top of page
Search

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | March 9, 2022


Dahil simula na ng summer season, ramdam na ang patinding-patinding init! Kahit hindi na tayo nakakapasyal sa beach, ang ganda na ng ating tan mula sa araw-araw na pamamahagi ng ayuda at hygiene kits sa buong Distrito 6 ng QC kahit tanghaling tapat.


Pero sa gabi-gabi rin nating pagdalaw sa mga lamay bilang pakikidalamhati sa mga residenete ng Distrito 6, nalaman nating isa sa mga sanhi ng biglang kamatayan nitong nakalipas na buwan ay ang pagtaas ng alta-presyon at atake sa puso.


Warning lang na ang mataas na temperatura at maalinsangang panahon ay maaaring magdulot ng malubha at masamang epekto sa kalusugan para sa mga taong may mataas na presyon ng dugo at sakit sa puso. Maaaring maapektuhan ang presyon ng dugo sa panahon ng tag-araw dahil sa mga pagtatangka ng katawan na magpalabas ng init.


Sa mainit na panahon, sinusubukan ng katawan na palamigin ang sarili sa pamamagitan ng paglilipat ng dugo mula sa mga pangunahing organs patungo sa ilalim ng balat. Ang pagbabagong ito ay nagiging sanhi ng puso na magbomba ng mas maraming dugo, na naglalagay dito sa ilalim ng higit na stress.


“Kung ikaw ay isang pasyente sa puso, mas matanda sa 50 o sobra sa timbang, iminumungkahi ng American Heart Association na magsagawa ka ng mga espesyal na pag-iingat sa init upang maprotektahan ang iyong puso,” ani Donald M. Lloyd-Jones, MD, Sc.M., FAHA, ang presidente ng American Heart Association.


“Ang ilang mga gamot sa puso tulad ng angiotensin receptor blockers (ARBs), angiotensin-converting enzyme (ACE) inhibitors, beta blockers, calcium channel blockers at diuretics, na nakakaapekto sa mga tugon sa presyon ng dugo o nakakaubos ng sodium sa katawan, ay maaaring magpalaki sa tugon ng katawan sa init at nagdudulot sa iyo ng sakit sa matinding init,” dagdag ni Lloyd-Jones, na ang termino.


“Ngunit huwag kang huminto sa pag-inom ng iyong mga reseta. Alamin kung paano maging cool at makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa anumang mga alalahanin.”


Kahit hindi umiinom ng mga gamot para sa kondisyon ng puso, mahalagang mag-ingat sa init. Habang ang mga sanggol at matatanda ay mas madaling kapitan ng mga problema mula sa init, ang matinding temperatura ay maaaring magdulot ng mga isyu sa kalusugan para sa sinuman.


“Ang pananatiling hydrated ay susi. Madaling ma-dehydrate kahit hindi iniisip na nauuhaw ka,” sabi ni Lloyd-Jones. “Uminom ng tubig bago, habang at pagkatapos lumabas sa mainit na panahon. Huwag maghintay hanggang sa makaramdam ka ng uhaw. At ang pinakamahusay na paraan upang malaman kung nakakakuha ng sapat na likido ay upang subaybayan ang iyong output ng ihi at siguraduhin na ang kulay ng ihi ay maputla, hindi madilim o puro.”


Ang dehydration ay sanhi ng puso na gumana nang mas mahirap, na inilalagay ito sa panganib. Ang hydration ay tumutulong sa puso na mas madaling mag-bomba ng dugo sa pamamagitan ng mga daluyan ng dugo patungo sa mga kalamnan. At tinutulungan nito ang mga kalamnan na gumana nang mahusay.


Iminumungkahi ng American Heart Association na sundin ng lahat ang limang pag-iingat sa mainit na panahon:

  1. Umiwas sa paglabas ng bahay mula alas-12: 00 ng tanghali hanggang alas-3: 00 ng hapon dahil ang araw ay karaniwang nasa pinakamatindi, na naglalagay sa atin sa mas mataas na panganib para sa mga sakit na nauugnay sa init.

  2. Magsuot ng komportable at mapusyaw na kulay na damit, tulad ng cotton o mas bagong tela na nagtataboy ng pawis. Magsuot ng sumbrero at salamin sa mata. Bago magsimula, maglagay ng water-resistant na sunscreen na may hindi bababa sa SPF 15, at muling ilapat ito tuwing dalawang oras.

  3. Uminom ng tubig: Manatiling hydrated sa pamamagitan ng pag-inom ng ilang baso ng tubig bago, habang at pagkatapos lumabas o mag-ehersisyo. Iwasan ang mga inuming may caffeine o alkohol.

  4. Magpahinga nang regular: Humanap ng lilim o malamig na lugar, huminto ng ilang minuto, mag-hydrate at muling magsimulang.

  5. Sundin ang mga utos ng doktor: Ipagpatuloy ang pag-inom ng lahat ng gamot, tulad ng inireseta.

Mahalagang malaman ang mga palatandaan at sintomas kapag nakararanas ng sobrang init.


Mga sintomas ng pagkapagod sa init:

  1. sakit ng ulo

  2. matinding pagpapawis

  3. malamig, basang balat, panginginig

  4. pagkahilo o nahimatay (syncope)

  5. mahina at mabilis na pulso

  6. kalamnan cramps

  7. mabilis, mababaw na paghinga

  8. pagduduwal, pagsusuka o pareho.

Kaya stay safe, stay healthy!



Para sa ating mga programa at serbisyong diretso sa tao, i-like at follow ang ating Facebook page na Rikki Mathay QC, kabilang na ang mga programang pangkabuhayan para sa mga taga Distrito 6 ng QC

 
 

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | February 26, 2022



Napagdaanan ng inyong lingkod ang halos lahat na ng unos ng lipunan, mula sa sunog, lindol, bagyo, baha at maging ang pandaigdigang pandemya sa pagiging volunteer at Konsehal ng Philippine Red Cross nitong nakalipas na dekada. Sa tuwing may kalamidad, kami ang isa sa mga nauunang rumesponde, maging nitong nakalipas na mga taon ng COVID-19 kung kailan lahat ay hindi maaaring lumabas ng bahay, kami ang naging dulungan ng paghahanap ng mga ospital, ambulansiya at dugo para sa libu-libong naospital.


Maraming serbisyo ang Red Cross, ngunit ang namayagpag ay ang blood services. Ang kabalintunaan, noong dumami ang naghanap ng dugo dahil sa pagbulusok ng kaso, mga may sakit, halos wala nang suplay sa mga blood bank dahil wala na ring nagdo-donate sa pangamba sa pandemya.


Kung kaya’t abot langit ang tuwa natin noong bumaba na ang mga kaso ng COVID-19 kasabay ng unti-unting pagpapahintulot na mu kaming magsagawa ng blood letting.


Sa huling blood drive na inorganisa natin kasama ang PRC QC at iba’t iba pang organisasyon, nakakolekta tayo ng 61-units ng dugo mula sa mahigit 100 donor sa loob ng 9-oras (Maaaring tingnan ang proseso ng blood letting sa ating Facebook page, Rikki Mathay QC). Sa haba ng oras na ginugugol sa pag-screen ng donors, malaking bilang ang hindi nakakapasa.


Narito ang ilan sa mga dahilan kung bakit maaaring hindi makapasa ang donor sa mga pagsusulit:

1. Kulang sa timbang

2. Na-tattoo noong nakaraang taon (kabilang na ang acupuncture)

3. Kulang sa tulog

4. Pag-inom ng alak sa nakalipas na 24-oras


Mayroon ding mga hindi makapag-donate kabilang ang mga taong mayroong:

1. Ilang mga gamot kabilang ang mga gamot sa psoriasis

2. Kanser

3. Sakit sa puso

4. Malubhang sakit sa baga

5. Hepatitis B at C

6. Impeksiyon sa HIV, AIDS o Sexually Transmitted Diseases (STD)

7. Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang na higit sa 5kg. sa loob ng 6-buwan at

8. Alkoholismo


Ngunit ang malusog na indibidwal ay maaaring magbigay ng dugo kada tatlong buwan.


Sa katunayan, ang pag-donate ng dugo ay mainam sa kalusugan dahil ang pinasisigla ang bone marrow upang makagawa ng mga bagong selula ng dugong nagreresulta sa mas epektibong paggana ng mga organs. Huwag ding mangamba dahil hindi maaaring mahawa sa sakit mula sa pag-donate ng dugo dahil gumagamit ang Red Cross ng mga sterile, disposable needles at syringes.


Hindi lalagpas ng 30-minutes ang buong proseso ng pagsali sa blood drive para sa mga donors, ngunit masalimuot man ang proseso ng bloodletting para sa Red Cross upang matiyak ang kaligtasan ng mga donors at ang pagiging safe ng mga dugong makukuha.


Ang mga matagumpay na donor ay tumatanggap ng Red Cross ID na magagamit nila upang bigyan sila ng prayoridad kung sakaling sila mismo ay mangangailangan ng dugo sa hinaharap.


Bukod dito, may pa-grocery bags pa ang Red Cross QC upang mas marami ang mahikayat na maging blood donors.


Kung nais mag-organisa ng blood drive para sa inyong organisasyon, maaaring makipag-ugnayan sa mathayrikki@gmail.com, at tulad ng palagi nating sinasabi, narito kami anumang oras at kahit saan. Let’s all help save lives!


 
 

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | February 19, 2022



Noong nakaraang Araw ng mga Puso, ka-date natin ang higit sa 20,000 na residenteng mula sa buong Quezon City sa Amoranto Stadium. Ito ay para sa ginanap na proklamasyon ng partidong Malayang QC para sa kandidatura nina Bongbong Marcos at Inday Sara Duterte bilang pangulo at bise-presidente ng Pilipinas. Dinaluhan ito ng lahat ng kandidato ng MQC sa pangunguna nina Congressman Mike Defensor, Winnie Castelo, mga tumatakbong kongresista at konsehal, ang mga senador ng UniTeam ni BBM at Sara, at ang dahilan ng makasaysayang pagtitipong ito — si Bongbong Marcos.


Tila yumanig ang Amoranto noong dumating si BBM kahit magte-10-oras na naghintay ang kanyang mga supporters sa ilalim ng ulan at sikat ng araw.


Masaya tayong napili bilang isa sa mga nag-emcee ng malaking event na ito. Bilang dating host ng telebisyon noong mula 1999 hanggang 2005, naging raket na rin natin ang pag-e-emcee ng mga events hanggang tayo na mismo ang nagkaroon ng munting kumpanyang nag-oorganisa ng mga kaganapan. Nakakaaliw noong sinabihan tayo ng isa nating co-host, ang batikang aktor at host na si Roderick Paulate, na kinakabahan pa rin siya sa pag-emcee na hindi naman talaga mawawala kahit gaanong karami na ang mga events na iyong hinost.


Naging matagumpay at masaya ang buong programa at nakakataba ng pusong marinig mula sa mga nakapanood na natuwa sila sa ginawa nating pag-emcee.


Kaya ngayon, nais nating ibahagi ang ilang tips sa mga nais subukang mag host na batay sa ating higit dalawang dekadang pag-emcee ng events. Hindi na mabilang ng inyong lingkod ang mga events na ating na-host, kabilang ang mga internasyunal na malakihang pagtitipon, seryosong kumperensiya, corporate events at maging mas maliliit na okasyon.


1. Una sa lahat, isaisip na walang malaki o maliit na kaganapan. Kung ikaw ang mag-e-emcee, bigyan ng magkaparis na atensiyon at passion ang trabaho. Damhin na espesyal ang bawat okasyon, at higit sa lahat, ang bawat isang dumalo rito.


2. Mag-aral! Hindi sapat ang salita nang salita lamang. Alamin bago ang event ang kasaysayan ng kompanya o taong pinag-e-emcee-han upang malaman ang importanteng impormasyon. Maaari itong maging trivia sa pananalita upang magkaroon din ng laman ang mga sinasabi sa entablado.


3. Pag-aralan ang manonood o audience. Alamin kung ano ang kanilang mga hilig upang maging angkop din ang pananalitang gagamitin.


4. Isiping mabuti kung paano uumpisahan nang “malakas” ang event. Ang paninimula ng programa ang isa sa pinakamahalaga at challenging na bahagi ng programa. May kasabihan nga na “First impressions last” at totoo ito. Ang panimula ang magsasaad ng buong tono ng programa. Sa Amoranto kung saan kailangan kong gisingin at kalampagin ang mga manonood, lalo na at bumuhos ang ulan noon na nasundan ng sobrang init ng araw at pagod na agad ang mga tao, mahalagang maging excited sila sa mga magaganap na siya nating ginawa. Tayo mismo ang nagpakitang sabik na tayo sa mga mangyayari. Kailangan nating maging kumpiyansa sa nakakaengganyong script na magtatakda ng tono para sa natitirang bahagi ng iyong palabas.


5. Ipaliwanag kung bakit espesyal ang kaganapan. Bilang emcee, trabaho nating bigyan ng buhay ang kaganapang iyong iniho-host at ipakita kung bakit espesyal ang okasyon. Kung nandoon ka para mag-emcee ng kasal, pag-usapan nang kaunti kung bakit napakaespesyal ng koneksiyon ng ikakasal. Kung nagho-host ng charity event, ipaliwanag kung ang dahilan ng okasyon. Trabaho nating bigyan ng kahulugan ang kaganapan at pasiglahin ang mga tao na makarating doon.


6. Audience participation. Chikahin ang mga nanood upang maramdaman nilang bahagi sila ng event. Madalas na nagiging nakakainip ang mga programa, lalo na kung mahaba na ito. Maaaring hikayatin ang madla sa pamamagitan ng pagtatanong o sa kanila sa isang paksa. Halimbawa, sa naganap na malawakang proclamation rally sa Amoranto, hinanap natin at binigyan ng pagkakataong magpakilala sa pamamagitan ng malakas na paghiyaw ang mga residente ng bawat distrito ng QC.


7. Finish strong! Matatandaan ng madla ang iyong pangwakas na pahayag nang higit pa kaysa sa iyong pagbubukas, kaya tiyaking gumawa ng malaking pangwakas na talumpati na mag-iiwan sa lahat ng bagay na maaalala, tulad ng aktibidad ng grupo, tanong o huling sayaw. Huwag kalimutang ipadama sa mga tao na naging sulit ang pagpunta nila sa okasyon at sa tuwing maaalala nila ang pagdalo rito ay may ngiti sa kanilang labi maraming taon man ang lumipas.


8.Practice makes perfect. Huwag mabahala kung pumalpak sa unang pagkakataong nag-emcee. Tulad ng lahat ng gawain, ang pagho-host ay abilidad din na maaaring pagbutihin sa paglipas ng panahon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page