top of page
Search

ni Thea Janica Teh | December 21, 2020



Patay ang 3 katao matapos malunod at 2 pa ang pinaghahanap sa Surigao del Sur sa pananalanta ng Bagyong Vicky nitong weekend, ayon kay Governor Alexander Pimentel ngayong Lunes.


Nasa 17 barangay sa probinsiya ang nalubog sa baha at halos 5,000 pamilya ang naapektuhan at inilikas sa evacuation center.


Dagdag pa ni Pimentel, lubos na naapektuhan ang bayan ng Madrid at Hinatuan dahil malapit umano ito sa Baganga, Davao Oriental kung saan unang nag-landfall ang Bagyong Vicky noong Biyernes.


Ibinahagi ni Pimentel na isa sa mga dahilan ng pagbaha sa kanilang probinsiya ay dahil marami umanong illegal miners lalo na sa bayan ng Barobo. Aniya,


“Inisyuhan ko last year pa ng cease and desist order kasi meron silang illegal gold mining diyan, mga bahay diyan along the riverside, 30 kabahayan ang na-washout."


Tinatayang nasa P20 milyong halaga ng imprastraktura sa probinsiya ang nasira ng Bagyong Vicky. Sa ngayon ay hinihintay na lamang ni Pimentel ang rekomendasyon ng provincial disaster office upang magdeklara ng state of calamity.


 
 

ni Thea Janica Teh | December 20, 2020



Lumabas na ng bansa kaninang alas-2 ng hapon ang bagyong Vicky, ayon sa PAGASA. Huli itong namataan sa 70 kilometers southeast ng Kalayaan, Palawan kaninang alas-4 ng hapon at may bilis na 15 km per hour (kph) papuntang kanluran.


Mayroon itong maximum sustained wind na 55 kph malapit sa sentro ng bagyo at may bugso ng hangin sa 70 kph. Samantala, nakataas pa rin sa Storm signal no. 1 ang Kalayaan Island kung saan mararanasan ang 30 hanggang 60 kph bugso ng hangin.


Magdadala pa rin ng mahina hanggang malakas na pag-ulan ang bagyo at tail-end ng frontal system ngayong Linggo nang gabi hanggang Lunes sa mainland ng Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Aurora, Quezon, Bicol Region, northern portion ng Palawan kasama ang Calamian Island at Kalayaan Island.


Pinaalalahanan ng PAGASA ang publiko na mag-ingat dahil sa posibilidad na magkaroon ng landslide at baha dahil sa pag-ulan. Samantala, may isa pang low pressure area ang binabantayan ng PAGASA na maaaring pumasok sa bansa bago matapos ang taon.


 
 

ni Thea Janica Teh | December 20, 2020



Nagsalita na si Presidential Spokesperson Harry Roque matapos ilabas at gamitin ng isang foreign publication ang kanyang mukha bilang GIF.


Ang Thai Enquirer ay isang online news portal na based sa Thailand ang nag-post nitong Disyembre 19, 2020 ng GIF ni Roque at may caption patungkol sa kampanya ng Thailand sa pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay at pagpapanatili ng social distancing sa panahon ng pandemya.


"It is encouraging that foreign media, particularly Thai Enquirer, has taken notice of the Philippine government's Minimum Public Health Standards Advocacy Campaign of wearing a face mask, washing of hands, and maintaining a physical distance, which is known locally as 'Mask, Hugas, Iwas'," sabi ni Roque.


Dagdag pa ni Roque, isa umanong magandang sign na nakaabot internationally ang kampanya ng Pilipinas sa pagpuksa sa COVID-19 dahil ito ay epektibo.


Samantala, matapos i-post ng Thai Enquirer ang GIF ni Roque, muli itong nag-post at sinabing hindi nila kilala si Roque. Ginamit lang umano nila ang GIF dahil si Roque umano ay “round and Asian.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page