top of page
Search

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | October 18, 2022



ree


Axie Infinity, Mobile Legends, Roblox at Fortnite. Ilan lang 'yan sa mga sikat na games na kinahuhumalingan ng kabataan ngayon. Maraming nalululong sa online games, tulad ng mga ito dahil nagiging bahagi ang mga players sa makatotohanang pantasyang inaalok ng mga games. Noong 2020, ang Mobile Legends na lang ay nagkaroon ng mahigit 1 bilyong pag-download ng laro, na may mahigit 100 milyong rehistradong users at 25 milyong buwanang aktibong users sa Pilipinas.


Hindi na nga maikakaila ang engganyo ng uri ng teknolohiyang nasa likod ng mga makatotohanang online games. Ngunit ang games ay isa lamang aspeto ng mas malaking teknolohiyang kung tawagin ay metaverse. Isa pang saklaw ng metaverse bukod sa mga realistic online games ay ang mga bitcoin o ang digital na pera o kung tawagin at digital currency. Hindi na rin ito bago sa pandinig dahil madalas na lumilitaw ang mga imbitasyong mag-invest sa bitcoin sa comment sections sa mga social media posts. Maraming text messages din mula sa mga hindi rehistradong numero na nag-iimbita sa iyong mamuhunan sa bitcoin para yumaman.


Sa madaling salita, ang metaverse ay virtual na mundo na gumagaya sa totoong mundo at nagbibigay-daan sa mga users na maging bahagi nito sa pamamagitan ng mga virtual reality (VR), augmented reality (AR), artificial intelligence (AI), social media at digital currency.


Kung noon ay sa mga pelikula lang, tulad ng Wall-E, the Matrix at Total Recall lang natin napapanood ang ganitong ka-high tech na konsepto, buhay na buhay at totoong totoo na ang Metaverse. Sa patuloy na pagsikat ng teknolohiyang Metaverse, inaasahang hindi na lamang sa games o bitcoin ito mas makikilala. Sa katunayan, naiulat na ang South Korea ay namuhunan ng higit sa $177.1 milyon sa metaverse na teknolohiya.


At dahil hindi nagpapaiiwan ang Pilipinas bilang isa sa pinaka-aktibong bansa sa paggamit ng internet, ipinasok ng maabilidad na grupo ng mga negosyanteng Pinoy sa pangunguna ni Marcus Ramos ang big time na Koreanong teknolohiyang ito sa Pilipinas.

Nangangako ang Metavity Philippines Corporation na maghatid sa bansa ng advanced na 3.0 na bersyon ng platform at mga solusyon sa software na kapanapanabik na mga inobasyon sa digitization. Ito ang kauna unahang maghahatid ng e-government sa Pilipinas.


Kamakailan lang ay personal na nagtungo ang Chief Executive Officer ng Metavity na si Ryan Byun sa 'Pinas upang ipaliwanag kung paano makakatulong ang nasabing teknolohiya sa ating bansa upang maitulak na mapabilang tayo sa top 10 na digital na kapangyarihan sa ika-21 siglo. Aniya, malaki ang magiging ambag sa “digitalization thrust” ng kasalukuyang administrasyong Marcos. Una sa lahat, hangarin ng Metavity na mapataas ang computer literacy rate sa Pinas. Kasabay nito ang pagsulong sa mas mabilis na sistema ng mga WiFi at CCTV.


Kung mabibigyan ng pagkakataon at sapat na suporta ang makabagong teknolohiya, makakatulong din ito di-umano sa iba’t ibang sektor kabilang na ang edukasyon, kalusugan, disaster preparedness at mga negosyo.


Sa katunayan, maging ang isa sa pinakamalalaking kompanya sa mundo na nagbebenta ng mga gamit, ang Amazon ay gumagamit na ng Metaverse. Maaari na halimbawa magsukat online ng mga damit ang kanilang mga customers kahit na saang lupalop ng daigdig bago magbayad sa checkout.


Ang mga mag-aaral sa unibersidad ay maaari nang kumuha ng online na mga pagsusulit na kinikilala ng gobyerno at mga certified courses ayon sa requirements ng mga kompanyang pag-aaplayan ng trabaho.


Sa usaping pangkalusugan, ang metaverse ay makakapag bigay-daan sa mas pinadali at pinaiging online consultation sa mga doktor. Bukod dito, may mga high tech na solusyon ang makabagong teknolohiya pagdating sa trabaho, lalo na kung work from home ang siste ng kompanya. Maaari nang lumikha ng mga mas makatotohanang digital workspace na ayon sa real time. Hindi na rin malayong magkaroon ang mga empleyado ng virtual counterparts na maaaring humalili sa kanila sa mga meeting kung kinakailangan nilang mag-absent o kung nasa ibang bansa man sila. Parang 'yung mga napapanood lang natin dati sa mga pelikula na may sumusulpot na mga imahe ng tao sa isang spaceship sa kalawakan!


At dahil isa ang Pilipinas sa tinaguriang disaster prone countries sa buong mundo, makakatulong ang Metavity sa disaster response ng gobyerno sa pamamagitan ng kanilang online trainings na sertipikado ng International Organization for Standardization (ISO).


Maaari ring magbigay-daan ang metaverse sa mga mas malikhaing paraan ng komunikasyon para sa mga nasa LDR o long distance relationship.


Sa ngayon, iilan pa lang ang lubusang nakakaunawa sa Metaverse. Sa kabaguhan ng teknolohiyang ito, hindi pa rin lubusang maarok ang mga epekto at benepisyo nito sa lipunan, subalit parami na nang parami ang mga gobyerno sa mundo ang namumuhunan na rito. Kung ayaw nating mapang-iwanan sa hindi na maikakailang digitalization ng ibang bansa patungo sa pag-unlad, panahon na ring mas masusing pag-aralan ng ating mga lider kung paano susuportahan at lubusang gamitin ang mga makabagong teknolohiya pumapasok sa bansa tulad ng Metaverse.

Para sa mga iba inyong mga tips at suhestyon, mag email sa mathayrikki@gmail.com.


 
 

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | October 6, 2022


Kailangan nating patuloy na itaguyod ang ating karapatan, kabilang na ang karapatan sa privacy, ngunit karapatan din ng milyun-milyong Pinoy na protektahan ang kanilang mga pinaghirapang pera at maging ang hindi matatawarang peace of mind, laban sa mga high-tech na mandurugas. Kung kaya’t sa napipintong pagpirma ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., na magsasabatas sa SIM registration, inaasahang magkakaroon ng dagdag-proteksyon ang tinatayang 87% ng populasyon na gumagamit ng cellphone, laban sa scammers na lumalakas ang loob dahil nakakapagtago pa sila sa likod ng prepaid cards.


Kung may cellphone ka, paniguradong nakatanggap na ng mga mensaheng jumackpot sa isang raffle o may kaibigan kang nangangailangan ng pera at pinakikiusapan ka na magpasa ng load sa numerong hindi mo naman kilala. May mga text pa na kailangan mong pindutin ang link na pinadala upang may makitang post tungkol sa iyo o link para ayusin ang naging problema sa iyong bangko o social media account. Bago mo pindutin ang anumang link na pinapadala ng hindi mo kakilalang numero, maghunos-dili sa pagpindot dahil malamang na isa itong scam.


Kilala rin bilang phishing scam, milyun-milyong Pilipino ang nakatatanggap ng mga mapanganib, kung hindi man nakakainis, na mga pagtatangka para sa mga kriminal na kunin ang mga kredensyal sa pag-log in, password at iba pang impormasyon na humahantong sa tinatawag cyber robbery. Kahit ang mga pangalan ng mga kilalang kumpanya ay ginamit ng mga manloloko o con artist upang akitin ang mga biktima gamit ang mga text, tulad ng "napansin namin ang ilang kahina-hinalang aktibidad o pagtatangka sa pag-log-in" at “Congratulations! Nanalo ka ng premyo! I-click ang link na ito para i-claim ito!” Lumalala pa ang text scams dahil may mga bagong estilo na ng pagbabanta sa buhay upang takutin at pilitin ang mga tatanggap ng text na magpadala ng pera sa pamamagitan ng Gcash.


At dahil sa talamak na text scams nitong mga nakalipas na buwan, muling nabuhay ang panukalang Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration. Sa ilalim ng panukalang ito, dapat nang i-register ng mga may prepaid cards ang kanilang impormasyon sa pagbibilhang Public Telecommunications Entity (PTE) o authorized dealers.


Kasama sa forms na kailangang pirmahan ay ang pangalan ng subscriber, petsa ng kapanganakan, kasarian, address, itinalagang numero ng mobile phone at serial number ng SIM card at isang valid na ID na may katawan. At kung nabili mo ang iyong prepaid card noon pa, kailangan na rin itong i-register kapag naisabatas na ang SIM Registration Bill kung ayaw mong ma-deactivate ang iyong numero.


Isa sa mga pangunahing may-akda ng panukalang batas, ang Kinatawan ng Tingog Party-list na si Congressman Jude Acidre ay nagsabi na ang pagkilala sa mga gumagamit ng mga prepaid card ay nagpapanagot sa lahat ng gagawin nila sa kanilang mga numero at inaalis sa kanila ang pagkakataong magtago sa likod ng mga maling pagkakakilanlan.


"Ang pagsalakay ng mga cybercrimes at pekeng balita ay nakasisira sa ating demokrasya. Kailangan natin ang isang batas na magtatakda ng mga limitasyon ng ating mga karapatan sa mga kaso ng mga ipinagbabawal na gawain o kapag ang kaligtasan at kaayusan ng publiko ay nakataya," sabi ni Acidre.


Sa kanyang panig, si Navotas City Rep. Toby Tiangco, na siya ring Chairman ng House committee on information and communications technology, kumpiyansa syang ang SIM card registration bill ay maipapasa bilang batas sa loob ng taon upang tugunan ang paglaganap ng mga text scammers sa bansa.


“Lahat tayo ay nakaranas ng mga scam. Hindi nakapasa ang batas na ito noong nakaraang administrasyon dahil may probisyon noon sa panukalang nangangailangan ng pagpaparehistro rin ng mga social media account. Ang bill na ito ngayon ay puro SIM registration lang at walang social media account registration. Dapat mong irehistro ang iyong prepaid account sa loob ng 180-araw mula sa epektibong pagsasabatas ng ating panukalang SIM Registration dahil kung hindi, ide-deactivate ito ng telecommunications company,” ani Tiangco.


Sinasabi ng ilang kritikong hindi epektibo ang sim registration sa laban sa mga text scam dahil sa dami umano ng paraang maaaring makapangulimbat sa pamamagitan ng teknolohiya. Ngunit dagdag ni Tiango, “Ang batas ay hindi isang "silver bullet" laban sa patuloy na mga scam na lumaganap nitong mga nakaraang buwan, ngunit ito ay magsisilbing epektibong hadlang laban sa mga walang prinsipyong bumibiktima sa mga Pilipino."

Para sa mga iba inyong mga tips at suhestyon, mag email sa mathayrikki@gmail.com.


 
 

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | September 22, 2022


Kung nasubukan mong magpunta sa malalaking fast food chains nitong mga nakalipas na buwan at um-order ka ng large French fries, malamang na ang sagot sa 'yo ng kahera ay “Sorry po puro regular size lang ang puwede”. Meron pa ngang sikat na fast food mula sa Amerika ang humingi ng dispensa sa akin kamakailan dahil wala na raw sibuyas ang burger na in-order ko.


Bakit nga ba nagkakaubusan ng mga produktong agrikultural sa bansang tinaguriang agrikultural, tulad ng Pilipinas?


Ilang linggo matapos mapabalitang ang ating kapuluang napapaligiran ng 36,000 kilometro ng baybayin ay nag-aangkat ng 93% ng ating pambansang pangangailangan ng asin, ang mga lokal na pamilihan ay patuloy na nakararanas ng kakulangan sa mga bagay na pang-agrikultura. Pero alam n'yo bang may panahon kung kailan hindi natin kailangang umangkat ng asin? Sa dami ng asin na matatagpuan sa mga karagatan natin, isa sa malalakas na industriya ang paggawa ng asin noon. 'Yun nga lang, ipinasa noong 1995 ang Act for Salt Iodization Nationwide o ASIN, kung saan kailangang iodized ang lahat ng food-grade na asin sa bansa. Dahil sa kakulangan noon sa pondo at kasanayan ang ating salt farmers, marami sa kanila ang sumuko na lang sa kanilang kabuhayan. Dahil dito, lumitaw ang pangangailangan para sa pag-aangkat. Mula sa maalat hanggang sa matamis, nakakagulat kung paano ang Pilipinas ay nag-aangkat pa rin ng mga produktong pang-agrikultura. At sa kabila nito, mas nakakagulat na may shortage o pagkukulang pa rin sa mga produktong agrikultural. Kinalaunan, dito na pumasok ang kabi-kabilang smuggling.


ree

Sa laban ng smuggling, lumitaw ang mga batas upang masugpo ang mga kawatan. Ang isa sa pinaka-solid na batas na mayroon tayo ay ang inakda ni Senador JV Ejercito boing 2016- ang Anti Agricultural Act, “Walang humpay nating ipinaglaban ang anti-smuggling act noong may kakapusan sa bigas noong 2016. Saklaw ng batas na ito ang asukal, bawang, sibuyas at iba pang produktong agrikultural. Sa halip na umasa sa inaangkat na bigas, nais kong protektahan ang ating mga magsasaka mula sa mga walang prinsipyong mangangalakal at importer, at sa paggawa nito ay isulong ang ating sektor ng agrikultura. Kailangan nating protektahan ang kabuhayan ng libu-libong Pilipinong magsasaka laban sa mga economic saboteur,” sabi ni Ejercito.


Bukod sa pagtukoy sa large scale agricultural smuggling bilang economic sabotage at heinous crime na may 17 taon o habambuhay na pagkakakulong, isinulong ni Sen. JV na gawing moderno ang mga pamamaraan ng pagsasaka at magtayo ng mga bagong sugar mill upang matulungan ang sektor ng agrikultura. At ngayong nakabalik na sa Senado si Sen. JV, may dagdag-katiyakang may patuloy na magsusulong sa pangangalaga sa mga magsasakang Pilipino sa pamamagitan ng patuloy na pagbibigay sa kanila ng mga wastong kasangkapan at kasanayan.


Sakto ito sa hangarin ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos na palakasin ang agrikultural na sektor ng bansa. Matatandaang hangad ni P-BBM na gawin ang pananaka bilang isa sa mga puwersang makakapagpalago sa ating ekonomiya. Kung kaya’t sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Department of Agriculture (DA), tumayong Kalihim dito ang Pangulo ng bansa. Kahit si Senador Cynthia Villar na tumatayong Senate Chair of Agriculture and Food ay kumpyansa sa kakayanan ng Pangulo na mapuksa ang smuggling!


Bagama't kailangan pa ng masusing pag-aaral hinggil sa tila kaliwa’t kanang pag-issue ng importation permits, isang malaking hakbang na ang pagkakaroon natin ng mga pinunong may tunay na pagpapahalaga sa agricultural sector upang makamit ang kasaganahan ng ekonomiya. Bitbit ang matatag na pangako ni P-BBM na pataasin ang produksyon ng agrikultura at tiyakin ang proteksyon ng ating mga magsasaka, ang bansa ay may tunay nang pagkakataong makita ang tunay na reporma sa agrikultura.

Para sa mga iba inyong mga tips at suhestyon, mag email sa mathayrikki@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page