top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 13, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Irish na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan kita kagabi na tinignan mo ang palad ko, tapos parang may nag-match sa kamay ng katabi mong lalaki na kasama natin sa isang lugar at sinabi mong, “Siya na pala ang mapapangasawa mo,” at mula noon ay naging mag-asawa kami.


Sa palagay n’yo, dahil nakapanaginip ako ng ganito, ibig sabihin ba ay makapag-asawa pa ako? May chance pa ba o wala na talaga? Maraming salamat!


Naghihintay,

Irish

Sa iyo, Irish,


Nakakatuwa ang panaginip mo dahil sinabi ko pala sa ‘yo na siya na ang mapapangasawa mo. Magkakatotoo kaya ‘yun?


Una, ayon sa iyong panaginip, hindi ka dapat mawalan ng pag-asa dahil ang panaginip ay nagmumula sa malalim na kamalayan ng isang tao. Napansin mo na ba ang salitang “kamalayan”? Ibig sabihin, “siya” o ang ating “kamalayan” ay may alam na hindi natin alam o may “malay” siya, pero hindi naman namamalayan ng ating sarili.


Kaya ang sinasabing “malay mo”, hindi ‘yun salitang parang walang kabuluhan dahil ito ay may pinanghuhugutan at ito ay talagang madalas na nagkakatotoo.


Sasabihin ko sana sa iyo ngayon na, “Malay mo, makapag-asawa ka pa,” eh baka naman pumasok sa isip mo na sobrang liit ng tsansang ikaw ay makapag-asawa, kaya hindi ito ang sasabihin ko sa iyo.


Ang sasabihin ko sa iyo ay ito: Sa panaginip mo na tiningnan ko ang iyong palad, ibig sabihin, ang tiningnan ko ay ang iyong kapalaran. Dahil ang bawat salita ay may salitang ugat at ibinabalita ko sa iyo na ang root word sa salitang “kapalaran” ay palad. Kaya kung gusto nating malaman ang ating kapalaran, simpleng-simple lang, eh ‘di tingnan natin ang palad mo.


Ano nga ba ang nakita sa palad mo, ayon sa iyong panaginip? Ano pa nga ba, kundi ang kapalaran mo.


Rito sa atin, ang tawag sa ating napangasawa ay kapalaran. Madalas, ‘yan ang bukambibig ng mga mag-aasawa kung saan ang kanilang asawa ay ang naging kapalaran nila. Dahil dito, malinaw na malinaw na ikaw ay makakapag-asawa at ang pag-aasawang ito ay hahantong sa maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 12, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Sarah Jane na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko na mas maganda sa akin ‘yung kapatid ko? Tapos, malimit magtanong ang asawa ko tungkol sa kapatid ko. Nu’ng una, hindi ko binibigyan ng kahulugan, kaya lang, napapansin ko na palagi na lang siyang nagtatanong.


Gayundin, nakita ko ang aking asawa at kapatid na nasa mall at naglalaro sa kotse na hinuhulugan ng coins. Napapaisip na kasi ako, kaya sana ay masagot n’yo. Salamat!


Naghihintay,

Sarah Jane


Sa iyo, Sarah Jane,


Kahit naman sino ay mapapaisip sa mga kuwento mo na malimit magtanong ang iyong asawa tungkol sa kapatid mo. Pero ikaw ay mas mapapaisip talaga dahil napanaginipan mo na silang dalawa ay masayang magkasama sa mall. At kung idaragdag pa ang napanaginipan mo na mas maganda kaysa sa iyo ang iyong kapatid, mas malamang na buong araw ay magulong-magulo ang isip mo.


Kaya naman masasabing sa panahong ito ay pinaghaharian ka ng selos. Mainam na ang nagtatapat sa iyo dahil madalas, ang selos ay may katotohanan. Pero siyempre, hindi naman palaging ito ay tamang basehan.


Mas magandang obserbahan mo ang mga kilos at galaw ng asawa mo, gayundin ang inyong relasyon, kung siya ba ay nagbago o may mga pagbabago ba sa kanya.


At kung mas tumindi ang selos mo dahil sa resulta ng iyong pag-oobserba, narito ang puwede mong gawin:

  • Huwag mo nang patirahin sa inyo ang kapatid mo kung sakaling siya ay kasama n’yo sa bahay.

  • Huwag mong kalimutan na ang pinagseselosan ay wala namang kasalanan, maliban na lang kung siya mismo ang umakit sa asawa mo. Ibig sabihin, tanungin mo ang iyong sarili, mahilig ba talaga ang mister mo, kumbaga, siya ba ay babaero? Dito sa huli, wala kang dapat sisihin kundi ang iyong sarili dahil bakit siya pa ang pinili mong mapangasawa kung babaero pala siya? Pero ang isa sa lihim na katotohanan sa mga pag-aasawa ay hindi dapat sumobra sa kanyang mga kasalanan ang mister. Ito ay dahil posibleng magrebelde ang misis kung saan puwede siyang magkaroon ng lihim na karelasyon.

  • Siyempre, masama ang ganu’n kaya huwag mong gagawin. Pero kapag nagkabistuhan na kayo, tiyak na siya ang magsisisi.


Kaya ang payo ay huwag mo nang hintayin pang lumala ang sitwasyon. Ang dapat at magandang gawin ay mapaglayo mo ang dalawa — ang iyong kapatid at mister dahil kung hindi ito mangyayari, tiyak na masisira ang buhay n’yong mag-asawa.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 11, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Jean na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nanaginip ako ng mangkok na maliit at ang isa pang napanaginipan ko ay cellphone. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Jean

Sa iyo, Jean,


Ang mangkok ay ang plato na puwedeng lagyan ng pagkain na may sabaw. Isang klase ito ng pinggan na medyo malalim ang pinakagitna, pero hindi ito ang lalagyan mismo ng sabaw.


Ang isa pang klase ng pinggan ay ang bandehado na hindi malalim, kaya kanin at ulam na walang sabaw ang puwedeng ilagay. Kaya lang, dahil bihira na rin ang nakakaalam ng mga klase ng pinggan, mas malamang na pangkaraniwang pinggan ang iyong tinutukoy.


Kapag napanaginipan ang pinggan, ang nanaginip ay makikitang gumaganda at sume-sexy.


Ang pinggan din ay bihirang mapanaginipan ng mga lalaki dahil ito mismo ay simbolo ng balakang at dibdib ng mga babae. Dahil dito, pinaniniwalaang ang nanaginip ay sobrang nakakaakit, hindi lamang sa mga mata ng kalalakihan kundi maging sa mga kapwa niya babae.


Para mapakinabangan mo ang magandang balita mula sa iyong panaginip, bakit hindi mo subukang mag-request ng kahit na ano sa mga lalaking nakadikit sa iyo o sa mga babaeng alam mong hanga sa ganda ng pigura ng nasabing bahagi ng iyong katawan?


Dahil maliit ang mangkok na nasa panaginip mo, ang pahabol na kahulugan nito ay ikaw ay super-cute ngayon, kaya lalong hindi ka tatanggihan ng mga lantad at lihim na humahanga sa iyo.


Ang cellphone naman sa panaginip ay simbolo ng komunikasyon, kaya ang payo sa iyo ay alisin mo ang pagiging mahiyain mo dahil mas maganda na maging palakaibigan ka. Gayundin, magandang ipakita mo ang iyong sweetness sa sinumang makakausap mo.


Para malinaw, walang makatatanggi sa iyo na sinumang gusto mong utusan o pakinabangan at ito mismo ang mensahe ng iyong panaginip.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page