top of page
Search

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | January 08, 2022



Sa loob ng ilang araw, lumundag mula daan-daan hanggang libu-libo ang tinamaan ng Omicron variant na matagal na nating pinangangambahang umabot sa ating bansa.


Hindi rin nagkulang ang inyong lingkod sa pagbibigay ng mga paalala at babala na sundin ang mga itinakdang health at safety protocols para sana hindi na dumami pa ang mga kaso kung sakali mang dumating na ito sa bansa, subalit ngayong narito na ang kinatatakutang Omicron, ano ang dapat nating gawin habang kabi-kabila ang mga nagkakasakit?


Marami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi pa nakakapagpabakuna sa maraming kadahilanan. Maaaring dati ay takot sa epekto ng bakuna o may ilang hindi naniniwala rito. Subalit, kailangan ding ikonsidera na marami ang walang kapasidad o panahong magtungo sa vaccination sites.


Kaya naman bilang tugon, tunay na napapanahon ang tips ni Quezon City District 2 Councilor Winnie Castelo na tumatakbo rin bilang Bise-Alkalde ng QC, na ilunsad agad ng pamahalaang panlungsod ang pagbabakuna sa bahay-bahay laban sa COVID-19 at ang highly transmissible variant omicron.


“Hanapin natin ang mga residenteng hindi pa nabakunahan sa pamamagitan ng pagkatok sa kanilang pintuan at mag-alok sa mga gustong magpabakuna upang matulungan silang protektahan ang kanilang sarili sa virus,” aniya.


Dagdag pa ni Castelo, “Ang iba ay naghihintay na makuha ang bakuna na kanilang pinili, habang ang mahihirap ay walang access sa internet o kung mayroon man, ang kanilang signal ay mahina, na nagpapahirap sa kanila na magrehistro online para sa pagbabakuna.”


Tumbok ito ni Castelo dahil tayo mismo ay may mga kakilala at matagal nang tinutulungang senior citizens sa Batasan na walang access sa internet at hindi marunong mag-online registration.


Marami pa rin sa atin ang nagkukumahog makahuha ng schedule para sa ikatlong bakuna o booster shots na kinakailangan bilang dagdag-proteksiyon laban sa COVID-19.


Isa rin ito sa suhestiyon ni Castelo na dapat umanong targetin ng pamahalaang lungsod ang mga ganap na nabakunahan na naghihintay ng kanilang booster shot.


“Ang iminungkahing pagbabakuna sa bahay-bahay para sa parehong hindi nabakunahan at ganap na nabakunahan na naghihintay ng kanilang karagdagang dosis ay mabisang paraan upang malaban ng mga tao ang Omicron, na ngayon ay bumubuo ng karamihan sa mga kaso ng COVID-19,” diin niya.


Kasabay nito, hinimok ni Castelo ang Department of Health (DOH) na bigyan ang pamahalaan ng lungsod ng sapat na supply ng bakuna na mas mataas ang take-up o mas malawak na pagtanggap.


“Let’s face it, natural na ginusto ng mga tao ang mga bakuna na may mas mataas na bisa.


Ang DOH ay naglabas ng listahan ng mix-and-match na bakuna at ang mga tao ay malayang pumili kung aling tatak ang sa tingin nila ay mas makakapagprotekta sa kanila,” aniya.


Dapat aniyang alam nang pamahalaang lungsod sa ngayon kung aling mga bakuna ang pipiliin ng karamihan sa mga residente at dapat humingi ng sapat na suplay sa DOH.


Ano ang tingin n’yo sa panukalang ito? Sa wari natin ay swak na swak ang mga tips ni Castelo, at sa totoo lang, dapat sana matagal na itong ginagawa ng LGUs upang tuluyang mawaksi ang pandemya sa bansa, lalo na sa mga lungsod na malalaki ang populasyon tulad ng QC, kung saan may halos tatlong milyong residenteng nakatira rito.


 
 

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | January 06, 2022



Bago pa man dumating sa Pilipinas ang bagong variant ng COVID-19 na Omicron, ilang beses na tayong nagbigay-babala hinggil sa ibayong pag-iingat upang hindi na sana pumasok at kumalat ang Omicron. Ngunit heto na, bumulusok na naman ang bilang ng mga infected ng bagong uri ng COVID-19 na inilagay na naman sa Alert Level 3 ang Metro Manila sa loob ng dalawang linggo.


At bakit? Una sa lahat, nakalulungkot na naging tila sakim at walang pakialam para sa kapakanan ng nakararami ang ilang Pinoy na nagbalikbayan. Nakagugulat na may “nakakatakas” na pala mula sa mandatory quarantine paglapag sa bansa at dumidiretso sa pakikipaghalubilo sa labas.


Ngunit huli na ang lahat para magpataw ng sisi, bagkus ay maging aral na hindi pa talaga tapos ang laban sa COVID-19. Kailangan ng mas matinding kamay na bakal sa pag-iimplementa ng mga batas sa pagsupil ng virus.


At ngayong narito na ang masamang balita, hayaan ninyong ipaalala ulit natin sa inyo ang mga guidelines at protocol na naglalayong itigil ang pag-akyat ng bilang ng mga maysakit.

Mga gabay para sa mga lugar na nasa Alert Level 3:


1. Ang intrazonal at interzonal na paggalaw ay pinapahintulatan. Gayunman, maaaring magpataw ang mga LGUs ng iba pang uri ng paghihigpit na hindi naman dapat mas mahigpit sa ilalim ng mas mataas na antas ng alerto. Sa kondisyong ito, ang mga wala pang 18 taong gulang, at ang mga kabilang sa may comorbidities ay dapat pahintulutang makakuha ng “essential” o mahahalagang produkto at serbisyo, o magtrabaho sa mga pinahihintulutang industriya at tanggapan alinsunod sa mga umiiral na batas, tuntunin at regulasyon sa paggawa.

2. Ang indibidwal na pag-eehersisyo sa labas ng bahay ay pinapayagan din para sa lahat ng edad anuman ang comorbidities o katayuan ng pagbabakuna.

3. Ang mga sumusunod na establisimyento at/o aktibidad ay nailalarawang may mas mataas na panganib sa pagkalat ng virus kung kaya’t hindi maaaring pahintulutan sa ilalim ng Alert Level.


a. Harapan o personal na mga klase para sa pangunahing edukasyon, maliban sa mga iyon naunang inaprubahan ng IATF at/o ng Opisina ng Pangulo;


b. Contact sports, maliban sa mga isinasagawa sa ilalim ng isang bubble-type na setup sa ilalim ng mga nauugnay na alituntuning pinagtibay ng IATF, mga laro at amusement board, at Philippine Sports Commission, at inaprubahan ng LGU kung saan gaganapin ang mga naturang laro;


c. Mga perya at libangan ng mha bata tulad ng mga palaruan, playroom, at kiddie rides;


d.Mga lugar na may kumakanta o gumagamit ng mga wind-instrument tulad ng trompeta, at may live audience, tulad ng sa mga karaoke bar, club, at teatro;


e. Mga casino, karera ng kabayo, sabong at operasyon ng mga sabungan, lottery at tayaan, at iba pang establisimyento sa paglalaro maliban kung maaari pinahintulutan ng IATF o ng Tanggapan ng Pangulo; at


f. Mga pagtitipon sa tirahan na may mga indibidwal na hindi kabilang sa pareho sambahayan.


4. Ang mga sumusunod na establisimyento, o aktibidad ay dapat payagan basta nakasunod sa maximum na 30% na kapasidad lamang at para sa mga nabakunahang indibidwal lamang, at 50% na kapasidad sa labas ng lugar. Ngunit dapat lahat ng empleyado ng mga establisimyento ay ganap na nabakunahan laban sa COVID-19.


a. Mga lugar para sa mga pagpupulong, komperensiya at eksibisyon;


b. Mga pinahihintulutang lugar para sa mga kaganapan, tulad ng mga party, kasalan, kasal, birthday party, family reunion;


c. Mga atraksiyong-panturista tulad ng mga library, museo, gallery, eksibit, parke, plaza, pampublikong hardin, magagandang tanawin o tinatanaw;


d. Mga amusement park o theme park;


e. Mga lugar ng libangan, tulad ng mga internet cafe, bilyaran, amusement arcade,


f. Mga sinehan; bowling alley, skating rink, swimming pool at katulad na mga lugar;


g. Limitado ang harapan o face-to-face classes para sa mas mataas na edukasyon at para sa teknikal-bokasyunal na edukasyon at pagsasanay;


h. Mga personal na pagtitipon sa relihiyon; mga pagtitipon para sa mga patay at libing para sa mga namatay sa mga sanhi maliban sa COVID-19;


i. Licensure o entrance/qualifying examinations na pinangangasiwaan ng kanilang kani-kanilang ahensiya ng gobyerno, at espesyal na eksaminasyong pinahintulutan ng IATF na napapailalim sa mga alituntuning pangkalusugan at pangkaligtasan, tulad ng inaprubahan ng IATF;


j. Mga serbisyong dine-in sa mga establisimyento sa paghahanda ng pagkain, tulad ng mga kiosk, commissary, restaurant at kainan;


k. Barberya, hair spa, hair salon, at mga nail spa, cosmetics, mga serbisyong pampaganda, tulad ng salon, spa, reflexology;


l. Mga fitness studio, gym, at venue para sa non-contact exercise at sports, basta suot pa rin ang facemask.


5. Ang mga ahensiya ng pamahalaan ay mananatiling ganap na operational at dapat sumunod sa hindi bababa sa 60% on-site na kapasidad habang naka-work-from-home.

Sana ay gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang sugpuin ang pandemya, lalo na at may isa na namang lumabas na variant ng COVID-19 na nadiskubre na sa Israel na kung tawagin ay Florona.



 
 

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | January 04, 2022



Hindi man tayo nakapagputok nang bongga, tulad noong mga nakalipas na taon sa bisperas ng New Year dahil hindi na rin ganun kalaki ang ating badyet, pagtuunan na lang natin ang ilan sa mga pamahiing Pilipino na sinasabing makapagdudulot ng suwerte para sa darating na taon.

Ilan sa mga sinasabing makakapagdala ng suwerte sa bisperas ng bagong taon ay ang sumusunod:


  1. 13 na bilog na prutas. Ang 12 na bilog para sa pera, at ang ika-13 ay pinya

  2. Pansit na pampahaba ng buhay

  3. Malagkit na kakanin upang dumikit ang suwerte

  4. Bawal ang manok at isda dahil ayaw nating maging kahig isang tuka sa darating na taon


Ilan pa sa mga pampasuwerte ay ang sumusunod:


  1. Pagbukas ng lahat ng mga pinto ng kabinet pati mga bintana upang pumasok ang suwerte

  2. Pag-iingay, tulad ng pagpaputok ng firecrackers at fireworks, pagbusina nang walang humpay, pagtorotot at pagpapatugtog nang malakas na musika upang itaboy ang anumang masamang espiritu

  3. Pagbukas ng lahat ng ilaw sa bahay upang sa mas maaliwalas na buhay

  4. Pagsusuot ng polka dots bilang simbolo ng pagpasok ng maraming pera

  5. Paglalagay ng mga barya sa mga sulok ng bahay

  6. Pagtalon pagsapit ng alas-12 ng hatinggabi upang tumangkad (na hanggang ngayon at ginagawa ko pa rin dala na ng tradisyon kahit alam ko nang hindi na ako tatangkad!)

  7. Sa mismong araw ng Enero 1, bawal diumano ang gumastos at bawal maglinis ng bahay dahil baka maitaboy ang suwerteng pumasok noong bisperas.


Bawat kultura ay may iba’t ibang paniniwala, ngunit ‘ika nga, wala namang mawawala ang pagsunod sa ilang nakagawiang tradisyon.

Happy New Year sa inyong lahat at nawa’y maging masagana ang inyong darating na 2022!




 
 
RECOMMENDED
bottom of page