ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| October 25, 2020
Bigyang-daan natin ang mga unang bagay na dapat gawin para mabilis na umasenso ang negosyo.
Ngayon, okey nang magbukas ng negosyo. Ang mga negosyante ay makikitang parang nakawala sa kulungan at mag-uunahan tulad sa karera ng kabayo.
Narito ang ilang kaalaman tungkol sa muling pagbubukas ng mga place of business.
Dapat may sariwang hangin na makakapasok, kaya mas maganda na bukas ang bintana sa East at West o North at South. Kung walang mga bintana, mas magandang maglagay nito sa nasabing likas na daanan ng ihip ng hangin. Kung sarado naman tulad ng mga naka-aircon, inirerekomendang maglagay ng exhaust fan para mailabas ang hangin na naiipon sa loob.
Hinihikayat din na maglagay ng mga halaman sa loob at labas ng place of business.
Maganda na may fountain sa loob na may mga isdang naglalaro o naglalanguyan kung saan ang tubig ay awtomatikong nalalagyan ng oxygen.
Sa umaga, ang payo ay magdasal muna ang mga empleyado kasama ang may-ari kung siya ay maaga ring pumapasok.
Huwag kalimutang magsaboy o magkalat ng asin sa paligid.
Kung puwede ay magsikain nang busog, ibig sabihin, kahit simple lang ang pagkain, kailangang busog ang kumain. Kaya kung puwede rin ay huwag magtipid dahil hindi naman kailangan ang malaking halaga ng pera sa simpleng pagkain. Ang mahalaga ay busog ang kakain. Sa salitang “busog”, ibig sabihin ay hindi nabitin sa pagkain.
Ang paghuhugas ng mga kamay ay dapat isagawa at kailangang hugasan agad ang pinagkainan.
Pagkatapos kumain, mas magandang magkaroon ng panandaliang pagtulog o pag-idlip. Kung hindi magagawa, ang ipinapayo ay gawin ang tinatawag na “Paghingang Ganap ng Mga Yogi” kung saan ilalabas ng hangin sa lungs at papasukin ang bago o sariwang hangin, gagawin ito ng ilang minuto bago muling simulan ang trabaho.
Ang Paghingang Ganap ng Mga Yogi ay inirerekomenda rin sa mga empleyado at namamahala ng negosyo kapag napansin nila sa kanilang sarili na nababawasan ang aktibidad ng katawan, tinatamad o nananamlay.
Bago mag-uwian, magdasal.
Good luck!