top of page
Search

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | February 15, 2022



Kung problema na sa Metro Manila ang pagkakaroon ng access sa wifi, mas malaking problema ito sa mga liblib na lugar sa probinsiya.


Ito ang nakita mismo ni Dave Almarinez, na naging numero-unong board member sa loob ng tatlong termino sa San Pedro, Laguna, naging Under Secretary ng Philippine International Trading Corporation, at ngayon ay tumatakbong Congressman ng distrito.


“Nakikita kong napakaraming walang access sa internet kaya naisip kong magkaroon ng wifi zones sa San Pedro. Kung ang ordinaryong tao ay may naipong pera, uunahin na niyang bumili ng pagkain para sa kanyang pamilya. Subalit ang wifi ay bahagi na ng buhay at mundo natin,” ani Dave.


Lalo na’t naging online distance learning (odl) ang pag-aaral nitong nakalipas na dalawang taon, mas naramdaman ang kahalagahan ng wifi. Nais ni Dave na tulungan ang mga estudyante sa kanilang edukasyon sa pamamagitan ng pagpapatayo ng free wifi sites sa kanilang bayan.


“Na-iinspire akong mag-isip pa ng mas maraming inisyatibo at programa para iangat ang buhay ng mga taga-San Pedro kapag nakakarinig tayo ng mga ganitong simpleng pag-appreciate sa mga nagawa natin. Sa totoo lang, nagiging emosyonal ako, lalo na kapag nalalaman kong nakakatulong din tayo sa pagtibay ng relasyon ng mga pamilya. Dahil may 60 sites na akong napatayo sa 27 barangay namin sa San Pedro, madali na para sa mga magulang o anak na kausapin ‘yung pamilya nila sa ibang bansa. Kasi ako mismo, ‘yung mga anak ko nasa Canada kaya damang-dama ko ang pinagdaraanan ng mga pamilyang magkakalayo,” pag-amin ni Dave.


“Bukod sa mas napagtanto nating importansya ng wifi sa mga panahong ito sa edukasyon at pamilya, nakita ko rin kung gaano kahalaga ang pagkakaroon ng access sa wifi sa pangkabuhayan. Isang gabing namamasyal ako, may lumapit sa akin na tindera ng arroz caldo at nakakataba ng puso nung sinabi niyang dumami ‘yung benta niya dahil nakakapag-online selling pa sila,” dagdag ni Dave.


Mahalaga kay Dave ang pagtutok sa pangkabuhayan dahil naranasan din niya ang magbenta ng mga mani at mais noong bata pa lang upang magkaroon ng allowance sa pagpasok sa eskuwela, kung kaya’t noong lumaki, pinagsikapan niyang magkaroon ng sariling negosyo hanggang sa mapalago ito.


At ang tip ni Dave sa mga nais magnegosyo, “Magsimula sa mga hilig mo. Halimbawa, ‘yung Ara’s Secrets na skin care line ng misis ko (ang sikat na artistang si Ara Mina), nagsimula ‘yan kasi mahilig siya sa beauty products. At ‘yung Hazelberry Cakes na negosyo niya, talagang mahilig siya mag-bake ng mga cake. Mas masarap kasi ‘yung nagtatrabaho ka para sa mga gusto mong bagay. Isipin n’yo rin kung saan kayo mag-e-enjoy para enjoy din ang trabaho. May passion dapat sa ginagawa. Lakasan lang din ng loob. Magsimula sa kung anong meron kang naipong puhunan at maging consistent. Hindi puwedeng ningas-kugon dahil sa sipag at tiyaga, darating ang araw na mapapalago mo rin ang negosyo mo.”


 
 

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | February 08, 2022



Pandemic breakup! Bumulusok sa 122% ang datos ng mga naghiwalay na mag-asawa nitong pandemya sa mga bansa pa lang, kung saan naisabatas ang diborsyo nitong panahon ng pandemya at wala pa rito ang mga magkasintahang nag-break.


Pero kung gusto nating manalig na may forever pa rin, kilalanin ang mag-asawang Hipolito-Castelo ng Quezon City – si Congresswoman Precious Hipolito-Castelo ng District 2 at ang tumatakbong Bise Alkalde ng lungsod na si Winnie Castelo.


Unang nakilala bilang sikat na artista at broadkaster si Precious noong 1980’s, habang si Winnie naman ay mula sa angkan ng mga pulitiko sa QC. Nagtagpo sila ng landas noong bagitong kagawad pa lang si Precious sa Bgy. Nagkaisang Nayon, kung saan naman konsehal sa distrito si Winnie.


“Induction ng mga barangay officials noon at nagtataka ako kung sino ba ‘tong konsehal na naka-blue barong kasi tatlong beses akong binabalik-balikan para mag-congratulate!” tawang-tawang kuwento ni Precious. “Tapos, palagi na siyang dumadalaw na may dalang food at napa-bilib ako kasi ang bilis niyang magbaba ng mga projects sa mga barangay,” dagdag pa nito.


Hindi nagtagal ay nauwi na nga ang kanilang pagtitinginan sa kasal.


Nakilala sa buong QC na masipag tumulong mula pa noong naging 3 term councilor at 3 term congressman si Winnie, habang 3 termer konsehala naman si Precious bago maging congresswoman noong 2019. Bilib tayo sa mag-asawa kung paano nila nababalanse ang kanilang oras, lalo pa’t nakaka-proud ang mga anak nilang sina Winona at Paolo (Si Winona ay kasalukuyang law student sa UP, habang si Paolo naman ay kukuha rin ng pagka-abogasya pagka-graduate nito sa Ateneo). Paano nga ba ang naging pagpapalaki nila sa mga bata sa kabila ng walang puknat nilang pagbaba sa mga barangay?


“Sinisigurado naming kahit gaano kami ka-busy sa trabaho, may bonding time pa rin kaming apat, kahit man lang maghapunan para makamusta namin ‘yung araw nila. Nakakatuwa nga dahil kahit malaki na sila, sila pa minsan ang nagtatanong, ‘dito po ba kayo kakain sa bahay?’”, ani Precious.


“Ipinamulat din namin kina Winona at Paolo na kailangan nilang pagsikapan at pagtrabahuan nang maigi ‘yung mga gusto nilang makamit sa buhay… walang sense of entitlement,” dagdag ni Winnie.


Ayon sa smallbusiness.com, maraming mag-asawang nasa iisang industriya o opisina ang naghihiwalay dahil bukod sa nagkakainisan o nagkakaumayan sa buong araw na magkasama, madalas ding naiuuwi nila sa bahay ang problema sa trabaho.


Nang hingan natin ng payo si Precious tungkol dito dahil kahit 21 years na silang kasal ay kinikilig pa rin sila sa isa’t isa, ‘eto ang tip ni Cong., “Pareho man kami ng mundong ginagalawan ni Winnie, mula kasi noon pa, palagi kaming nakasuporta sa isa’t isa. Palaging bukas ang linya ng komunikasyon namin, lalo na kung may mga ideya kami para sa ikauunlad ng QC na magagawa ng kani-kanya naming opisina at mas napagaganda pa nga namin ‘yung mga programa para sa mga tao.”


“Malaking factor din ‘yung similar na pangarap namin, hindi lang para sa aming pamilya, kundi ‘yung mas malaking pangarap namin bilang public servants sa QC. Sa pagbisita namin sa ibang bansa bago mag-pandemic, nakita namin kung gaano karaming puwedeng gawin dito sa atin at kabilang na riyan ang sa larangan ng edukasyon at imprastruktura. Pangarap naming maging world class ang QC kung kaya’t hindi kami napapagod na isulong ang world class at malayang QC dahil alam naming kayang-kaya ‘to sa ilalim ng tamang pamumuno.


Sa tingin ko ay mas nakakapagpatibay ng relasyon ang pagkakaroon ng similar goals at hindi pagturing na kompetisyon ang partner mo, kundi talagang partner na handang suportahan at damayan”, dagdag ni Winnie.


Kaya ang tip natin sa inyo ngayong araw: huwag mawawalan ng pag-asa, mapa-lovelife man o mapa-trabaho, dahil patunay ang mag-asawang Castelo na walang imposible: walang imposible sa pag-ibig, walang imposible sa “forever” at walang imposible sa pagkamit ng mga bukal na mithiing mula sa puso.



 
 

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | February 1, 2022



Nakakahiya sa mga medical frontliners ang kakapiranggot na natatanggap nilang buwanang sahod. Sa kasalukuyan, ang buwanang suweldo ng mga nars ay nasa P35,097 lamang o Salary Grade 15- masasabing hindi angkop sa inihahatid nilang serbisyo, lalo na ngayong pandemya kung kailan naramdaman ng bansa ang pagbubuwis nila ng buhay at napakarami sa kanila ang nagkasakit at namatay pa sa COVID-19.


Kung kaya’t nakatutuwang may boses ang mga nars at iba pang healthcare workers kay Anak Kalusugan Rep. Mike Defensor, na nagtutulak sa pagpasa sa House Bill 7933, na naglalayong tumaas ng 78%, o sa P62,449, ang entry-level monthly pay ng lahat ng mga nars na nagtatrabaho sa mga ospital ng gobyerno ng Pilipinas.


Bukod dito, muling hinimok ni Defensor ang gobyerno na ibasura ang taunang limitasyon sa pagpapadala ng 7,000 sa Overseas Filipino Workers (OFW) o overseas deployment cap, dahil aniya, ito ay labag din sa konstitusyon.


Sinabi ni Defensor, na dapat tamasahin ng mga Pilipino ang karapatang mamuhay at magtrabaho, kung saan may oportunidad na, “Makamit nila ang pinakamahusay na kalidad ng buhay para sa kanilang mga pamilya.”


“May karapatang pumiling magtrabaho ang healthcare workers sa mga employer na makapagbibigay sa kanila ng pinakamataas na suweldo – kung sa Estados Unidos man o sa United Kingdom,” aniya.


Nanawagan ang mambabatas matapos makakuha ng licensure examination sa U.S. ang 9,788 nars sa unang pagkakataon noong 2021. Ito ay sa kabila ng mahigpit na paghihigpit sa paggalaw na nauugnay sa matagal na pandemya.


Ani Defensor, “Ang bilang na ito ay mas mataas ng 63% kumpara sa 6,004 na nagtapos ng nursing sa Pilipinas na kumuha ng eligibility test ng America o ang NCLEX, sa unang pagkakataon noong 2020, hindi kabilang ang mga repeater.”


Dagdag pa ni Defensor, na ang bilang ng mga nars na nakapag-aral sa Pilipinas na kumukuha ng NCLEX sa unang pagkakataon ay itinuturing na magandang indikasyon kung gaano karami ang nagsisikap na makakuha ng trabaho sa Amerika.


Ang tip ni Defensor para sa pamahalaan, “Kung gusto nating manatili sa bansa ang ating mga nars at iba pang propesyunal upang dito magtrabaho, talagang kailangan din nating pag-ukulan ng pansin ang kanilang pagpapataas ng kanilang suweldo at mga benepisyo.”


Tip naman ni Defensor sa mga healthcare workers natin, huwag hayaan ang mga pagsubok na maging balakid sa pagkamit ng kanilang mga pangarap.


***


Happy Chinese New Year din sa mga kaibigan nating Filipino-Chinese!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page