top of page
Search

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | June 14, 2022


Kakaisang buwan pa lamang mula noong ginanap ang nasyunal na halalan ng bansa. Ngunit isa na namang eleksyon ang pinaghahandaan na ng mga nais tumakbo at ‘yan ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.


Hindi pa man tapos ang bilangan para sa halalan noong May 9, marami nang bulungan hinggil sa sinasabing postponement ng barangay elections na una nang itinakda sa Disyembre 2022. Nasa 41,948 ang huling bilang ng mga barangay sa buong bansa subalit kakaunti lamang ang lumalabas upang bumoto sa eleksyon ng mga barangay kumpara sa pagboto sa nasyunal. Kaya rin siguro hindi ganun kalaki ang bilang ng mga may pakialam kung natutuloy ang barangay elections.


Ngunit mahalagang isaisip na ang resulta ng halalan sa mga barangay ay may malaking impluwensya sa resulta ng halalang nasyunal. Kalimitan, ang mga nauupong opisyal ng barangay ang susuporta sa opisyales ng lokal na pamahalaan at ang mga LGUs ang susuporta sa mga tatakbong nasyunal. Parang laro ng domino-effect ang paggalaw ng isa ang lahat.


Sa ating pagma-”maritess”, kung tuloy na nga ba ang eleksyon sa Disyembre upang maghalal ng mga barangay captains, kagawad at mga kinatawan ng Sangguniang Kabataan (SK), nakilala ko ang isang grupong kung tawagin ay ANFREL o Asian Network for Free Elections. Narito ang mga punto ng grupong ito na marapat nating pag-isipan.


Sa Pilipinas, ang ANFREL ay may miyembrong organisasyong kung tawagin ay Legal Network for Truthful Elections (LENTE). Ang LENTE at iba pang katulad na organisasyon ay naglunsad ng petisyon na nananawagan sa susunod na Kongreso na huwag ipagpaliban ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.


Pinalalakas nila ang kanilang panawagan sa susunod na Kongreso na huwag ipagpaliban ang Disyembre 5, 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (“BSKE”) sa gitna ng balitang tinitingnan ng ilang papasok na miyembro ng House of Representatives ang pagpapaliban ng BSKE para makatipid ng pondo para sa pandemya ng bansa.


Iniaatas ng Republic Act 11462 na dapat isagawa ang magkasabay na Barangay at SK elections tuwing unang Lunes ng Disyembre at tuwing tatlong taon. Ngunit sa nakaraan, ang BSKE ay madalas na naantala at ang mga opisyal ay nauuwi sa panunungkulan ng hanggang limang taon. Ang pagkaantala na ito ay sumasalungat sa pamantayan ng pana-panahong halalan, tulad ng itinatadhana sa Artikulo 21 ng Pangkalahatang Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao. Dagdag ng LENTE, na bagama’t ang pagtugon sa pandemya, dapat maging pangunahing prayoridad, ang pagsisikap na ito ay hindi dapat sumalungat sa pangunahing karapatan ng mamamayan na maghalal ng mga Pinuno ng Barangay at SK.


Lubos din anila na pagiging aktibo ng mamamayan sa naganap na May 9 elections na ipinakita bago, sa panahon at pagkatapos ng halalan na nakita sa 82.6% voter turnout. Ang mga opisyal na estatistika ng botante ay nagpapakita na ang kabataan ay may malaking papel sa pagpapasya sa susunod na mga pinuno ng Pilipinas. May kabuuang 37,015,901 ang nasa ilalim ng age bracket, na bumubuo ng 56% ng kabuuang bilang ng mga rehistradong botante. Makikita rito ang mithiin ng kabataan na magkaroon ng ambag sa kinabukasan ng bansa sa pamamagitan ng kanilang paglahok nitong kakalipas na halalan.


Sa panahon kung saan naging malakas na sandata ang social media na gamit ng kabataan, lalo na sa ating bansa, mas marami na talaga ang nakikilahok sa usaping pulitika dahil na rin sa makabagong kamulatan.


Ang barangay, ang isang basic unit ng ating pambansang demokrasya kung kaya’t taliwas sa paniniwala nang nakararaming Pilipinong hindi bumoboto tuwing barangay elections, mahalaga at hindi dapat maliitin ang halalaang ito. Sa barangay unang nilulutas ng magkakapitbahay ang mga isyu sa kanilang pamayanan kabilang na ang pagpapanatili ng kapayapaan, ang kalinisan ng paligid at kaayusan.


Ano sa tingin mo, dapat bang matuloy na ang BSKE ngayong Disyembre?

 
 

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | June 7, 2022


Binisita ulit natin kahapon ang Tagaytay kung saan tanaw ang sikat na Taal Volcano. Bakit


ito sumikat? Una sa lahat, natatangi ang anyo at lokasyon ng bulkan sapagkat ito ay matatagpuan sa isang islang nakapaloob sa isang lawa kung kaya’t libu-libo ang turistang dumarayo rito kada taon.


Pangalawa, ang Taal Volcano ang tinaguriang pinakamaliit na aktibong bulkan sa buong mundo. At dahil na rin sa pagiging aktibo ng Taal, maraming nakakilala sa kanya pagpasok ng taong 2020 dahil nauna lamang nang bahagya ang pagputok ng bulkan kaysa sa pandemya.


Matatandaang umabot sa Metro Manila ang ibinubugang abo ng Taal, habang libu-libong pamilya ang nawalan ng bahay. Isa ang inyong lingkod sa mga nanguna sa pamamagitan ng mga NGOs sa Metro Manila upang makapagpadala ng tulong noon sa mga biktima ng pagsabog ng bulkan, at ang prayoridad ay tubig, pagkain at mga damit, at sa pamamagitan ng ating mga kasamang NGOs ay patuloy na tumutulong sa mga biktima ng samu’t saring kalamidad sa bansa kapares na lamang ng binabantayan ngayong pagsabog ng Mount Bulusan sa Sorsogon. Puwersahan na ang pagpapaalis sa mga residente ng Buraburan, Sangkayon, Puting Sapa, Añog, Bacolod, Catanusan, at Guruyan.


Ano nga ba ang mga unang dapat gawin bago, habang at pagkatapos ng pagsabog ng bulkan kung ikaw ay nakatira sa paligid ng isa o nagkataong bumibisita sa lugar na may pasabog na bulkan?


Bago sumabog ang bulkan:


1. Maghanda ng emergency bag kung sakaling kailangang lumikas. Mahalagang nakapaloob sa inyong emergency bags ang sumusunod:


● N95 facemask na siyang nagbibigay-proteksiyon laban sa abong mula sa bulkan

● Mga gamot at first aid kit kabilang na ang alkohol, betadine, gunting at band aide

● Tubig

● Flashlight at baterya at kandila at posporo

● Powerbank

● Mga kopya ng mga importanteng dokumento


2. Lumikas agad kung nakatira o nananatili sa radius ng mga apektadong lugar. Maraming senyales na namo-monitor ang ahensiya nating PHIVOLCS bago ang pagsabog kung kaya’t malaking responsibilidad ng mga lokal na pamahalaan ang agarang pagbibigay ng babala sa mga nasasakupan nilang malapit sa bulkan. Kailangang may nakahandang plano at estratehiya ang LGUs upang maagapan ang pagsalba sa mga apektado ng anumang pagsabog.


3. Manatiling nakatutok sa balita upang malaman ang sitwasyon at manatiling may kaalaman sa mga lokal na planong pangkaligtasan at mga evacuation area. Alamin ang mga mapagkakatiwalaang source ng impormasyon, lalo na at nauso ang fake news sa paglaganap ng social media. Tandaan, ang maling impormasyon, lalo na sa mga ganitong sitwasyon ay higit na mapanganib.


4. May kaakibat mang panganib ang naglipanang fake news ng social media, nananatili pa rin itong napakahalagang source ng impormasyon, at higit sa lahat, isang paraan upang makahingi ng tulong sa oras ng mga sakuna, kung kaya’t huwag kalimutan mag-charge ng cell phone, electronic devices at power bank kung sakaling maputol ang kuryente.


5. Alamin ang mga disaster hotline at iba pang emergency hotline. Ilan sa mga importanteng numero na dapat naka-save sa inyong mga telepono at nakasulat sa papel na hindi mawawala ay ang sumusunod:


● PHIVOLCs – (02) 8426-1468 - 79

● National Emergency Hotline: 911

● Philippine Red Cross – 143 o (02) 8790-2300

● Pambansang Pulisya ng Pilipinas: 117

● National Disaster Risk Reduction And Management Council (NDRRMC) – (02)

8911-5061 - 65 local 100

● Bureau of Fire Protection – (02) 8426-0246


Habang sumasabog na ang bulkan:


1. Magsuot agad ng N95 mask bilang proteksiyon laban sa mga sakit sa bagang dulot nang paglanghap ng abo. Kung sakaling walang mahagilap na N95, tulad ng nangyaring shortage noong 2020 pagsabog ng Taal, basain ang panyo o tela upang takpan ang ilong.


2. Humanap agad ng masisilungang lugar sakaling bumagsak ang bato o abo. Masama rin sa balat at mata ang abo na mula sa pagsabog ng bulkan kung kayat punasan o hugasan agad ang balat sa hindi inaasahang pagkakataong ikaw ay malagyan nito.


3. Kung ikaw ay nasa loob ng bahay, isara ang lahat ng pinto at bintana.


4. Kung nagmamaneho ng sasakyan, huminto at itabi ang sasakyan sa safe na lugar.


5. Lumayo sa mga ilog o sapa upang maiwasan ang pagdaloy ng lahar.


Pagkatapos ng pagsabog:


1. Manatili sa loob ng inyong bahay hanggat wala pang abiso na ligtas nang lumabas ayon sa mga kinauukulan.


2. Ituloy ang pagsuot ng proteksiyon para sa inyong mga baga, mata at balat kapag naglilinis na ng abong dulot ng pagsabog.


3. Linisin ng tubig ang iyong mga kanal at bubong pagkatapos alisin ang abo.


Sa dami ng bulkan sa Pilipinas, hindi na bago ang mga ganitong pagsabog, subalit marami pa rin ang nakakalimot na maging handa.


Tandaan, ang pagiging handa ay malaking susi ng kaligtasan, lalo na sa panahon ng mga

sakuna.

 
 

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | March 24, 2022


Isa ang Pilipinas sa mga huling bansa sa buong mundo na nag-face-to- face classes, sa pagpapahintulot ng gobyernong subukan ang pagbabalik silid-aralan ng college students.


Nakakatakot naman talagang papasukin ang mga bata sa taas ng mga kaso ng COVID-19 noon, subalit sa pag-roll out kamakailan ng bakuna para sa 12-17 years old at pagbaba ng mga kaso ng COVID, pahihintulutan na rin ang balik-eskuwela sa elementary hanggang high school.


Malaking ginhawa ito dahil isyu sa distance learning ang mga problema sa connectivity, pandaraya ng ilang estudyante dahil hindi nasusubaybayan ng mga guro ‘pag may exam, at ang kalidad ng edukasyon na kaakibat ng matagal na remote setup.


Kampante naman ang Department of Education na magiging maayos ang pagbabalik sa limitadong face-to-face classes para sa taong 2022-2023.


Subalit mas malaki ang suliraning pang-edukasyong kinakaharap ng 80% na mag-aaral mula sa Quezon City. Ayon sa datos ng tumatakbong mayor ng QC na si Mike Defensor, 80% ng populasyon ng mga estudyante sa QC ang hindi nakapagtapos ng kolehiyo at 20% lang ang nakaka-graduate. Kung kaya’t ito ang nais nating aksyunan — baliktarin ang datos at sa halip ay maging 80% ang makapag-graduate na!


Paano? Sa ilalim ng tamang liderato, kayang-kayang maglaan ng budget mula sa lokal na pamahalaan ng alinmang syudad, hindi lamang para sa matrikula, kundi para sa allowance, school books at school supplies, uniporme at sapatos ng bata at maging sa pamasahe. Ito ay upang hindi na poproblemahin ng bata ang gastos at sa halip ay matugunan ang pag-aaral. Dahil na rin sa pagbabago ng panahon kung kailan online na halos lahat, pati ang pagsasaliksik para sa mga assignment.


Plano rin ni Defensor at tumatakbong Vice Mayor Winnie Castelo ang pamamahagi ng libreng tablet at WiFi.


Sa ating pag-eestima, hindi ito imposible dahil nagagawa na ito ng ibang mas maliliit na lungsod katulad ng Makati.


Tunay na mahalaga ang edukasyon kung kaya’t isa ito sa matagal ko nang adbokasiya. Kahit na nagtapos tayo bilang Magna Cum Laude mula sa Unibersidad ng Pilipinas, ako mismo ay naniniwalang hindi batayan ang grado ng mga bata upang magkaroon sila ng magandang kinabukasan sa pamamagitan ng edukasyon.


Kung kaya’t sa sampung taong namamahagi ang inyong lingkod bilang abang volunteer lamang at pribadong tao, ng full college scholarships in partnership sa Access College, dadalawa ang ating requirement. Una, ang katibayang nakapagtapos ng high school katulad ng diploma o transcript. Ikalawa, ang masidhing pagnanais ng batang makapagtapos ng pag-aaral upang iahon ang kanyang sarili at ang kanyang pamilya mula sa kahirapan sa pamamagitan ng edukasyon.


Kung kayo ay may anak o kakilalang taga-District 6 ng QC na magtatapos ng senior high school ngayong Marso, i-like at follow ang Facebook page nating Rikki Mathay QC upang malaman ang mechanics ng pag-a-apply. Makikita rin sa fb page natin ang iba pang programang matagal ko nang isinusulong tulad ng livelihood programs, at sa tulong ng Diyos, tuluy-tuloy nating maibaba sa mga tunay na nangangailangang taga-QC.


◘◘◘


Para sa inyong tips at mga suhestyon, mag-email din sa atin sa mathayrikki@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page