top of page
Search

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | December 21, 2021



Ramdam mo bang isang linggo na lang ay Pasko na? Sa totoo lang, ngayong taon ay muntik ko nang makalimutan na ilang araw na lang pala mula ngayon ang Kapaskuhan dahil sa dami ng trabaho sa Distrito 6 sa Quezon City kabilang na ang pamamahagi ng mga grocery bags upang makadagdag sa pang Noche Buena ng mga pamilyang Pilipino.


Saan nga ba nanggaling ang salitang Noche Buena? Ito ay salitang Kastila para sa "magandang gabi", ngunit para sa mga Pilipino, ang Noche Buena ay ang gabi, at ang kapistahan, bago ang Araw ng Pasko. Ito ang salo-salong kinakain pagkatapos marinig ang misa sa hatinggabi upang salubungin ang Araw ng Pasko.


Maaaring mistulang kakaiba ang tradisyong pag-"pista" ng pamilyang Pilipino ng hamon at keso kung sinasabing ito ay isang handaan, ngunit mahalagang maunawaang higit sa 90 porsiyento ng populasyon ay nabubuhay sa ilalim ng linya ng kahirapan. Para sa karamihan, ang simpleng hamon at keso ay mga luho na hindi nila kayang bilhin kahit isang beses sa isang taon.


Bukod sa hamon at keso, narito pa ang ilang kadalasang nakikita sa Noche Buena ng maraming pamilyang Pilipino.


1. Fruit Salad. Maaaring bonggahan sa pag-mix ng imported fruit cocktail para may ubas, kondensada, all purpose cream at keso, ngunit kapag kulang ang budget, puwede na rin ang hiniwa-hiwang prutas at gatas.


2. Ensaymada. Personal kong paborito ang Muhlach Ensaymada sa QC dahil bukod sa classic na keso kung saan sila sumikat, marami na rin silang iba't ibang flavor, tulad ng ube at buko pandan. Ngunit kung gipit sa budget, masarap din ang mga ensaymada sa mga panaderya.


3. Spaghetti. May kasabihang kailangan kumain ng noodles kapag mayroong may birthday, at siyempre, ang Pasko ay kaarawan ni Hesus kung kaya’t palaging may spaghetti sa Noche Buena ng mga Pinoy. Siyempre, sikat din ang Filipino style spaghetti na kakaiba dahil ito ay manamis-namis. Narito ang isang recipe ng ganitong luto ng spaghetti:


1kg spaghetti noodles

1 bote ng banana ketchup

560g Pinoy style spaghetti sauce na timplado na at mabibili na sa mga tindahan

1 kutsarita ng bawang, tinadtad

¾ kg giniling na baka

5 hotdogs

2 bouillon cubes

1 medium sibuyas tinadtad

7 tbsp butter

2 tbsp asin


Magluto ng pasta ayon sa instructions. Patuyuin at itabi.


Igisa ang bawang at sibuyas sa mantikilya hanggang maluto ang mga sibuyas.


Magdagdag ng giniling na karne ng baka at lutuin ng 5-minuto. Magdagdag ng hiniwa-hiwang hotdog at lutuin ng 2-minuto. Idagdag ang sauce, cubes at ketchup. Pakuluan ng 20-minuto. Haluin paminsan-minsan.


Ibuhos ang spaghetti sauce sa pasta at paibabawan ng ginadgad na keso.


Pero puwede ring maghanda ng pansit bihon. Ang importante ay merong noodles sa noche buena.


Anuman ang iyong handa, ang mahalaga ay sama-sama ang pamilya at mga mahal sa buhay sa pagsalubong sa birthday ni Jesus!



Kung kayo o kung kayo ay may kakilalang nakararanas nito, mag-email lamang sa atin sa mathayrikki@gmail.com para sa mga numerong puwede ninyong tawagan, o sumangguni sa crisis hotline numbers ng Department of Health 1553 - Luzon wide landline toll free Globe/ ™ - 0966-351-4518/ 0917-899-8727 Smart/ SUN/ TNT Subscribers - 0908-639-2672



 
 

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | December 16, 2021



Ilang linggo na lang at Pasko na naman. Pagkatapos ng sangkatutak na handaan at pagtitipon, halos lahat sa atin ay tumataba. Kung kaya’t kung ayaw magdagdag ng timbang, tandaang hindi lang ang pagbabawas ng pagkain ang sanhi ng hindi inaakalang paglaki ng katawan.


Habang ang diyeta ay karaniwang sanhi ng pagtaas ng timbang, ang iba pang kadahilanan, tulad ng stress at kakulangan ng tulog ay maaaring mag-ambag din sa biglaang pagtaba.


Narito ang anim na sanhi ng hindi sinasadyang pagtaas ng timbang.


1. Sobrang pagkonsumo ng matatamis. Ang regular na pagkonsumo ng matamis na pagkain at inumin, tulad ng kendi, softdrinks, milk tea, iced tea at 3-in-1 na kape ay madaling makapagpalaki ang baywang. Hindi lamang sa pagtaas ng timbang ang maaaring maidulot nito, kundi pati na rin sa mas mataas na panganib ng mga malalang kondisyon sa kalusugan, kabilang ang Type 2 diabetes at sakit sa puso.


2. Madalas na pagkain ng processed food. Ang mga sobrang naprosesong pagkain, kabilang ang mga matamis na cereal at fast food ay naglalaman ng maraming nakapipinsalang sangkap, pati na rin ang mga idinagdag na asukal, preservative at hindi malusog na taba.



3. Pagkakaroon ng sedentaryong buhay. Ang kawalan ng aktibidad ay karaniwang nag-aambag sa pagtaas ng timbang at malalang sakit. Sedentaryo ang pamumuhay kung matagal lang nakaupo habang nagtatrabaho, paggamit ng telepono at computer ng buong araw, pagbababad sa panonood ng TV at maging ang pagmamaneho. Kilos kilos din ‘pag may time! Mag-stretching man lang sa pagitan ng trabaho, o mag-akyat panaog sa halip na mag-elevator.


4. Yo-yo Diet. Ito ay tumutukoy sa mga siklo ng sadyang pagbaba ng timbang dahil sa diyeta, na sinusundan ng hindi sinasadyang pagbawi sa nawalang timbang. Kapansin-pansin, ang pattern ay nauugnay sa mas mataas na panganib ng pagtaas ng timbang sa paglipas ng panahon. Ang pinakatinatamaang bahagi ng katawan ng yoyo diet ay ang bilbil.



5. Mayroong hindi natutukoy na medical issue. Kabilang ang Hypothyroidism kung saan naaapektuhan ang thyroid gland at maaaring magdulot ng pagtaas ng timbang o kahirapan sa pagbaba ng timbang. Isa pang sakit ay Depresyon na hindi namamalayang sa pagkain binubuhos ang stress at lungkot. Polycystic ovary syndrome o PCOS. Ito ay isang uri ng hormonal imbalance na nakakaapekto sa kababaihan ng maaari pang magbuntis. Puwede itong magdulot ng pagtaas ng timbang at maging mahirap magbawas ng timbang. Kung hindi sigurado, magpakonsulta agad sa doktor.


6. Walang sapat na tulog. Ang pagtulog ay mahalaga para sa pangkalahatang kalusugan. Ang kakulangan sa tulog ay maaaring mag-trigger ng pagtaas ng timbang, bukod sa iba pang sakit. Ang pag-aaral sa 92 kababaihan ay nagpakita na ang mga natutulog ng mas mababa sa 6-oras araw-araw ay may pinakamataas na Body Mass Index (BMI) at ang pinakamataas na antas ng protina na itinago ng mga fat cells, kompara sa mga babaeng natutulog ng 6-oras o higit pa bawat araw. Ibig sabihin, kung isang Maribel (Mareng may bilbil), subukang matulog nang mas matagal na oras at baka mas sexy na paggising.


Maraming sanhi ang hindi inaasahang pagtaba, tandaan, sa pamamagitan ng ilang simpleng hakbang — tulad ng pag-ingat sa kinakain, saglit na ehersisyo at tamang tulog — ay makatutulong na maabot ang iyong mga layunin sa pagbaba ng timbang at higit sa lahat, mapabuti ang iyong pangkalahatang kalusugan.




Kung kayo o kung kayo ay may kakilalang nakararanas nito, mag-email lamang sa atin sa mathayrikki@gmail.com para sa mga numerong puwede ninyong tawagan, o sumangguni sa crisis hotline numbers ng Department of Health 1553 - Luzon wide landline toll free Globe/ ™ - 0966-351-4518/ 0917-899-8727 Smart/ SUN/ TNT Subscribers - 0908-639-2672



 
 

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | December 07, 2021



Nitong nakalipas na pandemya, parami nang parami ang mga na shows na kung tawagin na BL o boy love series, lalo na sa ibang bansa, tulad ng Thailand na naging sikat at pinalalabas na rin pala sa streaming sites maging sa Amerika. Sa katunayan, una kong nalaman ang kasikatan ng mga BL mula sa pinsan kong nakatira sa Canada. Hindi siya bahagi ng LGBTQ community kaya nagulat ako dahil palagi raw siyang puyat kakapanood ng bagong uri ng programang ito.


Hindi pa rin ako nakakapanood ng anumang BL, kung kaya’t nagulat ako na may bago na naman palang ipalalabas na tila mula sa similar na putahe ng pelikula, ang GL o girl series. At ngayon, hindi ito mga naka-dub lang kundi ang mismong gumawa nito ay mga Pilipino. Mula sa batikang direktor na si Sigrid Reyes na nakilala rin sa pagbubuo ng mga kakaibang uri ng pelikula, tulad ng Kita Kita kung saan magka love team sina Alessandra de Rossi at ang komedyanteng si Empoy, isang GL series ang ipapalabas sa lokal na streaming site.


Aniya, layon ng seryeng “Lulu” na isulong ang adbokasiya ng pantay-pantay na pagtingin sa mga myembro ng LGBT at maipakita niyang hindi “ibang” tao ang mga lesbian. Kung kaya’t para sa kakaibang seryeng ito, pinili niya ang real life lesbian na si Rita Martinez na unang sumikat sa The Voice Philippines season 2 upang mabigyan ng mas makatotohanang pagganap ang role ni Abi, na isang lesbian sa Lulu. Kahit unang beses niyang sumabak sa pag-aartista, namangha si Sigrid sa lalim ng pag-arte ni Rita. Ayon kay Rita, nakatulong sa kanyang unang acting role ang paghugot niya sa mga sariling karanasan at pinagdaanan niya sa buhay. Isa na sa mga karanasang pinaghugutan niya ay ang pag-amin sa kanyang mga magulang na aminado siyang naging masakit na karanasan dahil hindi siya agarang tinanggap. Kung kaya’t bilang bahagi ng kanyang adbokasiyang maging inspirasyon sa mga batang may pinagdaraanang pagsubok tulad ng pinagdaanan niya, tinanggap niya ang hamon na sumabak sa pag-aartista para sa seryeng ito. Naalarma rin si Rita sa dami ng kabataang bahagi ng kanilang komunidad na nagpapakamatay dahil sa depresyon kung kaya’t heto ang payo nya sa mga may pinagdaraanang, tulad niya noon:


1.Gamitin ang mga pagsubok upang maging motibasyon sa pagpapabuti ng sariling kakayanan at lakas.

2. Huwag gamitin ang pagsubok upang maging dahilan ng pagrerebelde.

3. Matutunang mahalin ang inyong mga sarili.

At may payo rin si Rita sa mga magulang ng mga batang LGBT, at ito ay mas palawigin ang pag-unawa sa pinagdaraanan ng inyong mga anak bago mahuli ang lahat.


Sa katunayan, madalas pa nga, mula sa mga nakikita ko sa mga kaibigan kong kung tawagin ay bakla at tomboy, sila pa ang mas matinding mag-alaga sa mga magulang at maging sa iba nilang kaaanak. Ang pinaka-aral natin dito ay wala sa gender ang batayan ng pagiging mabuting tao.


Kung kayo ay may kakilala o ikaw mismo ay may pinagdaraanang depresyon, tandaang hindi mo kailangang solohin ang problema. Tumawag sa sumusunod na libreng hotlines:


National Mental Health Crisis Hotline

Phone:

• 1553

• (0966) 351-4518

• (0908) 639-2672

Suicide Crisis Lines

• (02) 8893-7603

• Globe: 0917-8001123

• Sun: 0917-8001123



Kung kayo o kung kayo ay may kakilalang nakararanas nito, mag-email lamang sa atin sa mathayrikki@gmail.com para sa mga numerong puwede ninyong tawagan, o sumangguni sa crisis hotline numbers ng Department of Health 1553 - Luzon wide landline toll free Globe/ ™ - 0966-351-4518/ 0917-899-8727 Smart/ SUN/ TNT Subscribers - 0908-639-2672



 
 
RECOMMENDED
bottom of page