top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | June 27, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Rose na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan ko na nagluluto ako. Minsan sinaing, tapos madalas na nasa panaginip ko ay mga ulam ang niluluto ko. Hindi ko naman alam kung naluto ko nga o hindi, kaya hindi ko rin alam kung masarap ‘yun.


Sa tunay na buhay, nakakahiya mang sabihin, pero hindi ako marunong magluto. Bumibili lang ako ng mga lutong pagkain sa restaurants at madalas ay sa labas ako kumakain kahit mag-isa lang ako. Ganito ang buhay ko rito sa Makati City.


Naghihintay,

Rose


Sa iyo Rose,


Maghanda-handa ka na dahil nalalapit na ang takdang araw na ikaw ay mag-aasawa at bilang paghahanda, much better kung mag-aral kang magluto. Pero hindi naman pagluluto lang ang dapat na alam ng babaeng malapit nang mag-asawa dahil dapat ay marunong din siyang maglaba, maglinis ng bahay, mag-ayos ng mga kagamitan, magtupi ng mga damit at maghugas ng mga pinggan at iba pang gawaing-bahay.


Pero higit sa lahat, dapat marunong kang umunawa sa mapapangasawa mo at maging mabait sa pamilya niya.


May isa pang lubhang kailangan ang babae na mag-aasawa at ito ay ang huwag munang ipakita sa magiging asawa ang kanyang ugali at gawi na hindi maganda. Sabagay, kahit hindi naman banggitin ang mga ito, ito mismo ang nangyayari sa mga mag-aasawa sa unang bahagi ng kanilang pagsasama.


Ang totoo, kahit wala kang alam, hindi na rin mapipigilan ang iyong pag-aasawa dahil ang nagluluto ka sa iyong panaginip ay nagsasabing ikaw ay mag-aasawa na.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | June 26, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Soledad na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nakapulot ako ng P1,000 sa kalsada, tapos may naghahanap ng pera at sabi niya, nawala ‘yung pera niya na at ibinigay ko ‘yung napulot kong na P1,000. Sabi niya, ‘yun daw ang pera niya, pero laking-gulat ko nang sinabi niyang “Sa iyo na lang, para sa iyo ‘yan at hindi para sa ‘kin.”


Ano ang kahulugan nito?


Naghihintay,

Soledad


Sa iyo Soledad,


Lahat ng bagay sa mundo ay may pinag-uukulan, as in, ang hindi para sa iyo ay hindi mapupunta sa iyo at ang para sa iyo na napunta sa iba ay magiging iyo pa rin.


Hindi lang sa mga bagay ito nangyayari dahil kahit sa relasyon o love life ng tao, madalas nating naririnig ang hiwalayan dahil ang napangasawa ay hindi talaga para sa kanya, kaya siya ay ihihiwalay ng kanyang kapalaran.


‘Yung iba naman na nang-agaw lang ng puwesto ay hindi nagtatagal at natanggal din dahil inagaw lang niya ‘yun at hindi naman talaga para sa kanya.


Mayroong naupo sa unahan at pinaalis dahil hindi siya ang dapat maupo roon, mayroon ding naupo sa hulihan na tinawag at pinaupo sa unahan dahil ang upuan sa unahan ay para sa kanya.


Ang pera na napulot mo sa iyong panagininip na hinahanap ng may-ari, pero nang nalaman ng may-ari na ikaw ang nakapulot ay naging para sa iyo ang pera. Ito ay nagsasabing hindi sinadya na ang mga suwerteng para sa iyo ay napunta sa iba pero ang napuntahan ay alam na hindi bagay sa kanya ang mga suwerteng nasa kanya. Kaya nang mawala ito dahil inalis sa kanya ng kanyang kapalaran, hinahanap niya dahil baka mapunta sa iba tulad niya na hindi karapat-dapat na mapuntahan nito.


Tulad ng nasabi na, ang ganitong sitwasyon ay proseso ng kapalaran na nagsasabing kung ano ang sa iyo ay dapat mapunta sa iyo. Ibig sabihin, hindi kontrolado ng tao ang buhay niya at ng ibang tao sa mundo dahil may umiiral na mahiwagang puwersa na ang mga bagay ay dapat malagay kung saan siya dapat ilagay.


Sa reyalidad, hindi naman dahil ibig sabihin, makakapulot ka ng P1,000 at ito ay nagsasabi na mag-uumapaw na walang pagsidlan ang iyong kaligayahan dahil ang para sa iyo na napunta sa iba ay magiging iyo na.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | June 25, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Tonton na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Kitang-kita ko ‘yung dalawang angel na nasa bintana namin, tapos pumasok sa silid-tulugan ko, pero nang bumangon ako, wala naman akong nakitang tao o anghel. Natulog ulit ako, pero mababaw na ‘yung tulog ko dahil naiisip ko ‘yung dalawang angels. Tapos, muli silang nagpakita sa panaginip ko at wala naman silang sinasabi at nakatayo lang sa tapat ng kama ko.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip tungkol sa mga anghel?


Naghihintay,

Tonton


Sa iyo Tonton,


Bumaba ang mga anghel sa lupa, pero alam mo, mas madalas, dalawa ang anghel at masasabing mag-partner sila, pero minsan ay tatlo silang pumupunta sa mundo para sa mga tao.


Ang salitang “angel” ay messenger ang kahulugan, kaya palagi silang may dalang mensahe pero hindi naman laging ang mensahe ay spoken words. Kumbaga, simpleng makita pa lang ang angels, isang mensahe na rin itong masasabi.


Bukod sa messenger ang ibig sabihin ng salitang “angel”, ito ay nangangahulugan na protector, as in, poproteksiyunan niya o nila ang taong dadalawin nila.


Kapag ang nanaginip ay halimbawang takot sa akyat-bahay, poprotektahan siya ng kanyang angels laban sa mga akyat-bahay. Kapag naman ang kinatatakutan ay holdaper o rapist at iba pang masasamang-loob, ang angels niya ay magsisilbing tagapagtanggol.


Minsan, may mga anghel na nagbibigay din ng suwerte kapag ang nanaginip ay takot sa kahirapan, kumbaga, pagkakalooban siya ng kanyang angels ng mga suwerte dahil siya ay takot sa kahirapan.


Dahil ang mga angels ay may kani-kanyang virtue o powers, may mga anghel na nagpapagaling. Sila ang mga healing angels pero binabantayan din nila ang mga tao para hindi dapuan ng karamdaman.


Kaya sa mga araw na siya ay nanaginip na takot siyang magkasakit, ang kanyang angels ay magbibigay ng proteksyon para hindi siya dapuan ng karamdaman na kanyang kinatatakutan.


Ikaw, ano ang kinatatakutan mo sa mga araw na nakita mo ang iyong mga anghel?

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page