top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 10, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Andrea na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Ano ang ibig sabihin ng ngipin sa panaginip? Sa aking panaginip, nabasag ‘yung isang ngipin ko sa harapan, ‘yung pinakamalaki at sa right side, pero muntik lang siyang matanggal at nakakabit pa rin naman.


Masyado lang akong nabahala, kaya naisip kong sumangguni sa inyo, kasi hindi naman natanggal ang ngipin ko sa aking panaginip, pero may mamamatay daw agad? Sana ay masagot n’yo ako. Maraming salamat!


Naghihintay,

Andrea

Sa iyo, Andrea,


Minsan lang, as in, maaaring nagkataon lang na may nanaginip na nalagas ang ngipin at may may namatay na mahal sa buhay. Ang kadalasang nagaganap ay ang nalagas, nasira o nabasag ang ngipin ay nagsasabing may maninira sa nanaginip, kumbaga, ang layunin ng maninira ay pumangit ang imahe sa mga tao ng nanaginip ng ngipin.


Ito ay sa dahilang ang ngipin ay simbolo ng kagandahan, kaya sa mga beauty pageants, ang madalas na nananalo ay ang may magagandang ngipin.


Kaya sa panaginip na nasira ang iyong ngipin, ibig sabihin, ikaw na maganda ay sisiraan para pumangit ang imahe mo sa mga tao.


Ito rin ay babala na mag-ingat ka sa mga nakakasalamuha mo. Sa mga akala mong nakikinig sa iyo, pero ang layunin pala ay ang makahanap ng kasiraan at kapintasan mo para gamitin ito sa paninira sa iyo.


Mag-ingat ka rin sa mga kaibigan mo dahil may mga kaibigan na ang gusto ay siya lang ang number one, na kapag may banta sa kanya ay agad niyang sisiraan para mapanatili ang kanyang pagiging numero-uno sa kasikatan.


Higit sa lahat, ingatan mo rin ang iyong sarili dahil may mga pagkakataon na ang mga nanaginip ng ngipin ay siya msimo ay nakagagawa ng bagay na ikasisira niya sa mata ng publiko.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 9, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Maricar na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Bakit palagi akong nananaginip ng may kasamang ibang lalaki na hindi ko kilala? Iba-ibang lalaki ang kasama ko at minsan, may kasama pa kaming isang bata na babae. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Maricar


Sa iyo, Maricar,


Sa panahon ngayon na ang pag-aasawa ay sobrang mabilis, may mga pangyayaring hindi pa gaanong magkakilala ay nag-aasawa, nagsasama o nagpapakasal agad. Sa ganitong pananaw at kung nagkataong may asawa ka na ngayon, ang ibang lalaki sa panaginip mo ay ang iyo ring asawa.


Kung nagkataon naman na ikaw ay wala pang asawa pero may boyfriend ka na, ang lalaki sa panaginip mo ay ang lalaking darating sa future. At dahil sa “future” pa siya darating, natural lang na ngayon ay hindi mo pa siya kilala.


Kung nagkataon din na may asawa ka, ang ibang lalaki sa panaginip mo ay katumbas ng “ibang babae” na itinatawag sa mga kabit o lihim na karelasyon ng may pananagutan na.

Ang lahat ng ito ay isa lang ang tinutumbok kung saan ito ay nagsasabing hindi ka masaya ngayon, ibig sabihin, nabubuhay ka sa lihim at malalim na kalungkutan.


Samantala, ikaw ay pinapayuhan na maghanap ng saya, kumbaga, gumawa ka ng paraan upang ikaw ay lumigaya. Dahil kapag nagpatuloy ang lihim na lungkot ng isang tao, nasisira ang likas niyang ganda at nawawala ang orihinal na kagandahan niya. Ito ay dahil papayat ang mukha at mahahapis ang mga mata at ang mga labi ay magiging dry o walang sigla ang bawat ngiti na bibitiwan ng kanyang mga labi.


Pero higit sa lahat, pumapangit din ang kapalaran ng isang tao kapag siya ay may lihim na kalungkutan kung saan nahahatak ng taong malungkutin ang mga negatibong puwersa sa paligid. At kung siya ay babae, sinasabing matutulad siya sa isang magandang prinsesa na nakakulong sa palasyo na may napakataas na pader at hindi siya masaya dahil may malalim na kalungkutan sa kanyang puso.


Gayunman, hindi rin sila dapat mawalan ng pag-asa dahil sa bawat kasaysayan ng babae, palagi rin namang mayroon siyang “knight in shining armor,” na ang ibig sabihin, siya ay ililigtas ng isang matipunong lalaki sa kanyang pagkakakulong sa malalim na kalungkutan.


Ito ang mensahe ng iyong panaginip. Ito rin ay huwag na huwag mong kalilimutang itanim sa iyong isipan, ikuwintas mo sa iyong dibdib at tiyak na tiyak na magyayari sa iyong buhay.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 8, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Agnes na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan kong marami kaming mga tao na nagkakatuwaan, tapos napatingala ako sa langit at nakita ko ‘yung kabayo na naglalakad sa ulap. Habang tinitingnan ko siya, biglang naging kalabaw pero may sakay at ‘yung sakay ay umakyat sa langit. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Agnes

Sa iyo, Agnes,


Bilang pagtatapat sa iyo, ganito ang kahulugan ng iyong panaginip — sa ngayon ay inaakala mong hindi na matutupad ang mga pangarap mo. Ibig sabihin, pinanghihinaan ka na ng loob at maririnig sa iyong kalooban na ipinauubaya mo na lang sa langit ang iyong kinabukasan.


Pero ang sabi ng iyong panaginip, “keep on dreaming,” kumbaga, huwag kang mawalan ng pag-asa. Sa halip, manatili kang nangangarap na ikaw ay magkakaroon ng magandang future.


Ang kabayo ay simbolo ng ambisyon ng tao, kaya sabi ng panaginip mo, bakit mo papatayin ang iyong ambisyon? Pahabol pa ng iyong panaginip, ang taong walang ambisyon ay mananatili sa kahirapan, pero ang may ambisyon ay yayaman.


Ang totoo nga, ang kalabaw sa panaginip mo ay sumisimbolo sa masaganang buhay kung saan ayon sa iyong panaginip, makakaasa ka na magkakaroon ka ng kasaganaan sa buhay sa darating na mga araw. Pero ito ay makakamit mo lamang kung buhay ang iyong ambisyon.


Kaya sa panaginip, ang kabayo na naging kalabaw ay nagsasabing, “Ang mga ambisyon mo— gaanuman ito kataas — ang magdadala sa iyo sa tiyak na pag-unlad at sa kasaganaan ng buhay.”

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page