunlaran sa aspeto ng turismo at socio-economic, higit sa paghubog ng character ng mga bagong henerasyon ng Quezonians. 


After basketball (Quezon Huskers), nagbuo kami ngayon ng team sa volleyball para sa MPVA. Ang volleyball ay mabilis na tumataas sa mga tuntunin ng katanyagan sa mga kabataan," sabi ni Tan. 


Kasama rin sa koponan sina Zamantha Nolasco, Chenae Basarte, Clydel Mae Catarig, Fiona Naomi Getigan, Weilyn Estoque, Corrine Allyson Apostol, Cristy Ondagan, Aya Densing, Kim Alison Estenzo, Zen Basilio, Fiona Inocentes, Marygrace Borromeo, Sofia Badion, Shekaina Lleses at Shahana Lleses. Ang MPVA ay magbubukas sa unang linggo ng Hulyo.

 
 

ni Clyde Mariano @Sports | June 22, 2024


Sports News
Photo: Carlos Yulo & EJ Obiena / FB

Muling nagwagi ng gold medal ang Filipino pole vaulter na si  Ernest John 'EJ' Obiena sa katatapos na 6th Irena Szewinska Memorial sa Bydgoszcz, Poland kahapon-Biyernes (Manila time).


Nagtala ang Paris Olympics-bound na si  Obiena ng personal season-best na 5.97 meters sa loob lamang ng isang attempt upang mangibabaw sa kompetisyon.Tinangka rin ni Obiena na magtala ng bagong personal at national record subalit bigo siyang ma- clear ang taas na 6:02 meters sa loob ng tatlong attempts.Pumangalawa kay Obiena at nagkamit ng silver medal si  Emmanouil Karalis ng Greece pagkaraang magtala ng kanyang  personal-best na 5.92 meters habang pumangatlo naman para sa bronze ang home bet na si Piotr Lisek matapos magtala ng  5.75 meters. 


Target naman ni Carlos Yulo ang 2 ginto sa artistic at all-around nang kapanayamin ng media kasama si gymnastic president at dating Philippine Sports Commission Commissioner Cynthia Carrion para sa pangarap niyang hindi natupad sa Tokyo.


“Ang laban kong ito ay hindi lang para sa aking sarili, kundi para rin sa bayan at ating mga kababayan na nananalangin sa aking tagumpay sa Paris,” ani Yulo kasama ang girlfriend na si Chloe San Jose.


Nabigo ako sa Tokyo, this time, pipilitin kong magtagumpay dahil ang misyon at ultimate goal ko sa Paris ay manalo. Nothing more, nothing less,” wika ng 24-anyos na Japan-based two-time world champion at bakas sa kanya ang determinasyon na magkamedalya sa Paris.


“I am more stronger and prepared than last year. I prepared hard enough at nakahanda akong harapin ang aking mga kalaban,” ani Yulo. 


Ipinakita ni Yulo ang kahandaan nang magwagi ng gold  sa International Gymnastic Federation World Cup sa Doha, Qatar at 2024 AGU Artistic Asian Championship sa Tashkent, Uzbekistan.


Naka-3 ginto rin sa exercise, vault at parallel bars noong 2023 Asian Championship sa Doha at sa SEA Games sa Cambodia, 15th Asian Gymnastics at 10th Asian Senior Gymnastics, ginto at pilak sa 2022 edition sa Qatar at pilak sa Singapore. 


 
 

ni GA / VA / Clyde Mariano @Sports | April 22, 2024



ree

Tatlo na ang mga Filipinong gymnasts na kakatawan sa Pilipinas sa darating na Paris Olympics matapos mag-qualify ni Levi Jung-Ruivivar makaraan nitong magwagi ng silver medal sa women’s uneven bars event ng Doha, Qatar leg ng FIG Artistic Gymnastics World Cup Series noong Biyernes.


Muntik pang di umabot ng finals pagkaraang tumapos na pangwalo at huling qualifier sa naturang event, nakakuha ng iskor na 13.633 ang Fil-Am gymnast na nagbigay sa kanya ng una niyang World Cup medal gayundin ng minimithing Olympics berth.


Base sa panuntunan, tanging ang top 2 gymnasts lamang sa bawat apparatus pagkaraan ng apat na World Cup legs ang uusad sa Paris.

 

Nakamit ni Jung-Ruivivar ang kanyang Olympic seat nang pumangalawa ito sa uneven bars rankings sa natipon niyang 62 puntos. 


Bago ang Doha leg, nasa ikalimang puwesto si Jung-Ruivivar na may 44 na puntos mula sa nakolekta nyang 14 puntos sa Cairo, Egypt leg, 12 puntos sa Cottbus, Germany, at 18 puntos sa Baku, Azerbaijan. Nadagdagan ang kanyang puntos at tumaas sa 62  matapos magwagi ng silver medal na may katumbas na 30 puntos.


Si Kaylia Nemour ng Algeria ang nagwagi ng gold sa nakuha nitong iskor na 15.366 puntos.

 

Gayunman, hindi siya binigyan ng ranking points dahil qualified na siya sa Paris Games matapos magwagi sa World Artistic Gymnastics Championships noong isang taon.


Bago ang Doha leg, nasa ilalim si Jung-Ruivivar nina Jennifer Williams ng Sweden at Vanesa Masova ng Czech Republic na kapwa may tig-48 puntos gayundin ng Isa pang Swedish na si Nathalie Westlund na mayroon namang 47 puntos.

 

Sa naunang tatlong World Cup legs, hindi tataas sa 8th place ang naitalang pagtatapos ni Jung-Ruivivar. Pumuwesto syang pang-13 sa Cairo, 12th sa Cottbus at pang-8 sa Baku.


Ito na ang pinakamaraming bilang ng gymnasts na sasabak sa Olympics para sa Pilipinas makalipas ang halos anim na dekada nang katawanin nina Norman Henson at Ernesto Beren ang bansa sa 1968 Mexico City Games.                      

 
 
RECOMMENDED
bottom of page