top of page
Search

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | September 13, 2022


Sa gitna ng mga panukalang huwag nang gawing mandatoryo ang pagsusuot ng face mask, isang eksperto ang nagpayo na huwag gawing boluntaryo ang pagsusuot ng face mask sa Metro Manila sa ngayon.


Ayon sa infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante, kailangang kumunsulta pa rin ang mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga polisiya at suriin ang mga benepisyo at panganib sa kanilang nasasakupan.


Kaya naman bukod sa batchoy at molo, isa ngayong fine-flex ng Iloilo ay ang napapanahong pagluluwag nila pagsusuot ng facemask sa kanilang probinsya.


Kasunod ng mga yapak ng Cebu, inalis na ng pamahalaang panlalawigan ng Iloilo ang mandatoryong paggamit ng mga face mask kapag nasa labas ng mga establisimyento o kapag nasa outdoors.


Sa ilalim ng Executive Order No. 260-G na nilagdaan noong Setyembre 7, pinalawig pa ni Iloilo Gov. Arthur Defensor, Jr. ang COVID-19 Alert Level 1 status sa lalawigan.


Gayunman, sinabi ng gobernador na kinakailangan pa rin ang mga tao na gumamit ng face mask sa mga panloob o pribadong establisimyento. Dapat ding magsuot ng face mask ang mga tao tuwing nasa pampublikong transportasyon.



Hindi lang ang publiko ang tila may kumpiyansa at mas maganda ang pagtanggap sa aksyon ng Iloilo, kundi mismong ang kanilang konggresistang si Congresswoman Julienne “Jam Jam” Baronda. Timing na nga ang pagluluwag sa paggamit ng face mask sa kanilang probinsya.


Ani ni Cong. Baronda na hindi tumigil sa pagtrabaho at pagtulong noong kasagsagan ng CoVid, “Nagkaroon kami ng aggressive vaccination drive at talagang nakipagtulungan kami sa mga barangay officials upang makahanap ng mga solusyon sa mga problemang dala ng pandemya sa Iloilo. Hindi na kami naghintay na lumalala ang sitwasyon bago namin gawing accessible ang pagbabakuna sa Iloilo kaya dinamihan namin noon ang mga vax site sa paligid ng lungsod at sa mga shopping mall. Naging masinsinan ang local media campaign namin para maunawaan at pahalagahan ng mga tao ang halaga ng pagbabakuna.”


ree

Dagdag pa ni Cong. Baronda, “Sa Iloilo City, nabakunahan namin ang higit sa 100% ng populasyon ng unang dalawang doses. (Noong Hulyo 25, 150% ang nagkaroon ng unang dose at 147% ang nagkaroon ng pangalawang dose, habang 46% ang nagkaroon ng unang booster shot). Binuksan namin ang Iloilo City para sa mga residente ng mga kalapit na bayan at ang mga probinsya para magpabakuna. Sa benchmark na itinakda ng ibang mga bansa na nagbakuna sa karamihan ng kanilang populasyon at hindi nangangailangan ng paggamit ng face mask sa labas ng bahay, maaari na rin natin itong ipatupad.”




Habang patuloy ang panawagan sa publiko na maging mapagmatyag at patuloy na pagsunod sa mga health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng CoVid, ang mga hakbang na kapareho ng isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Iloilo ay nagbibigay pag-asa na unti-unti man ay bumabangon na rin ang bansa mula sa pandemya. Sa ngayon, ugaliing sumunod sa mga mungkahi ng mga eksperto upang hindi maudlot ang pagbangon na ito.

Para sa mga iba inyong mga tips at suhestyon, mag email sa mathayrikki@gmail.com.


 
 

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | August 29, 2022


Hindi nagkamayaw ang mga dumagsa sa payout centers, partikular na sa Kalakhang Maynila noong unang araw ng pamamahagi ng educational assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong nakaraang linggo. Dito natin nakita kung gaano karami ang mga magulang na ang pangarap ay maiahon mula sa kahirapan ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng edukasyon.


Tunay na maganda ang hangarin ng DSWD sa pangunguna na kalihim nitong si Sec. Erwin Tulfo na makatulong sa mga Pilipinong estudyante na magkaroon ng karagdagang pantustos para sa kanilang school supplies, allowances at iba pang bayarin, ngunit hindi naiwasan ang mga naging ilang pagbatikos dahil sa naranasang siksikan ng mga nais makakuha ng ayuda. Nakilalang hindi nagpapatinag sa pagtulong sa kanyang mga kababayan, ginamit ni Sec. Tulfo ang mga kritisismo sa unang araw ng payout upang mapabuti ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga susunod na Sabado.


Kung kaya’t kung ikaw ay magulang na nais makakuha ng ayuda para sa inyong mga anak, narito ang mga tips upang mapadali ang proseso:

  • Magtungo sa website ng DSWD at i-register ang inyong mga anak. Maximum na tatlong estudyante bawat pamilya ang maaaring makapag-register upang mabigyan ng pagkakataon ang iba pang pamilya na nangangailangan ng tulong pinansyal.

  • Hintayin ang text confirmation mula sa DSWD na malalaman ng petsa at venue, kung saan makukuha ang ayuda. Nakikiusap sina Assistant Secretary Romel Lopez at Irene Dumlao sa mga kababayan nating huwag na magsayang pamasahe upang magtungo sa payout centers hangga't wala pang text confirmation dahil ipinagbabawal na ang walk-in upang mapasinayanan ang pamamahagi ng ayuda. Sabay naman ang kanilang garantiyang lahat ng magre-register ay matutugunan ng departamento.

Ihanda ang mga dokumento bago dumating sa payout center na maaari isa sa mga sumusunod:

  • Certificate of enrolment or registration sa eskwelahan

  • School ID ng bata o anumang statement of account o dokumentong maaaring ibigay ng eskwelahan upang mapatunayang naka-enrol ang mga bata.

  • Pagdating sa payout center, unang hihingin sa inyo ang official text confirmation na kayo ay naka-schedule sa araw na iyon. Tandaan, mayroong CRIMS o Crisis Intervention Monitoring System at hindi mapepeke o madodoble ang text messages na matatanggap.

  • Kayo naman ay susunod na magtutungo sa Assessment tables. Asahan nang hindi maiiwasan dito ang pagpila dahil isa-isang i-assess o tutukuyin ng mga social workers ang mga aplikante para sa ayuda upang matukoy kung sino ang mga tunay na nangangailangan ng tulong pinansyal.

Ang social workers ay bihasa sa pagtukoy ng mga kung tawagin ay students in crisis sa pamamagitan ng pag-interview sa mga magulang at kinukonsidera ang mga pangangailangan at kakayanan ng mga pamilya.


Kung makakapasa sa assessment ng social workers, madali na ang mga susunod na hakbang sa pagkuha ng ayuda:


P1,000 - para sa elementary

P2,000 - para sa high school

P3,000 - para sa senior high

P4,000 - para sa nasa kolehiyo


Sa ngayon ay mayroon nang tatlong payout centers sa Kalakhang Maynila na matatagpuan sa Taguig, Katipunan Quezon City at Gastambide, habang nasa dalawang payout centers ang itinalaga sa bawat lalawigan. Inaasahang mas magiging maayos na ang daloy ng pamamahagi ng ayuda lalo na at bumuo ng partnership ang DSWD at ang mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Interior and Local Government (DILG).


“Isang eye opener ang lawak ng pangangailangan ng mga Pilipino para sa tulong sa gitna ng pandemya at inflation. Sa pamamagitan ng pagtutulungan at bayanihan ng mga ahensya ng gobyerno katulad ng partnership namin ng DILG, makakatiyak ang taumbayan sa tuloy tuloy na mahusay at tapat na paglilingkod ng DSWD, alinsunod sa ating mandatong pahalagahan at alagaan ang bawat Pilipino. Bawat buhay ay mahalaga para sa administrasyong Marcos at sa DSWD,” ani Sec. Tulfo.


Inaasahang makatutulong pa sa 375,000 hanggang 400,000 na estudyante ng maralita ang programang ito ng DSWD na ipapairal hanggang Setyembre 24. Hindi rin kailangang mangamba ang mga nasa liblib na lugar, kung saan walang internet o smartphone upang makapag -register dahil inatasan na ang mga DSWD field offices na magkaroon ng kani-kanilang estratehiya at sistema upang makapaghatid ng tulong pinansyal sa kanilang mga mag-aaral.

Para sa inyong iba pang katanungan at kung may nais ibahaging tips, mag-email lang sa mathayrikki@gmail.com at i follow ang ating Facebook page na Rikki Mathay QC, at Instagram account na Rikki Mathay

 
 

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | August 16, 2022



ree


Nahuli ka na ba dahil sa NCAP? O, baka hindi mo lang alam na may huli ka na pala at mas malala ay kung hindi mo alam kung ano ang NCAP.


Sa mga ngayon pa lang nakaririnig ng tungkol sa NCAP, heto ang siste, kung saan may ticket na ang mga sasakyan dahil sa traffic violation nang walang aktwal na nanghuhuling traffic enforcers. Kaya NCAP for short ng No Apprehension Contact Policy. Sa halip na traffic enforcers ang humuhuli, gumagamit na ng mga CCTV, digital camera at iba pang technological equipment upang mag-record ng mga larawan at video ng mga sasakyang lumalabag sa mga panuntunan, regulasyon at batas-trapiko.


Maganda ang layunin nang pagtatatag ng NCAP. Ito ay isinabatas ng gobyerno upang makatulong sa pagtugon sa sitwasyon ng trapiko sa bansa. Layunin ng NCAP na gawing moderno kung paano nahuhuli at pinoproseso ang mga lumalabag sa kalsada.


Maganda man ang layunin ng NCAP, bakit tinutuligsa ito ng transport sector ng bansa?

Ayon kay Jun de Leon, ang tagapagsalita ng LABAN Transport Network Vehicle Services (TNVS) at convenor ng Stop NCAP Coalition, pino-protesta ang kasalukuyang mandato ng LTO sa pagharang ng renewal ng transport operators na may nakabimbing kaso ng paglabag sa NCAP. Kasunod ito ng mga apilang isinumite sa LTO ng mga operator na may mga application renewal na binasura ng LTO, sa kabila ng katibayang hindi sila ang nagmamaneho ng mga sasakyang may paglabag.


“Pahirap sa mahirap ang napakataas na multa ng NCAP. 'Yung mga nahuhuli ng traffic enforcers, nakakakuha ng multa na P300 hangganv P500, pero ang huli ng NCAP, nasa P2,000 hanggang P5,000 depende sa traffic violation,” ani De Leon.


Maganda man ang layunin ng NCAP, dagdag ni De Leon na hindi napapanahon ang pagpapairal nito dahil kulang na kulang pa aniya ang kagamitan at imprastrukturang ginagamit sa bansa.


“Kailangang unahin muna ang pagsasaayos ng mga kalsada, marking sa linya, signages at pag-install ng mga digital timer sa mga traffic light halimbawa. Kailangan ding ayusin ang sistema kung paano maparurusahan ang mga driver na lumalabag sa batas-trapiko, sa halip na mga operators ng taxi o jeep. Nakakaawa ang mga operators noon na hindi pinayagan ng Land Transportation Office na mag-renew ng kanilang lisensya dahil may mga nakabimbing tiket na minsan umaabot na ng P20,000 kada jeep. Mabuti na lang at umaksyon na si LTO Chief Teofilo Guadiz na i-hold muna ang kasunduan ng LTO at ng ilang LGUs na nagpapatupad ng NCAP.”


Ayon kay Guadiz, kailangang ayusin muna ang sistema para managot ang driver kapag napatunayang may-ari na hindi sila ang nagmamaneho ng nasabing sasakyan.


“Parte kami (motorista) ng problema, pero parte rin kami ng solusyon. Sana magtulungan tayo para masolusyunan 'eto. Kakampi nila kami, hindi kaaway. Maganda mithiin ng NCAP, hindi namin sinasabing, basta lang siya ipatigil, pero sana tama at makatao 'yung implementasyon,” ani de Leon.


Paano malalaman kung may NCAP violation?


Ang nakarehistrong may-ari ng sasakyan ay makatatanggap ng Notice of Violation mail sa kanyang address.


Makikita naman ang kuha ng NCAP violation sa website ng NCAP ng lungsod at i-click ang "Check Your Notice." Pagkatapos, i-type ang iyong violation number at pin code (tulad ng makikita sa Notice of Violation). Ipakikita nito sa iyo ang mga detalye tungkol sa iyong paglabag, pati na rin ang file ng larawan/video ng insidente.


Depende sa lungsod, kung saan ka nahuli ang mga paraan ng pagbabayad, ngunit kadalasan ay pwede mong bayaran ang violation fee online ng mga bangko, over-the-counter o sa pamamagitan ng City Hall ng lugar.

Para sa inyong iba pang katanungan at kung may nais ibahaging tips, mag-email lang sa mathayrikki@gmail.com at i follow ang ating Facebook page na Rikki Mathay QC, at Instagram account na Rikki Mathay


 
 
RECOMMENDED
bottom of page