top of page
Search

ni VA @Sports | August 25, 2024


Sports News
Photo: NCAA & UAAP / FB

Inaasahang muli na namang magiging mainit ang mangyayaring tapatan ng dalawang pangunahing collegiate leagues ng bansa na National Collegiate Athletic Association (NCAA) at University Athletic Association of the Philippines (UAAP) na kapwa nagtakda ng kani-kanilang season openers sa darating na Setyembre 7, 2024.


Ipagdiriwang ng NCAA ang kanilang Centennial season na sisimulan nila sa Mall of Asia Arena habang magbubukas naman ng kanilang 87th Season ang UAAP sa Araneta Coliseum.


Unang nag-anunsiyo ng kanilang opening para sa susunod nilang season ang UAAP sa nakaraang  closing ceremony ng Season 86. Sumunod naman ang NCAA makalipas ang isang buwan. Ang Lyceum of the Philippines University ang magsisilbing host ng Centennial o Season 100 ng NCAA habang ang University of the Philippines ang sa UAAP.


Inaasahan namang magkakaroon ng mga magagarbo, makukulay at engrandeng palabas ang dalawang liga para sa kani-kanilang opening rites.


Kaugnay nito, nagsimula na rin parehas ang dalawang liga ng iba't-ibang mga aktibidad upang i-promote ang darating nilang season.


Isa-isa ng nagdaos ng kanilang pep rally at pagpapakilala ng mga atletang kakatawan sa kanila sa iba't-ibang mga sports ang sampung member schools ng NCAA sa pangunguna ng reigning overall champion San Beda University na siya ring defending champion sa season opener event na men's basketball. Idinaos ng UAAP ang paglulunsad ng inaugural Esports tournament kung saan nagkampeon ang University of the East.  

 
 

ni VA @Sports | August 23, 2024


Sports News
Photo: Carlos Yulo, Manuel V. Pangilinan, & EJ Obiena / FB

Inanunsiyo ni business tycoon Manuel Pangilinan kahapon na ginawaran niya ng P10-million cash reward si Filipino gymnast Carlos Yulo sa pagkakapanalo ng 2 gold medals sa nagdaang 2024 Paris Olympics.


Makatatanggap naman ang coaching team ni Yulo ng P5-M mula kay Pangilinan. Sa anunsiyo niya sa X (dating Twitter) account, sinabi ni Pangilinan na bibiyayaan din niya ng tig-P2-M reward sina boxers Aira Villegas at Nesthy Petecio na nakapag-uwi ng Olympic bronze medals, plus P2 million sa kanilang coaches. "Like always, they can count on our continued support until LA 2028. Mabuhay ang atletang Pinoy! (Long live Filipino athletes!)" saad ni Pangilinan sa post.


Samantala, tumapos na katabla sa ikatlong puwesto nina Sondre Guttormsen ng Norway at Kurtis Marschall ng Australia ang Filipino pole vaulter na si Ernest John 'EJ' Obiena matapos magtala ng 5.82 meters sa Lausanne leg ng Diamond League na idinaos sa Stade Olympique de la Pontaise sa Switzerland kahapon ng madaling araw (Manila time).


Nakatig-isang attempt lamang ang tatlong pole vaulters sa nasabing taas ng baras upang umabot ng podium at makapag-uwi ng premyong $3,500 bukod pa sa qualification points para sa finals na gaganapin sa Setyembre. Ang panalo ay nagsilbing pagbawi ni Obiena mula sa naging fourth place finish niya noong nakaraang Paris Olympics.


Nagwagi naman ng gold at leg winner prize na $10,000 sa nasabing kompetisyon si 2-time Olympic gold medalist Armand Duplantis ng Sweden na nagtala ng 6.15 meters habang pumangalawa sa kanya si Sam Kendricks ng  US na nagposte ng 5.92 meters para maiuwi ang silver medal at premyong $6,000.  

 
 

ni VA @Sports | August 17, 2024


Sports News
Photo: Circulations / FB

Sa kabila ng kanyang pagwawagi ng 2 Olympic gold medals na naging dahilan sa pagbuhos sa kanya ng napakarami at naglalakihang mga biyaya, hindi pa rin kuntento ang gymnast na si Carlos Yulo.


Nais ni Yulo na madagdagan pa ang mga events na puwede at gusto niyang magwagi ng gold medals sa susunod na 2028 Los Angeles Olympics.


Ngayon pa lamang ay buo na sa isipan ng 24- anyos na Olympics champion na magwagi rin sa men’s individual at men’s team all-around events na pinagharian ng Japanese gymnast na si individual all-around gold medal winner na si Shinnosuke Oka.


“Tatargetin ko yung individual all-around medal at kung masusunod ang plano pati yung team all-around at sana pati parallel bars makapag-final," ani Yulo sa isang panayam sa TV dalawang araw pagkauwi ng bansa mula Paris. “Isa sa mga pangarap ko na manalo rin ang mga teammates ko ng medal sa Olympics. Ipinagdarasal ko yun."


Ayon kay Gymnastics Association of the Philippines president Cynthia Carrion may posibilidad na magbuo sila ng “Dream Team” na isasabak sa LA Games kung saan makakasama ni Yulo ang nakababatang kapatid na si Eldrew, Miguel Besana at ang Filipino-British na si Jake Jarman, ang nagwagi ng bronze medal sa floor exercise sa Paris.


Samantala, kabi-kabila naman ang mga pabuya at insentibong tinatanggap ni Yulo mula ng dumating sila ng Pilipinas. May dagdag pang P20-M pa mula sa gobyerno gaya ng isinasaad ng Republic Act 10699 at P14-M mula sa Kongreso.


May P6-M bahay at lupa sa Nasugbu, Batangas at P150,000 Mabuhay Miles taun-taon at panghabang buhay mula sa Philippine Airlines bukod pa ang libreng 28 domestic at international flights galing naman sa Cebu Pacific.


Bibigyan din si Yulo ng Sports betting app na Arena Plus ng P5 milyon at gayundin magbibigay si dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson ng P5-M kung magkakabati ang kanilang pamilya. Pero para kay Yulo ang pinakamahalaga sa lahat ng kanyang mga natanggap ay walang iba kundi ang dalawang gintong medalya na napanalunan niya sa Paris Games.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page