top of page
Search

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | November 12, 2021



Naging “extreme” ang epekto ng pandemya sa pangangatawan ng mga tao. Kung may mga nagpaka-“fit” at seksi, tila mas marami naman ang nagsitabaan kabilang na ako noong unang bahagi ng lockdown noong Marso 2020. Kung kabilang ka sa mga nagsitabaan nitong pandemya, hindi pa huli ang lahat dahil puwedeng-puwede pang magbalik-alindog, lalo na at inaasahan na ang muling pagbubukas ng ekonomiya.


Nais nating ibahagi ngayon ang isa sa mga sinubukan nating pagbabawas ng timbang dahil noong unang bahagi ng lockdown, isa rin tayo sa mga nanaba nang hindi namalayan.


Ito ang napakasikat ngayon na pagdye-dyeta na kung tawagi ay Intermittent Fasting (I.F.) o pag-aayuno. Ang pamamaraang ito ay ang pagkakaroon ng partikular na limitadong oras lamang ng pagkain sa buong araw. Sinasabi ng mga deboto ng I.F. na maaari itong maging sanhi ng pagbaba ng timbang, pagpapabuti ng metabolic health, at maaaring pahabain pa ang buhay. Ang bawat paraan ay maaaring maging epektibo, ngunit ang pag-uunawa kung alin ang pinakamahusay na gumagana ay depende sa indibidwal.


Mayroong ilang paraan ng pattern ng pagkaing ito. Ngunit bago magsimula sa pasulpu’t sulpot na pag-aayuno o pagpapasya kung gaano kadalas mag-ayuno, dapat makipag-usap muna sa propesyunal sa pangangalaga ng pangkalusugan.


Ang popular na paraan ng IF ay ang 16/8. Ito ay kinasasangkutan ng pag-aayuno araw-araw nang humigit-kumulang 16-oras at paghihigpit sa iyong araw-araw na palugit sa pagkain sa humigit-kumulang 8-oras.


Sa loob ng oras na maaaring kumain, maaaring magkasya sa dalawa, tatlo o higit pang meals. Ang pamamaraang ito ay kilala rin bilang Leangains protocol at pinasikat ng fitness expert na si Martin Berkhan.


Ang paggawa ng pamamaraang ito ng pag-aayuno ay maaaring maging kasing simple ng hindi kumain ng anuman pagkatapos ng hapunan at laktawan ang almusal.


Halimbawa, kung natapos ang huling pagkain ng alas-8: 00 ng gabi, huwag na kumain hanggang tanghali sa susunod na araw, ikaw ay teknikal na nag-aayuno sa loob ng 16-oras.


Para sa mga taong nagugutom sa umaga at gustong kumain ng almusal, ang pamamaraang ito ay maaaring mahirap kasanayan. Gayunman, maraming skipper sa almusal ang likas na kumakain sa ganitong paraan.


Maaaring uminom ng tubig, kape, at iba pang inuming walang calories sa panahon ng pag-aayuno, na makatutulong na mabawasan ang pakiramdam ng gutom.


Napakahalaga na pangunahing kumain ng masusustansiyang pagkain sa panahon ng iyong ‘window ng pagkain’. Ngunit ang pamamaraang ito ay hindi gagana kung kumain ng maraming naprosesong pagkain o ‘yung may labis na bilang ng calories.


Sa loob ng isang buwang, ginawa ko ang pag-aayuno, nakapagbawas ako ng 10-pounds.


Marami pang ibang pamamaraan ng I.F. na aking ibabahagi kasama na ang ilan sa pinaka-epektibong ehersisyong magagawa sa bahay at mga pagkaing pang-diyeta sa susunod nating artikulo.


Ngunit tandaan, ang malusog na pamumuhay na may ehersisyo, tamang oras ng tulog at pagkain ng sapat at masustansiyang pagkain, ang isa pa rin sa pinakamabisa at safe na paraan ng pagbawas ng timbang.



Kung kayo o kung kayo ay may kakilalang nakararanas nito, mag-email lamang sa atin sa mathayrikki@gmail.com para sa mga numerong puwede ninyong tawagan, o sumangguni sa crisis hotline numbers ng Department of Health 1553 - Luzon wide landline toll free Globe/ ™ - 0966-351-4518/ 0917-899-8727 Smart/ SUN/ TNT Subscribers - 0908-639-2672



 
 

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | November 4, 2021



“Baliw ka!” Nakasanayan na ‘tong sabihin ng napakaraming Pinoy bilang joke, pero sa totoo lang, ang salitang baliw o sakit sa pag-iisip ay tunay na kondisyon na nangangailangan ng medikal na atensiyon. Kung kaya’t mapapansin ninyong dumadalas ang mga mental health na seminar at programa, lalo na sa social media na naglalayong tulungan ang mga nakararanas ng tinatawag na mga problema sa kalusugan ng kanilang pag-iisip. Kung noong unang panahon, tila ikinahihiyang pag-usapan ang suliraning ito at nahihiya rin ang mga nakararanas ng ganitong karamdamang lumantad at humingi ng tulong, ngayon ay mas bukas na ang pag-iisip ng publiko na tanggapin ito bilang isang komon na problema.


Yes! Common at hindi dapat ikahiya ang pagdanas ng mga suliranin sa pag-iisip, lalo na nitong pandemya kung kailan napakarami ang nakaranas ng depresyon at agam-agam.


Laman ng mga balita bago magpandemya ang tumataas na bilang ng mga nagpapakamatay dahil sa depresyon, lalo na sa kabataan, ngunit ang magandang balita ay kaya itong maagapan. Ang problema ay marami pa rin ang nakararanas ng depresyon ang hindi humihingi ng tulong at kinikimkim ang labis na sama ng loob na nakakaapekto sa kanilang kalusugang pang-isipan. Kadalasan din ay hindi napapansin ng mga dumaranas ng mga problemang ito na kailangan na nila ng tulong, at sa kasamaang-palad, madalas ay huli na kapag nalalaman ng kanilang mga mahal sa buhay na may matindi na may matindi na pala silang pinagdaanan. Madalas ay nagpapanggap sila ng pagiging masayahin kaya mas mahirap silang matulungan maliban na lamang kung sila na mismo ang magsasabi. Ang good news ay maaari itong maagapan. Ilang tips upang malaman kung ang mahal mo sa buhay o ikaw mismo ay nakararanas na ng problema sa pag-iisiip, kabilang na ang depresyon o ang pagtaglay sa matagal na kalungkutan:


  1. Paninibago sa appetite o gana sa pagkain

  2. Paninibago sa timbang

  3. Pagbabago ng pagtulog, na maaaring napakatagal matulog o palaging puyat

  4. Palaging pagkapagod

  5. Pakiramdam ng kawalan ng pag-asa, kawalan ng tiwala sa sarili at mababang pagtingin sa sarili

  6. Kawalan ng gana sa mga bagay na noo’y ikinasasaya o ini-enjoy


Kung sa tingin n’yo ay may kakilala kayong depressed o kung kayo ito mismo, maghanap ng taong makakausap ng taong may sakit. At kung ikaw ang napiling kausapin ng taong depressed, maging bukas ang inyong pag-iisip at higit sa lahat ay huwag maging judgy, mang-away o manigaw. Ang kailangan ng taong depressed ay mayroong makakausap at makauunawa. Para sa taong depressed, ito ang unang hakbang sa kanyang paggaling.


Ngunit ito ay proseso at hindi magic na mawawala na lamang. Kailangan nating alalahaning ito ay isang tunay na kondisyong medikal at hindi lamang joke at lalong hindi dapat ikahiya.



Kung kayo o kung kayo ay may kakilalang nakararanas nito, mag-email lamang sa atin sa mathayrikki@gmail.com para sa mga numerong puwede ninyong tawagan, o sumangguni sa crisis hotline numbers ng Department of Health 1553 - Luzon wide landline toll free Globe/ ™ - 0966-351-4518/ 0917-899-8727 Smart/ SUN/ TNT Subscribers - 0908-639-2672



 
 

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | October 26, 2021



Safe ba na mabakunahan laban sa COVID-19 ang mga bata? Ito ang kadalasang tanong ng mga magulang sa nalalapit na pagbubukas ng bakuna para sa mga edad 12 hangang 18.


Bilang nanay, ikinonsulta rin natin ito sa mga doktor at natural lamang na marami tayong agam-agam bilang magulang. Kung sa matatanda nga ay marami pa ring pagdududa kung gaano kaligtas ang pagpapaturok ng bakuna kontra COVID-19, mas higit pa ang pag-aalala pagdating sa mga bagets.


Ayon kay Dra. Glenda Tubianosa ng Philippine Heart Center QC, higit na nakalalamang ang benepisyo ng bakuna kaysa sa mga pinangangambahang side-effects na kakapiranggot lang ang naitala. Kaya’t kung ikinakatakot natin ‘yung naiulat na pagbilis ng tibok ng puso ng ilang nabakunahan sa ibang bansa, tandaang mas matimbang pa rin ang proteksiyong naibibigay ng mga aprubadong COVID vaccines, tulad ng Pfizer at Sinovac na inaasahang ibibigay sa mga bata.


Kailan ba ang simula ng pagpapabakuna sa mga bata sa Pilipinas? Sa ngayon ay bukas na ang halos lahat ng pagpaparehistro sa iba’t ibang LGUs. Maaaring dumulong sa inyong barangay upang makakuha ng registration form o hanapin sa internet ang website ng inyong siyudad para sa sariling nitong online registration. Tulad ng sa matatanda, uunahin ang mga batang may comorbidities , tulad ng hika, kondisyon sa puso at pag-iisip, labis na katabaan, HIV, TB at cancer. Nagsimula na ngayong linggo sa ilang ospital sa Metro Manila ang pagbabakuna, kabilang na ang mga sumusunod na ospital:


· Philippine Children’s Medical Center

· National Children's Hospital

· Philippine Heart Center

· Pasig City Children’s Hospital

· Fe Del Mundo Medical Center

· Philippine General Hospital


Kung ang anak natin ay pasyente sa mga nabanggit na ospital, makipag-ugnayan sa mga doktor upang magabayan sa mga kinakailangang requirements kabilang na ang check-up.


Alam nating nakakabagot na ang lockdown, ngunit tandaan nating ‘COVID-19 is real’.


Kung noong nakaraang taon, mas kampante tayo dahil hindi umano tinatamaan ang mga bata, sa patuloy na pag-mutate o pagbago ng virus, dumarami ang kaso ng mga batang tinatamaan nito.


Wala pa tayong estatistiko kung ilan ang eksaktong bilang ng mga batang nagpositibo sa COVID-19 sa Pilipinas, ngunit sa Estados Unidos ay nasa higit anim na milyong bata na ang naitalang nagpositibo ngayong pandemya.


Habang hinihintay ang schedule para sa ating mga anak, siguraduhing nasa malakas na kondisyon ang kanilang pangangatawan. Huwag silang kalilimutang bigyan ng Vitamin C araw-araw, kailangan din silang magkaroon ng sapat ang tulog, at higit sa lahat ay huwag muna silang payagang lumabas ng bahay kung hindi naman kinakailangan. Pag-iwas o prevention pa rin ang pinakamabisang paraan laban sa COVID-19.


Ingats!




May iba ka pa bang tips na nais ibahagi? May mga katanungan o nais idulog? Ipadala ito sa aking email address: mathayrikki@gmail.com


 
 
RECOMMENDED
bottom of page