top of page
Search

ni VA @Sports | March 9, 2024



ree

Pinaghalong maganda at masama ang naging resulta ng pagsisimula ng kampanya ng Filipino gymnast na si Carlos Yulo sa 2024 FIG Artistic Gymnastics World Cup Series kahapon sa Baku, Azerbaijan.


Ang magandang balita ay umusad si Yulo sa  finals ng kanyang  paboritong event na floor exercise habang ang 'di magandang balita ay nanganganib na mawala sa kanya ang titulo sa parallel bars.Nagbabalik sa aksiyon sa unang pagkakataon mula ng huli syang sumabak sa World Artistic Gymnastics Championships noong Oktubre, nagtala lamang si Yulo ng 14.5 points sa parallel bars qualification upang malagay sa ika-9 na puwesto.


Tumabla si Yulo kay Kazuki Matsumi, ngunit nakamit ng Hapon ang pangwalo at huling spot sa final round dahil sa mas mataas nitong execution score, 8.6-8.2.


Nanguna sa nasabing event ang Chinese na si Zou Jingyuan, ang reigning Olympic parallel bars titlist at 3-time world champion matapos magtala ng 15.766 points.


Buhat naman ang tsansa ni Yulo na magwagi ng medalya makaraang tumapos na pangatlo sa floor exercise qualification at humanay sa 8-man final.


Nagtala ang reigning two-time Asian champion sa floor exercise na si Yulo ng 14.333 points para pumuwesto kasunod nina Kazuki Minami  ng Japan (14.466) at Ryu Sung-hyun ng South Korea (14.366).


Gaganapin ang floor exercise finals sa Linggo-Marso 10, araw naman ng Sabado-Marso 9 sa Baku.


Mauuna rito, nakatakdang sumalang si Yulo na nagtapos na pang-18 sa still rings sa qualification round para vault, horizontal bar, at pommel horse ngayong araw na ito.Samantala sa kababaihan, nag-qualify ang Pinay na si Levi Jung-Ruivivar sa uneven bars final matapos na pumang-6 sa qualification sa naitala nitong 13.466 points.Sina Jung-Ruivivar at Emma Malabuyo ay kumakampanya rin sa Baku para sa tangkang makasama nina Yulo at Aleah Finnegan sa Paris Olympics.       

 
 

ni VA @Sports | March 7, 2024



ree


Humakot ang Filipina middle blocker na si Alyja "Jaja" Santiago ng apat na awards bilang import ng Japanese team na JT Marvelous.Itinanghal si Santiago bilang Best Attacker at Best Blocker bukod pa sa natanggap niyang Fighting Spirit Award at miyembro ng Japanese V. League 1 Best Six Middle Blockers kung saan kasama rin ang mga kakampi niyang sina Kotona Hayashi at Annie Drews.Ngunit sa kabila ng mga nasabing karangalan, nabigo si Santiago at ang JT Marvelous sa loob ng straight sets sa kamay ng NEC Red Rockets 3-1 (27-25, 32-30, 16-25, 25-17),upang tumapos lamang na runner-up sa finals ng Japan V.League 1 noong nakaraang Linggo.


Sinuportahan si Santiago ng kanyang asawa na si Nxled Chameleons at Akari Chargers director of volleyball operations na si Taka Minowa na umuwi pa ng Japan para lamang manood ng nasabing championship game.


Nagpaabot naman ng kanilang pagbati ang koponan ni Santiago sa Premier Volleyball League (PVL) na Chery Tiggo Crossovers.


"Congratulations to our dear Jaja on yet another great season in Japan with JT Marvelous! The CHERY fam is always proud of you," mensahe ng Crossovers sa kanilang social media post noong Martes.


Samantala, bumalik din naman agad ng Pilipinas si Minowa para harapin ang kanyang tungkulin sa idinaraos na PVL 2024 All-Filipino Conference habang si Santiago naman ay inaasahang makakasama na ng Crossovers sa kanilang kampanya ngayong conference.


 
 

ni VA @Sports | March 6, 2024



ree


Rumatsada sa mga huling 75 metrong patawid ng finish line si Esteve Hora Jr. ng Standard Insurance upang pangibabawan ang men’s elite race ng Go For Gold Criterium Race Series 1 noong Linggo sa  Sacobia Bridge sa Clark, Pampanga. Nagtala si Hora ng tiyempong 53 minuto at 30.97 segundo para tanghaling kampeon ng karera. Inungusan nya sina Mervin Corpuz ng Excellent Noodles Pro Team (53:31.00) at Go For Gold Cycling Team rider Aidan James Mendoza (53:31.10) na tumapos na ikalawa at ikatlong ayon sa pagkakasunod.“Nagkaroon ako ng pagkakataon kaya sinamantala ko na.


Masaya ako kasi naipakita ko kung ano ang kaya ko," pahayag ng tubong San Manuel, Pangasinan na si Hora. Tumapos namang pang-apat ang beteranong si Ronald Oranza ng Standard Insurance na nagtala ng identical clocking kasama nina Mendoza.Nilahukan ng 400 mga siklista na nahati sa 10 magkakaibang kategorya, layunin ng kick-off leg ng 3-leg race series na ibalik ang sigla ng sport. “Quality races have significantly decreased here in the Philippines. We want to bring them back starting with this criterium series,” ayon kay Go For Gold founder Jeremy Go.


Nangibabaw naman sa women’s junior at open categories ang sprinter ng Team Bikexzone/Champbullies na si Kim Bonilla makaraang talunin ang kanyang beteranang teammate na si Jermyn Prado sa open. Naorasan si Bonilla sa open ng 49:06.07 kasunod si Prado (49:24.62) at Althea Campana (50:28.12).


Nagtala naman siya ng 40:24.48 sa junior race kung saan tinalo niya sina Maria Michaela Mandel (41:06.54) at Roselle Suarez (41:06.64).


Nanguna naman ang mga riders ng Go For Gold sa men’s junior makaraang nagtala ng 1-2 finish nina Marvic Mandac (36:38.52) at Mac BJ Arellano (36:42.67).


Ang susunod na yugto ng karera ay idaraos sa Cebu sa Hulyo para sa hangad ng Go For Gold na tumuklas ng mga bagong cycling talents sa Visayas region habang ang third leg ay gaganapin sa Mindanao sa Setyembre o Oktubre.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page